BALAT


Ayokong pumunta sa burol ni Muymoy. Kaninang umaga, dumaan ako. Walang tao. Ewan ko kung bakit nakabukas ang kabaong niya. Lumapit ako. Gumalaw ang kanang kamay niya na nakapatong sa tiyan. Nakasahod parang nanghihingi. Napaatras ako, kasunod ay ang pagtakbo, sobrang bilis dahil sa pagdilat niyang iyon, mayroon akong naalala.

Pangatlong beses ko na itong pagtuntong sa Mindoro para akyatin ang isa sa pinakamahirap at pang-apat sa pinakamataas na bundok dito sa Pilipinas, ang Mt. Halcon. Isa ako sa maraming nangangarap na marating ang tuktok nito. Nung unang pagtatangka ko, apat na beterano na sa pag-akyat ang kasama ko. Kahit gaano ka pa ka-beterano, kung nagbabaan na ang mga kawayan at halaman sa trail, at sinusundan ka na ng napakaitim na ulap, mas mabuti pa ang bumaba na lang. Katatapos lang kasi ng isang napakalakas na bagyo noon na signal number 4 sa Mindoro. Kaya ganoon kasukal ang trail.

Para kaming pinaglaruan ng isandaang pusa sa dami ng galos sa katawan. Hindi pa kami nangangalahati n’on sa pag-akyat. Puerto Galera tuloy ang bagsak namin. Sa pangalawa kong pagtatangka, ang ganda-ganda ng panahon habang umaakyat kami, pagdating sa Camp 1, kung saan unang nagkakampo para magpalipas ng gabi, bigla ba namang umulan nang malakas! Yung ulan na "’eto ang Diyos!". May kasama pang kulog at kidlat iyon. Kung asido siguro ang pumapatak, isang segundo lang, burado na kami sa ibabaw ng lupa. Literal ang sinasabi ko.

Tatlong araw kami kumain, uminom ng gin, at natulog sa Camp 1 Kumain, uminom ng gin, at natulog. May isa pa pala kaming ginagawa, ang alaskahin ako na may balat sa puwet! Lalo na nung apat na beteranong nakasama ko nung una. Kapag sila-sila lang daw, nakakarating sila sa tuktok. Ewan ko kung nagkataon lang pero may maliit na balat kasi talaga ako malapit sa puwet. Pero kahit hindi sa puwet ‘yon, hindi ko inaamin sa kanila. Hindi naman kasi ako naniniwala na malas ‘yon eh, noon. Pero ngayon, parang gusto ko nang maniwala.


Hindi talaga kami puwedeng tumuloy sa tuktok dahil hindi nagbago ang kondisyon ng panahon. Ang hirap nga umihi sa bote ng gin, eh! Kumalma ang ulan nung pang-apat na araw at kung kailan pababa na kami.

Pito kami ngayong aakyat. Sina Juno, Yani, at Maru na makailang beses nang sumigaw sa tuktok ng Mt. Halcon (tatlo sila sa apat na kasama ko nung una at pangalawa kong pagtatangkang umakyat). Si Dudut na nakarating na sa tuktok ng isang beses. Una pa lang ito sa Halcon ng ka-batch kong sina Muymoy at Badet. Ako, kahit papaano, nakarating na sa Camp 1. Lamang ako sa kanila.

Sa mga unang oras nang pag-akyat, hindi pa kami nagkakalayo-layo. Magkahawak-kamay pa sina Dudut at Badet. Malawak pa ang trail dahil ang paanan ng Halcon ay tirahan ng mga Mangyan. Kakaunti pa ang mga puno na nagpapayong sa amin mula sa init ng pasikat na araw. Pasado alas-syete na ng umaga kami nagsimula.

Marami akong nakakasalubong na Mangyan. Maiitim. Tila hindi nasasayaran ng suklay ang buhok. Ang matandang lalaki na nakatambay sa harap ng kanilang bahay na yari sa kawayan ay nakabahag pa at walang pang itaas. Ako ang nahihiya sa mga babaeng walang pang-itaas. Pero sa kanila ay wala lang iyon. Kasama sa kultura. Sa tingin ko, kasama rin sa kultura nila ang amoy. Kapag lumalagpas sa akin ang nasasalubong kong Mangyan, hinahabol ng amoy nila ang ilong ko. Mabaho pero hindi amoy kili-kiling pawis. Parang amoy ng usok ng sinigaang tuyong dahon. Parang amoy katawang bilad sa araw na nabasa at natuyuan ng pawis na hindi nahuhugasan ng sabon, kahit sabong panlaba lang.

