KASINTAHAN


Bundok ang kasintahan ko. Ang nagpapasaya sa akin,
Ang mahal ko,
Kahit no.2 ko ang dagat.

Tuwing dinadalaw kita,
Hindi ko kinayayamutan ang pawis
Na tumatagaktak simula sa aking noo
Pababa sa aking dibdib,
Maski ang init ng araw na sumusunog sa aking balat,
Dahil sinasalubong mo ako ng halik
At sa gabi, kinukumutan ng lamig.

Ninanamnam ko ang bawat dantay
Ng suwelas ng aking sandals sa iyong lupa,
Ang paghaplos ng tingin sa mga halaman
Habang naglalakad,
Ang pagpisil sa mga ugat habang kapit at matarik,
Ang pagdantay ng likod sa katawan ng iyong mga puno,
Ang pagyapos sa mga bato........
Lagi kang mabango, may mga bulaklak man o wala.

Hindi nagpapakita ang mga bituin
Hangga't hindi tayo magkaulayaw.
Natutulala ako sa ganda ng langit
Na handog mo sa akin.
Kapag gano'n, kinakalabit mo ang tenga ko
Ng ingay ng mga kuliglig.

May panahon na bumabagyo, kumikidlat....
Gaano man katumitibok ang puso,
Marunong pa ring matakot, malungkot, mainis,
Dahil sa pagbaba, tiyak na pababaunan ng putik.
Titingnan lang habang nadudulas,
Habang gumugulong at nasusugatan,
Habang umiiyak.
Kapag ganito, hindi kita makita.
Itinatago ka ng ulap.

Gusto kong magtagal....
Kulang ang dalawang araw.

Tayo ang magkasintahang, maligaya pa rin
Umabot man
Sa tuktok
O hindi.......


Salome

BACK