ANG TURTLE SHELL AT ANG MGA SANDALS
Pitong taon na akong umaakyat ng bundok. Pitong taon na ring hindi ko masagot-sagot ang madalas itanong sa akin ng mga kakilala kong hindi mountaineer. Ano ba raw ang napapala ko sa pag-akyat ng bundok? Hindi ko noon alam kung ano pa bukod sa pagsubok sa pisikal na kakayahan, pagpagpapawis, at paghahanap ng magandang lugar na mapagi-inuman. Kung masaya ka talaga sa ginagawa mo, hindi ka na naga-aksaya ng panahon para tumunganga minsan at mag-isip kung para saan nga ba talaga ito.
Nauna ako ng isang taon kay Azul sa mountaineering group namin. Hindi kami close. Yung tipong hindi nagkakabukasan ng loob. Walang pagkakataon siguro. Madalas kasi, lasing na ako kapag dadaan siya ng tambayan.
Pareho kami ng pinasukang iskul noon sa College. Madalas ko siyang nakikita na may hawak na placard at nagsisisigaw sa harap ng Administration office. Basta ang natatandaan ko, tungkol sa pagtaas ng matrikula ang nire-reklamo nila. Ako? Wala akong pakialam no’n dahil hindi naman ako ang nagbabayad ng tuition fee ko. Gusto ko lang silang panoorin kapag wala pa yung mga kalaro ko sa basketbol. Nire-recruit pa nga ako ng loko, eh. Kako, ayoko, hindi naman ako malakas sumigaw.
Tahimik si Azul at seryoso kumilos. Sa anim na taon naming pagsasama, tatlong beses ko pa lang siyang nakitang humalakhak. Dalawang beses ko rin lang siyang napakinggang mag-joke, korni pa! Dalawang beses, nakita ko na rin siyang sumuka. Pero hindi katulad ko na nakahiga kung sumuka. Ilang buwan din bago naming nasikmura ang mga tipo ng kantang gusto niyang pakinggan.
Kanta nina Joey Ayala, Noel Cabangon, ng The Jerks at Buklod-isip.. Basta kung anu-ano pa na tungkol sa kalikasan at pakikipaglaban. Yun lang kasi ang mga tape sa tambayan kaya nasanay na rin ang mga tenga namin. Sa bahay nga, hinahanap-hanap ko na si Joey Ayala.
Sa sobrang makakalikasan ni Azul, nainis ako sa akanya minsan. Nagpunta ang grupo namin noon sa Baguio para mamasyal. Bumili ako ng singsing na kulay itim. Hindi ko alam na turtle shell pala ‘yon.
"Stop buying to stop killing." Paulit-ulit na sinasabi sa akin ni Azul.
Alam ko ba? Gustuhin ko mang isoli yung singsing, malayo na kami sa session road no’n at baka hindi na tanggapin nung tindera kung isosoli ko dahil matagal na oras na ang lumipas. Hindi ko talaga alam na turtle shell ‘yon dahil kung alam ko lang, hindi ko talaga tatangkilikin ang produkto na pumapatay sa mga kaawa-awang endangered specie.
Nung isang araw lang, napanood ko sa tv kung paano tungkabin sa shell niya ang buhay na pagong. Umiiyak din pala ang pagong. Gustung-gusto ko nang ihagis ang singsing pero wala ring magagawa iyon, hindi nito mapapahinto ang talamak na pagpatay sa mga pawikan. Isinuot ko ang singsing. Isinumpang hindi tatanggalin para mapanindigan ko ng husto ang pagiging environmentalist. Kahit nga langgam na masakit mangagat, hindi ko na pinapatulan ngayon.
May kaya ang mga seniors ng grupo namin dito sa Sta. Monica. Sila kasi ang may-ari ng malalaking tindahan dito at ang iba ay may-ari pa ng bangko. Kaya naman kakumpare nila ang halos lahat ng pulitiko dito. Kaya pag may handaan kina kongresman, sabit kami.