Unti-unti nang nagkakaroon ng mga dahon sa ulunan ko. Kumikipot na rin ang trail. Hindi na ako napapalundag tuwing may patay na dagang gubat sa trail na nahuhuli sa bitag ng Mangyan. Hindi ko na natatanaw si Badet pero dinig na dinig ko ang matinis niyang hiyaw. "Tanggalin mo! Tanggalin mo!" Ilang beses kong narinig iyon sa kanya. Naabutan ko silang dalawa ni Dudut. Si Badet na singpula ng kamatis ang mukha at si Dudut na tatawa-tawa habang tinatanggal ang limatik sa hita ni Badet. Napansin kong sinasadya talagang patagalin ni Dudut ang pagtanggal sa madulas at malikot na linta para asarin si Badet. At siguro, para manantsing.

Lalong lumakas ang hiyaw ni Badet nang dumugo ang kagat ng limatik, takot daw siya sa dugo. Iniwanan ko na yung dalawa matapos hilahin ang limatik na nagpupumilit pumasok sa aking medyas. May sampung metro na ang distansya namin sa isa’t isa ng mga kasama ko. Pero madalas ko ring abutan si Muymoy na nakaupo sa gilid ng trail at nagte-text. Kapag bago talaga ang celfone, walang sinasanto na lugar! Siguro sa pagte-text siya kumukuha ng lakas.

Kahit kailan talaga, taong bato sina Juno, Yani, at Maru. Sigurado ako nasa Camp 1 na ang mga ‘yon at nagkakape. Siguro, lalaki talaga si Yani na nakulong sa katawan ng babae? Sabagay, hindi naman ganun kababae ang katawan niya. Ang laki ng binti at hita!

Nagsigawan at nag-apiran ang dalawang first timer na sina Muymoy at Badet pagtuntong sa Camp1. Akala nila, iyon na ang tuktok ng Halcon. Hinihintay kong mapawi ang ulap at makita ang ekspresyon sa mukha nila katulad ng lahat ng mga first timer sa Halcon, katulad ng ekspresyon ko. "Ayun!".

Mula sa Camp1, panibagong bundok ulit ang makikita. Napakataas na tila nasa paanan ka pa rin. At napakalaki na parang napapalibutan nito ang Camp1. Iyon ang totoong Halcon! Napamura yung dalawa.

"Eh, ano pala yung inakyat natin ng walong oras?!" nakapameywang na tanong ni Muymoy.

"Batchmate! Welcome to Camp1". At tumawa ako nang malakas kasabay ng iba pa naming kasama.

Hindi na malas ang sikretong balat ko malapit sa puwet. Parang gusto ko nang sabihin sa kanila tutal maganda naman ang gabi ngayon dito sa Camp1. Pero sa tuktok na lang siguro.

Ang ganda sa Camp1. Nasa harap mo ang kahabaan ng Halcon. Kahit gabi, kitang-kita ang labing-apat na falls sa tulong ng half moon. Mahahabang kulay puti. Nagpakita ang lahat ng constellations, marami pala. Para kang nakatingin sa christmas tree ng mayaman. Mailaw, maliwanag.

Dalawang bilog na ang naitutumba namin nina Juno, Maru, Dudut, at Badet. Sapat na upang mabawasan ang panginginig ng aming katawan. Kapapasok lang ni Yani sa tent namin nina Muyomoy. Ako ang may-ari nung tent, inampon ko lang yung dalawa. Pagkatapos na pagkatapos pa lang ng hapunan, pumasok na agad si Muymoy. Patpatin kasi ang katawan kaya lamigin.

Nararamdaman kong may nagaganap na milagro sa loob ng tent ko. Kanina kasi, sinasandukan ni Muymoy ng kanin si Yani. Kahit mahulog-hulog na sa lupa yung kanin na sinasandok niya dahil sa panginginig ng kamay, nagpasiklab pa rin talaga. Alam ko ang style ng kapitbahay at kababata kong ito, eh. Style bulok! Pa-malambing effect. Pero gumagana. Mahilig talaga sa babae. Kahit sa malaking binti at hita, tinitigasan. Pati yung katulong namin na ang mukha, eh yung totoong hindi talaga maipinta, pinatulan! Maganda naman kasi ang katawan, eh!

Naku! Nakalimutan kong paalalahanan si Muymoy kanina na huwag mamantsahan ang tent ko.

Kinabukasan, mabilis natapos sa pagi-impake sina Yani, Badet, at Muymoy. Mga wala kasing gamit. Nakiki-tent lang din kasi si Badet kay Dudut.

