Ingkong Logio
In this episode, Pearl Harbor is bombed.
Nagsimula ang pag-aaral ni Placing,
at kaming mag-asawa ay nagsimula na rin ng paghahanap-buhay.
Ako ay namili ng manok at itlog sa
lalawigan at ang asawa ko naman ang siyang nagbibili sa Pamilihan ng Quiapo,
Maynila at iba pa.
Tangi sa pamimili ko ng manok sa lalawigan
ay nagdadala pa ako ng mga bomba at mga tubo ng tubig bilang agente ng
Hardware ng Yutivo and Sons, at agente pa rin ako ng Sweepstakes at paminsan-minsan pa akong nagtatanggol sa mga Juzgado de Paz.
Ito ang ipinagtaguyod namin sa aming
paninirahan sa Maynila at sa pag-aaral ni Placing, hanggang sa buwan ng
Marzo ng taong 1936, na siya ay tumanggap ng Diploma sa pagka Ingeniero
Mecanico. At sabihin pa, ang aming mga dibdib ay naging masiyadong maliit
upang paglulanan ng aming tinamong tuwa at kaligayahan.
Nang buwan ng Junio ng taon ding yaon
ay nagpatuloy si Placing ng pag-aaral sa Universidad rin ng Filipinas.
Sa pag-aaral na ito ni Placing ay
wala na kaming ibang hanapbuhay kundi magpakain (kasero) ng mga estudiante
sapagkat ang dati naming mga hanapbuhay ay mahihina na sa dahilang
marami na ang tumulad.
Nang nangangalahati na ang pag-aaral
ni Placing ay nagkasakit ang kanyang ina ng matinding pag-uubo na kung
minsan ay may kasama pang dugo ang ilinulura, ako ay nagulumihanan. Dali
dali akong nagpunta sa Rizal at pinakiusapan ko ang aming kompareng Jose
Taganas upang kami ay ipagluto samantalang may sakit ang kanyang komare.
Siya ay pumayag at sumama sa akin sa Maynila at ipinagluto kami hanggang
sa gumaling ang kanyang komare.
Kung hindi kami tinulungan ng aming
kompareng Jose at nagpatuloy pa ang sakit ng aking maybahay ay inaasahan
kong mabibigo ang pag-aaral ni Placing sa taong yaon.
Nang buwan ng Marzo ng taong 1937,
si Placing ay muling nagsuot ng toga sa pagka Ingeniero Electrico.
Kami ay halos malunod sa ligaya at
kasiyahang loob, nalimot namin ang lahat ng hirap at pagtitiis na aming
dinanas. Nakatupad kami sa aming tungkuling pagka magulang at sa katapusan
ay kami ay nagtagumpay.
Nang sumunod na buwan ng Abril 1937
si Placing ay naglilingkod na sa Otis Elevator Co. bilang Ingeniero sa
nasabing kompaniya.
Noong ika labinlima ng Mayo ng taon
ding yaon ay nalipat siya sa Samahang Magsasaka, Inc. sa Cabanatuan, Nueva
Ecija, bilang Ingeniero sa Planta Electrica ng nasabing Samahan.
Mula noon ay nanirahan na kami sa
bayan ng Cabanatuan, bayang kinakitaan ng unang liwanag ng aking
maybahay. Siya ay buhat sa isa rin namang malakilaking angkan ng mga Diaz
at Valino at ako naman ay maraming kakilala at kaibigan sa bayang iyon,
kaya kami ay hindi nagkaroon ng anomang suliranin sa aming pakikisama at
pakikipamayan. Kami ay matahimik, maligaya at malinis ang kalooban sa piling
ng mga kapatid at mga kamag-anak ng aking maybahay.
Nang ika-walo ng buwan ng Diciembre
ng taong 1941 ay nagpahayag ng pakikidigma ang bansang Hapon sa bansang
Amerikano, na kasabay ang paglusub sa mga lupaing sakop ng bansang Amerikano,
isa na sa mga ito ang Kapuluang Filipinas.
Kapagkarakang nahayag ang digma ay
ipinag-utos ng Presidente Quezon na maghanda ng pagkain para sa apat na
buwan, at kami naman ay naghanda. Ipinag-utos din ang paghuhukay sa lupa
upang magamit na kublihan (dugout). Kami ay gumawa rin.