Minsang may bisita si kongresman na militar, kinukulit kami. Pinipilit kami na ituro ang kuta ng mga NPA.
"Ano namang alam naming diyan? Mountaineer ho kami, hindi gaya ng sinasabi niyo." Tatawa-tawa pa kami habang paulit-ulit na isinasagot iyon sa paulit-uli na nagtatanong ding militar.
"Huuu...kayong mga mountaineer, kilala niyo ang mga namumundok dito." Parang siguradong-sigurado ang tono ng pananalita niya.
Hindi na kami natatawa. Akala kasi naming nung una, binibiro lang kami. Pero mukhang pinagdududahan talaga kami ng mokong!
Hindi ko talaga maisip kung bakit pinagbibintangan nila kaming mga neps. Umaakyat lang naman kami ng bundok para mag-inom at tumakas sa kaingayan ng patag. Mukhang maypagka-nep nga yung huli kong sinabi ah. Ang ibig ko lang sabihin, para mag-relaks, makasagap ng sariwang hangin. Yun lang.
Pero yung mga porma daw namin, mukhang neps daw. Naka-sandals at ang mga damit, tila grade 6 pa kami ng bilhin dahil sa kalumaan. Nilait pa kami ng walanghiya! Pero talaga naman kasing , hindi kami pala-bihis ng maayos. Nagpopolo at pantalon lang kami kapag magsisimba o kaya naman pagluluwas ng maynila. Pero kapag nasa tambayn, kahit anong madampot sa kwarto, isinusuot. Minsan nga, basahan na ang nadampot ko sa pagmamadali na baka maiwanan sa inuman. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung sino ang naglagay ng basahan sa kama ko!
Nalugi ng halos dalawang buwan ang negosyo ng grupo namin. Gumagawa kami ng sandals. Red Alert kasi sa Sta. Monica at hinuhuli ng mga militar ang nagsusuot ng sandals at ini-interrogate. Kaysa arestuhin, sumunod na lang daw. Pa’no na ko? Yun ang unang pumasok sa isip ko. Eh hindi ako sanay magsapatos! Tsaka, isa lang ang sapatos ko, balat na pansimba. Alangan naming gamitin ko ‘yon habang naka-shorts at t-shirt. Gusto kong masuka habang ini-imadyin ang sarili ko sa ganoong porma. Nakakarumi!
Hindi ko talaga alam kung saan nila nakuha ang ideyang ‘yon na ang mga neps ay nakasandals! Asar na talaga kami sa kanila. kaya kapag dumadaan sila sa harap ng tambayan, talagang idini-displey pa namin ang sarili namin na nakasuot ng sandals. Hindi nila kami masita dahil alam na ng officer nila na malakas kami kay gob at kongresman. Kinausp na sila ng mga ito na talagang mountaineers kami.
Kapag red alert pala, nagkalat ang mga sundalo. Kahit sa liblib na lugar, nakabantay. Nalaman ko lang ng mag- rockclimbing kami sa lamesang bato. Anim kami. Dalawa lang kami ni Azul na matanda, yung apat naming kasama, mga baguhan sa grupo.
Kaya nang humalik sa ilong ni Bano ang M16, napabitaw ito sa bato! Ako ang nagbe-belay sa kanya pero hindi ko na hawak ang lubid. Kasalukuyan kasing nakataas ang dalawa kong kamay. Ang kulit kasi nung tumututok sa akin na hindi ko pwedeng bitawan yung lubid, binagsakan tuloy siya ni Bano! Mabuti na lang at hindi pa kataasan ang naaakyat ni Bano, galos lang ang inabot niya. Nakatulong din ang pagbagsak niya mismo dun sa sundalo.
Pinaulanan nila kami, hindi ng bala kundi ng tanong. Sino kami at bakit kami nandun. Pwersahang kinuha ang radyo namin, ayaw kami pa-kontakin sa tambayan. Hinihingan kami ng ID. Inilabas naming ang mga ID naming sa grupo. Naghahanap pa ng iba. Inilabas naming ni Azul ang lisensya at ID sa College. Medyo naniniwala na sa amin. Ilalabas ko pa sana ID ko nung hayskul at grade 6 pero ibinalik na ang radyo namin.