Patext-text na lang si Muymoy ngayon. Sino kaya sa mga babaeng ibinibida niya sa akin ang ka-text niya? Yung babaeng taga- St. Scho? Yung sosyal na commercial model? O yung katulong na magaling daw sa kama? Teka, baka yung katulong namin ‘yon ah.

Baka naman si Greys na ex ko ang ka-text niya?

Malakas ang tubig sa Dulangan river. Isa itong malaking ilog na madadaanan pagbaba sa Camp1, paakyat ng tuktok. Sobrang lamig ng tubig! Napatunayan ko na naman na totoo pala ang lamig na sagad hanggang buto. Talaga namang sumakit ang panga ko sa pagpigil sa mga ngipin kong walang tigil sa pagbabanggaan.

Malalago at matataas ang mga puno sa trail. Palakad-lakad lang sa pasikut-sikot na trail. Sa isip-isip ko, kung ganito lang ang trail hanggang sa tuktok, kahit takbuhin ko pa ito! Dalawang oras lang pala ang tila pamamasyal na pag-akyat. Bahagya nang tumatarik. Basa na ang medyas ko sa di maiwasang pagsawsaw sa maliliit na ilog na bahagi ng trail. Mas lalong dumadami ang nakikita kong iba’t ibang uri ng bulaklak na karamihan ay orchids. Merong Ground orchids na kulay dilaw. Dapo o isang uri ng orchid na nakadikit sa katawan at sanga ng mga puno. Ang Pitcher plant ay endangered specie na pero napakarami dito. Mas natatagalan ako sa pagkuha ng litrato kaysa sa pagpapahinga. Napapansin kong para na akong hinihikang kabayo habang patarik na ng patarik ang trail. Bukod sa napakatarik, dire-diretso pa. Huminto muna ako at kumain ng trail food, Cloud9. Ito ang aking national trail food at siguro ng iba ring mountaineers. Mura kasi, eh.

Nakapasok na ako sa loob ng Mossy forest. Ang lahat ng puno at halaman ay nababalutan ng moss. May kulay yellow green, green, dark green, at kung may tawag siguro sa green na parang brown, merong moss na ganoon ang kulay, kung ano man ‘yon.


May naalala ako pagkakita sa dark green na moss. Katulad kasi ito nung panali sa buhok na binili ko sa isang tindahan sa SM na ang itsura ay moss. Binili ko para kay Greys. Naalala ko tuloy na panay pa ang mura ko noon dahil panali lang, singkwenta pesos na! Samantalang maraming bata sa iskul ang naglalako ng panali sa buhok. Tatlo, bente. Dalawa, sampu pa, kapag nauto mo sila. Pero para talagang moss ang itsura nung panali na iyon. Kaya isang araw akong di nagmeryenda para lang makabili. Mabuti na lang nagustuhan ni Greys, dahil kung hindi, noon ko pa isinumpa ang mga buhok!

Hanggang ngayon, nakikita ko pa rin na ginagamit niya. Kahit kasama niya si Muymoy. Lalong tumatarik. Lalong lumalamig. Lalong gumaganda ang nakikita. Malalayo na ang agwat namin. Kapag ganitong matarik, dito talaga nalalaman ang tunay na malakas umakyat. Ako ang nasa hulihan ngayon, hindi dahil mahina ako. Umover-take si Maru sa akin dahil kailangan niyang habulin sa unahan si Juno para tulungang mag-ayos ng ladder.

Nasa harapan ko si Muymoy, awa ng Diyos, di nagte-text. Mabagal ang mga hakbang niya. Huminto siya at nanghingi ng trailfood sa akin.

"Eh, isa na lang ‘to. Para sa pagbaba ko na ‘to bukas. May pambili ka ng celfone, wala kang pambili ng trail food!" Sagot ko sa kanya.

Medyo madamdamin ang pagsabi ko sa kanya nang ganoon. Kahit kababata ko siya, mayroon siyang mga ugali na kinaaasaran ko. Mayroon na siyang kinuha sa akin Huwag na ang Cloud9 ko. Nanginginig siyang tumalikod sa akin. Nagtaka ako dahil hindi na humirit ang mokong. Palahirit ang ugali nito, maingay. Naisip ko na kapag humirit, bibigyan ko na. Ang totoo kasi, dalawa pa ang Cloud9 ko, pero hindi na humirit. Bahala siya.

Isang napakahabang matarik na paahon at sa ibabaw ay mahabang patag na puro bonsai. Ang dami-dami! Sa gilid ng trail. Saan ka makakakita ng kawayan na hanggang tuhod mo lang? Kung sa Maynila, binibili nang mahal ang bonsai, dito, dinadaanan ko lang!

