TINTA - magsulat, magmulat










ILIGTAS ANG RIPADA!

Mula Marso, alumpihit na ang mga residente ng RIPADA dahil sa planong idemolish sila para magbigay-daan sa konstruksyon ng C5 road. Lahat ay umasang plano lamang ito dahil matagal na nga naman silang nakatira roon, ngayon pa ba sila paaalisin? Nagkamali sila.

Inanunsyo ni Gloria Macapal (sinadya)-Arroyo sa kanyang nakaraang bersyon ng estado ng nasyon noong nakaraang Hulyo na tama, tuloy nga ang planong gawing C5 ang RIPADA area. Sa harap ng mga burukratang kapitalista at mga PML ng Kongreso, ipinagyabang ni Arroyo ang kanyang pagpili sa daan kaysa sa kabuhayan, tirahan at kapakanan ng mga residente ng RIPADA.

Ano nga ba ang RIPADA? Ito ay parte ng lupa ng UP, isang residential area kung saan mahigit 1,000 pamilya ang naninirahan. Marami sa kanila ay mga manggagawa at mga mag-aaral ng UP.

Halos dalawang linggo na ang nakaraan mula ng simulan ng mga residente ng RIPADA, kasama ang mga concerened groups at mga mag-aaral mula sa UP, ang barikada malapit sa Balay Kalinao na siyang daanan papuntang RIPADA. Umulan o umaraw man ay nakabarikada ang mga residente at mga estudyante sa ilalim nbg mga tent, matiyagang nagsisilbing bantay para sa buong komunidad.

Subukan ninyong pumunta sa barikada. Tiyak ako, aalukin kayong kumain nila Kuya Buboy, o hindi naman kaya, nila Dinggo. Araw-araw kasi silang nagluluto roon ng agahan, pananghalian at hapunan para sa lahat ng naki-barikada. Hindi ako makapaniwalang ito ang mga taong nais paalisin ng gobyerno sa kanilang mga tahanan. Napakabuti ng mga taong ito.

Si Kuya Buboy ang pambansang pangulo ng All UP Workers Uniton, kaya naman napaka hands-on niya sa isyu at sa barikada mismo. Si Dinggo naman ay isa sa mga kabataan ng RIPADA. Araw-araw siyang nasa barikada kasama ang barkada, nagmamatyag, umaasa at naninindigan kasabay ang pagtugtog ng gitara at pag-awit ng makabayang mga kanta.

Subukan ninyong pumunta sa barikada. Tiyak akong maiintindihan niyo ang aming panawagang iligtas ang RIPADA.

Subukan ninyong pumunta sa barikada. Tiyak ako, maraming bagay ang magpapamulat sa inyo. Doon sa barikada, marami sa kanila ang mas mulat pa sa ating mga nakakulong sa apat na sulok ng silid-aralan.

Subukan niyong pumunta sa barikada. Tiyak ako, walang dahilan para hindi kayo sumali sa panawagang ito.

Iligtas ang RIPADA!



Red - the color of blood and of encompassing change

Butterfly - stingy, swift, learned and ready

I am the RED BUTTERFLY...

...come see me fly




"Workers of the world, unite - you have nothing to lose but your chains." -Karl Marx

Tinta sa Sapot 2007 All Rights Reserved
Last udpated: August 22, 2007