"Red alert kaya wag muna kayong pakalat-kalat ditto!" sabi nung parang pingakalider nila. 1lt. Legazpi, nakita ko sa patch niya.
"Pero sana alam niyo na ang belayer ay hindi dapat bumibitaw sa lubid. Alam niyo naman siguro ‘yon dahil nag-aral naman kayo ng rescue, no?!. Mabuti na lang at hindi pa mataas ang naaakyat nitong kasama namin, kung nagkataon sasagutin niyo ba pampa-ospital nito?"
"Sige na, umalis na kayo dito! Kunin niyo na mga gamit niyo!" sabi ni 1lt. Legazpi.
Hinila ko na si Azul dahil mukhang hihirit pa. Masama na ang tingin sa kanya ng mga sundalo. Lumingo pa ako sa kanila, nagbubulungan si legazpi at ang isa pang sundalo. Napaisip tuloy ako.
Ganun talaga si Azul, pagi-isipin ka. Mahilig kasing mangatwiran at mahusay magsalita. Mahilig magtanong ng mga tanong na alam naman niya ang sagot.
Minsang nag-inuman kami at ewan ko kung bakit napunta ang paksa ng kwentuhan namin sa mga neps, nakapagsalita ako ng mga pangungusap na hindi ko pinag-isipan. Kumbaga, para lang may masabi ako, inilabas na ng bibig ko. Walang kapreno-preno ang bibig ko nang sabihin kong kesyo wala na sa katwiran ang mga ipinaglalaban ng neps.
"Bakit mo naman nasabi ‘yan?" tanong ni Azul sa akin no’n.
"Eh, pa’no pati mga bata niyayaya nilang mamundok. Pati yung mga naga-aral, ginugulo nila!" Ang naaalala ko nang sabihin ko iyon ay ang dalawang barkada ko nung 1st year college ako. Lumayas sa bahay, namundok na pala.
"Kagustuhan nila ‘yon. Hindi naman sila pinipilit eh. Sila mismo ang nakakita! Sila ang mga pumapatay at namamatay para sa gusto nating ipahayag."
Oo nga naman. Tutol na tutol ako sa gagawing pagmimina sa kabilang bayan dahil papatagin ang bundok. Ia-aprub na ng MINDEX, wala pang nakakaalam na tutol ako. Mukhang wala akong magagawa dahil duwag ako. Takot akong lumaban sa matataas.
Nagkayayaan kami ng akyat. Walo kami, si Azul lang ang hindi sumama sa mga kaedaran namin. Baguhan ang tatlo. Pagdating sa jump-off, nagkalat ang mga sundalo. Nakikini-kinita ko na ang mangyayari. Ang bangungungot ay unti-unti ng nagaganap. Pinabubulatlat lahat sa amin ang laman ng backpack. Lahat- lahat ilalabas.
Lahat ng nakaplastik, bubuksan. Gusto ko silang murahin dahil mahigit dalawang oras akong nag-impake, pagkatapos ay tatanggalin lang ang lahat! Kung wala lang silang hawak na baril, hinamon ko na sila ng habulan sa bundok.
Tulad sa nangyari sa lamesang bato, ganoon uli ang nangyari. Hindi na rin humantong sa pagpapakita ko ng hayskul at grade 6 ID.
"Bakit ang daming pagkain ha?!" naninindak ang tono ng pagtatanong nung pinakalider.
"Bakit? Kapag umakyat ba ng bundok, wala ng karapatang kumain? Hindi kami aakyat sa taas para lang magpakagutom!" Mahinahon ngunit madiing sagot ni Kuya Randil. Gusto kong makipag-apir sa kanya sa sagot niyang iyon.
Inakbayan ako nung isang sundalo. Gusto ko siyang sapakin dahil ang bigat ng kamay niya.