Pagkalampas ng bonsayan, makipot na ang trail. Ito na ang tinatawag na Knife edge. Malapit na sa pagiging literal sa ibig sabihin ang kipot ng trail na ito. Sakto lang ang lapad ng pinagdikit na paa. Bangin ang magkabila. Hindi ako natatakot dahil hindi ko naman nakikita ang huhulugan ko kung saka-sakaling madulas. Puro kasi ulap. Kaya dahan-dahan lang ako kung lumakad. Mahirap na, baka sa Occidental ako pulutin kung sa kanan ako mahulog. At Oriental naman kung sa kaliwa. Parang gusto ko nang sumigaw. Isigaw na nasa gitna ako ng Mindoro. At isigaw ang pangalan ni Greys. Pero buntong-hininga lang ang lumabas sa bibig ko. Limang metro na lang ang ladder at pagkatapos ay makakatuntong na sa Summit ridge. Ang Summit ridge ay bahagi na ng tuktok ng Halcon.

Kaaakyat lang ni Muymoy. Ang ladder ay yari sa kahoy at lubid. Ipinagawa sa Mangyan ng mga mountaineers noon dahil mahirap akyatin ang di naman kataasang bato. Limang talampakan ngunit 90 degrees naman ang tarik.

Pagtuntong ko sa Summit ridge, puti ang paligid. Puro ulap. Malabo kong nakikita ang kahabaan ng Summit ridge. Tantya ko, kinse minutos pa papunta sa pinagkakampuhan. Natutuwa nga ako sa kakulitan ng ulap pero naiinip na akong makarating sa summit mismo. Biglang nawawala ang paa ko. Mapaglaro kasi ang ulap. Kailangan ko tuloy huminto. Hindi naman kasi malapad ang trail pero di hamak na mas malapad sa Knife edge. Sa mga paghinto kong iyon, mas lalo kong nararamdaman ang lamig. Ang ginaw! Hindi ko na maramdaman ang kamay ko sa sobrang manhid pero nakikita ko pa na ginu-goosebumps ito. Hinimas-himas ko ang mukha ko para matiyak kung nakakaramdam pa. Hindi lang pala kamay ko ang namanhid, pati mukha. Kahit siguro magpasuntok ako, hindi ko iindahin. Nakikita ko ang anino ni Muymoy sa unahan sa gitna ng ulap. May sampung metro pa ang agwat namin. Nakita kong umupo siya sa tabi ng trail. Sa isip-isip ko, umupo ang loko! Ano ‘yon, magte-text? Hindi ako sigurado kung may signal dito. Inabutan ko siyang nakahiga na. Yakap-yakap ang sarili.

"Hoy! Hoy! Pare! Ayos ka lang?" tanong ko habang tinatapik ang balikat niya.

Hindi niya ako sinagot. Nakatingin lang sa akin. Hindi ako kinabahan sa kalagayan niya dahil nakadilat naman at hindi nanginginig. Medyo naasar pa ako dahil tila nagi-inarte. Sa isip-isip ko, kahit tumalon siya sa bangin, di ko siya bibigyan ng trailfood! Ang lapit na ng campsite, eh. Nakita ko na ang mga kasama namin sa di kalayuan na nagpi-pitch ng tent. Napatakbo ako. Sa wakas! Summit na ng Halcon! Habang tumatakbo, naalala ko ang unang at pangalawang pagtatangka kong akytain ito. Ang mga galos, ang " ‘eto ang Diyos" na ulan.

Nagpakuha ako agad ng litrato kay Maru. Kinunan ko rin sila habang nagpi-pitch ng tent. Kinunan ko ang paligid kahit puro puti. Kinunan ko si Badet na nakaupo sa isang tabi at nanginginig. Bigla kong naramdaman ang ginaw. Nakakahawa pala iyon.

Napatalon pa ako nang may pumatak sa braso ko. Tubig? Ulan. Dali-dali kong nilabas ang tent ko at itinayo agad, umaambon na. Lumalakas ang hangin. Kasabay nang pagbuhos nang malakas na ulan, napa-dive na ako sa loob ng tent ko. Si Yani, sa tent na nina Juno, napadive. Tila galit na galit na naman ang Diyos sa lakas ng ulan. Halos bumaba ang bubong ng tent ko. Naglalagutukan ang mga poles. Wag sanang mabali, wag sanang mabali, pauilit-ulit kong sinasambit. Kahit kailan talaga, ang labo ng panahon sa bundok! Bigla akong nagpasintabi sa sinabi ko. Baka kasi lalong magalit ang kalikasan, bigyan pa kami ng lindol.