Nang ika 13 ng Diciembre ay binomba
ng Hapon ang paliparan sa Bangad, Cabanatuan.
Sa pangyayaring ito ay nabalisang
di ano lamang ang mga mamamayan, may nagpunta sa ibang lugar, may naghakot
ng mga kasangkapan na dinadala sa ibang lugar.
Ako ma'y nababalisa na rin, gusto
ko na rin sanang lumayo, ngunit napipigil ako ng maraming kadahilanan.Una
yang sinasabi ng mga pinunong militar na ang mga Hapon ay hindi makalulunsad
sa dalampasigan ng Filipinas dahilan sa nakapaligid na mina sa ating baybayin.
Ang ating Hukbo ay nakatanod sa ating mga lunsaran (Puerto). Ang ikalawa
ay ang mga balitang daan daang eroplano at tangke ang ilinunsad na ng mga
Amerikano sa Maynila. Ang ikatlo ay ang daan daang trak na dumarating
araw gabi sa Kabanatuan, na punuan ng mga sundalo at mga kanyong laban
sa mga eroplano, ang ikapat ay kung paano mahahakot ang aming mga kasangkapan,
samantalang walang trak, kariton, ni karomatang mapaglululanan at ang ikalima
ay si Placing na hindi pa makalis sa kanyang tungkulin sapagkat yaon ay
pambayan (publico). Ayaw ko namang mahiwalay siya sa amin bagaman at pinauuna
na niya kaming umalis kung gusto namin, ngunit ayaw ko ng gayon.
Nang ika 23 ng Diciembre ay binomba
ang bayan ng San Jose, 170 ang sugatan na dinala sa hospital ng Kabanatuan.
Kinabukasan, ika 24, binomba naman
ang Kabanatuan, mula sa umaga hanggang alas 4 ng hapon. Maraming babae
ang umiiyak sa loob ng butas o dugout. Nang gabing yaon ay halos hindi
na kami nakatulog.
Ang mga kilusang militar o ang mga
sundalo ay walang tigil.
Kinabukasan, 25 araw ng Pasko mag-iika
8 ng umaga ako sana ay maghihilamaos sa aming lavador nang ako ay tawagin
ni Placing. Ang sabi ay nariyan na ang mga eroplano. Hindi ko pa pinansin
ang unang tawag ni Placing ngunit ang ikalawa na lubhang masasal ay sinunod
ko nang may halong takbo, gayon man ay halos hindi pa ako nakapapasok sa
butas ay pumutok na nag bomba. Ako ay natilamsikan pa ng lupa, mabuti at
hindi piraso ng bakal.
Nang makalayo na ang eroplano si Placing
ay lumabas sa butas upang alamin ang nangyari. Nakita niyang ang aming
bahay at ang mga katabi ay mga wasak na. Siya ay nagbalik agad sa butas
sapagkat ang mga eroplano ay madalas ang dating.
Nang mag -iika 4 ng hapon sa palagay
namin wala nang eroplano ay naglabasan na kami sa butas at pagkatapos kaming
mamulot ng ilang kasangkapang nakasabog sa silong ng bahay ay nagtakbo
na kaming patungo sa lugar ng Bitas. Sa pagtabo naming ito ay madalas pa
kaming dumadapa sa mga kanal ng daan (rampa) kung dumarating ang
mga eroplano.
Pagdating namin sa lugar ng Bitas,
ay inabot na namin ang maraming tao, may lumalakad, may nangakatigil at
nagsisirating pa.Kami ay nakisunod na sa nagsisipunta sa lugar ng Burol.
Hindi mabilang ang dami ng mga taong sinusundan namin gayon di ang nagsisisunod
sa amin.
Nang dumating kami sa Burol
ay lubog na ang buwang kalahatian sa paglaki. Nagtuloy kami sa bahay
ni G. Ricardo Ferrer, marami ring tao ang inabutan namin doon. Kami ay
naghapunan at natulog nang kaunti at pagka-umaga ay nakisunod kaming lumakad
kina G. Mariano Puno na patungo sa bayan ng Pantabangan, na siya rin naming
nais puntahan.
Nang makarating kami sa lugar ng Balanghari kami ay tumigil dahilan sa ang isang anak ni G. Mariano Puno na natitira doon ay isinasama sa Pantabangan. Kami ay natulog doon.
In the next episode, Ingkong
Logio relates how wartime is like.
This page created with Netscape Navigator Gold