"Samahan niyo na lang kami." Sabi niya sa akin.
"Ano ba? Sinabi ng wala kaming alam sa pinagsasasabi niyo!" sagot ko sa kanya.
Pinabayaan din kami sa wakes. Nagpaumanhin din sa abala. Bara-bara na ang pagi-impake namin. Ayaw na naming magtagal sa paga-ayos ng gamit dahil nakabantay pa rin sila. Gusto na naming umakyat at tumakas sa kanila.
Simula nang bumaba kami sa akyat na ‘yon, bihira ko nang makita si Azul.. Pansin ko iyon dahil suot ko ang turtle shell na singsing. Minsang naglilinis ako ng owner jeep ko sa labas ng tambayan, nag-ring ang telepono. nananakbo ako sa pagsagot dahil may kalayuan sa akin ang telepono. Pag-angat ko, ibinaba. Okey lang, sanay na ako. Madalas namang may tumatawag na ganoon ang ginagawa. Alam ko mga girlfriend ‘yon ng mga kagrupo ko na ubod ng selosa! Tsinetsek kung nasa tambayan lang mga mahal nila. Yung iba naman don, mga babae na tambay diyan sa isawan sa harap. Mga nangangarap maging girlfriend ko! Pero wala akong panahon sa kanila.. Mas masarap pang umakyat kaysa sa babae.
Nag-ring uli ang telepono, dali-dali na naman ako. Pag-angat ko...
"Sabihin mo kay Azul, bistado na siya!" madiin ang boses ng lalaki.
Galit na galit ako! Hindi dahil sa sinabi niya. Nadapa kasi ako bago sagutin yung telepono sa pagmamadali.
Ikinwento kay kuya Randil ‘yon.
Sumama ang grupo namin sa rali laban sa MINDEX. Nagkagulo. Nanghuli ang mga sundalo. Tatlo sa mga kasama namin ang nahuli, kasama si Azul. Pinakawalan din kinagabihan no’n yung dalawa, si Azul, naiwan.
Kinabukasan pa ng gabi nakalaya si Azul, pinyansahan ng mga seniors naming. Walang tinanong sa kanya ang mga sundalo na tungkol sa MINDEX. Pinaaamin siya kung NPA siya. Kinuryente siya sa ilong, sa tenga, at sa ari. Binalot ng plastik ang ulo, saka pupunuin ng tubig. Akala niya hindi na siya bubuhayin. Kung natagalan pa siguro ang piyansa, malamng hindi na nga. Kinasuhan na lang siya ng illegal possession of firearms dahil may dala siyang kwarenta y singko.
Kahit hindi kami malapit sa isa’t-isa, awing-awa ako kay Azul. Humanga ako sa kanya dahil nakayanan niya ang lahat ng iyon. Samantalang ako.
Noong bata pa ako, naglalaro kami ng kaibigan ko sa loob ng bahay nila. Nabasag niya yung garapon ng Milo dahil namamapak kami. Sabi niya sa akin, wag ko siyang isumbong sa nanay niya dahil tiyak na papaluin siya. Ang usapan namin kunwari natabig na lang ng pusa nila. Pagdating ng nanay niya, ako ang napagkamalang nakabasag dahil ako ang naabutan niyang nagtatapon ng bubog. Isang pingot lang,, umamin na ako agad.
Hindi ko sinasabing matapang na ako ngayon dahil sa mga nangyari sa amin, lalo na kay Azul. Inaamin ko na nuknukan pa rin ako ng duwag. Pero hindi ko na pinaninindigan. Kahit sa maliit na paraan, tumutulong ako kina Azul at sa kanyang mga kasama. Ang tulong na ‘yon ay ang unawain sila.
Kapag umaakyat ako ngayon, sinasagot ko sa isip ko ang madalas itanong sa akin ng mga kakilala kong di mountaineer. Umaakyat ako ng bundok para makapag-isip at malinawan.
Salome
BACK
|