Bigla kong naisip ang mga kasama ko sa tent. Bigla akong nainis sa kanila. Kung kailan kailangan ko ng kasama, saka sila wala! Okey lang kahit malaki ang binti’t hita ni Yani. Okey lang kahit magtext nang magtext buong gabi si muymoy, basta may kasama lang ako ngayon sa loob ng mukhang mapupunit na tent! Ano kaya ang magiging kapalaran ko kapag inilipad ako ng hangin? Hindi ko na napansing dumating si Muymoy kanina. Para kasing sinisilihan ang puwet ko sa pagpi-pitch ng tent. Isang dipa lang ang layo ng tent ko kina Juno pero hindi ko maintindihan kung tinatawag nila ako, o ano. Baka guni-guni ko lang dahil kung anu-anong tunog ang nagagawa ng sobrang lakas na hangin. Pero parang tinatawag talaga nila ako. Baka nandoon sa kanila si Muymoy.

Nangangatal ako sa lamig. Hindi ako nakapagpalit ng tuyong damit dahil umulan na nga pagkapitch na pagkapitch ng tent. Ni hindi ko nga naipasok ang backpack ko, kaya ayun, naliligo sa ulan. Naalala ko bigla ang Cloud9 sa bulsa ko. Ayos, pampainit!

Apat na oras pala akong nakatulog. Tumigil nga ang ulan pero ang hangin ay bahagya lang humina. Binuksan ko ang zipper ng tent at nagulat pa ako dahil nabungaran ko si Juno na akmang bubuksan ang tent ko. Nagulat din siya. Tinatanong niya sa akin kung nasaan si Muymoy.

"'Kaw lang pala mag-isa dyan? Teka, san si Muymoy." tanong ni Juno at sumilip agad sa tent ni Dudut.

Wala si Muymoy. Tinanong ako ulit ni Juno. Hindi ako agad nakapagsalita. Wala akong maisagot. Hindi ko alam kung bakit hindi ko alam ang isasagot ko. Ganito talaga siguro kapag bagong gising. Basta biglang pumasok sa utak ko ang itsura ni Muymoy habang nakahiga sa trail. Ganoon pa rin ang ayos niya nang iwan ko kanina. Nakahiga nang patagilid, yakap-yakap ang sarili. Yun nga lang, di tulad kanina, nakapikit na.

Alam na namin.

Sama-sama na kami sa isang tent. Mag-isa na si Muymoy sa tent ko, walang katabi. Ayoko siyang tabihan, ayaw din nila. Panay ang iyak nina Badet at Yani. Tingin ko, si Dudut din umiiyak. Pasigaw lahat kung magsalita. Hindi makapag-usap nang matino. Ganoon siguro talaga kapag walang mabato ng sisi.

Nasira ang plano kinabukasan na bababa sina Juno at Maru para humingi ng tulong. Hindi na tumigil ang ulan hanggang sa ika-apat na araw.

Napakalakas na kahit ang isang hibla ng buhok ay hindi makakasingit sa pagitan ng mga patak nito.

Ubos na ang mga pagkain namin. Nagtitiyaga na lang kami sa soup. Hinang-hina na kami sa ika-limang araw. Wala ng ulan, hangin na lang. Pinilit na naming bumaba, iwan ang gamit, flashlight lang ang dala. Pati si Muymoy, iniwan din namin.

Alas dos ng umaga, nangangatok kami sa bahay ng isang Mangyan. Hinainan kami ni Buhay ng nilagang kamote. Noong bata ako, mas gusto ko ang banana cue kaysa sa kamote cue. Ngayon ko lang nalaman na mas masarap pala ang kamote. O gutom lang talaga ako? Hindi, masarap talaga.

Ibinaba si Muymoy ng helikopter. Pagbaba sa patag, para siyang isda na tinanggal sa freezer. Naglabasan ang dugo sa ilong at tenga niya. Hypothermia ang ikinamatay niya.

Hinimatay ang mga magulang ni Muymoy. Natural! Niyakap pa nila ako pero pakiramdam ko galit sila sa akin.

Hindi pumapalya ng lamay sina Juno, Maru, Yani, Badet, at Dudut. Pati si Greys, tingin ko.

Siguro, makikipaglibing na lang ako bukas. Ewan ko kung iiyak ako. Kung ibinaba na ang kabaong niya at may naghagis na ng lupa, maghahagis din ako. Pero hindi ng lupa, kundi ng Cloud9. Sana puwede. Para may trailfood siya kung saan man siya mapupunta.


Salome

BACK