Himagsikan Ng Mga Pilipino Laban sa Kastila

ni Artemio Ricarte

 

Ikalawang Bahagi

20. —Paglusob sa La Caridad. — Nang kasalukuyang si G. Santiago Alvarez at ay nagsisipagsiyasat sa Naik at Maragundong isang araw na magtatapos na ang Setyembre, ang dating kabo Aklan ng guardiya sibil, na sumuko sa San Francisco de Malabon, at noo'y halal nang Komandante ng Paghihimagsik, ay lumusob sa mga kawal-kastilang tanod sa La Caridad, kasama ang mga tao ng Mapagtiis na kinabibilangan ng matatapang na kabataang Julian Montalan, Justo Soto at Calixto Colorina. Pagkatapus ng mga apat na oras na pakikilaban ng buong bigpit ang mga sumalakay ay umurong na dala ang bangkay ni Calixto Colorina at marami pang sugatan, isa rito na malubha, ay si Komandante Aklan, na pagkaraan ng isang oras mula sa pagdating sa himpilang sibil sa Nobeleta, ay nalagutan ng hininga, at ang kanyang bangkay ay ipinadala sa San Francisco de Malabon na kinaroroonan ng kanyang asawa't, anak. Ang paglilibing na buong kalingkutang ginanap kabukasan, ay dinaluhan ng mga pinunong naghihimagsik, at doon din sa bahay ng nasira, ay pinagkaisahan nila ang pagkakaloob ng sampung piso sa buwan-buwan, bilang abuloy sa naiwang balo. Ang buong nangyari sa pagsalakay na yaon, ay gaya ng sumusunod: — Ang mga kawal kastila ay nagbalak magtayo ng mga kuta sa kipot (istmo) ng Dalahikan, pag-itan ng La.Caridad at Nobeleta, at ang mga tanggulang iyon, kahit di pa nasisiyasat, ay pinasalakay na ng Pang-ulong Digma, ng gabi ng ika-3 ng Oktubre at sa labanang yaon, ay nagkaroon nga ng maraming sugatan, nakaiwan ng mga bangkay ng nangasawi at saka nawalan pa ng pitong baril.

Ang mga naghihimagsik na pinamumunuan ni G. Emilio Aguinaldo ay gumawa ring makailan ng pagtatangkang paglusob sa Las Piñas, at sila GG. Vito Velarmino at Tomas Mascardo sa kinatatayuan naman sa Carmen ng mga guardia sibil na kilala sa tawag na Puting-kahoy, pag-itan ng Silang at Santa Rosa (Laguna de Bay), ngunit hindi nagkapalad ang kanilang pagtatangka. Halos araw-araw ay may nangyayaring pagpapanagpo at paglalaban ng mga kastila sa naghihimagsik ng pamahalaang Magdalo at ng Magdiwang.

21. —Sasakyang kastilang nabagok,— Noong mnga sumunod na araw, pagkaraan ng ika-4 ng Oktubre, ang isang sasakyang pangdigmang-dagat ng mga kastila na humahabol noon sa mga bangka ng mga mamamalakaya sa baybayin ng bayang Rosario ay napasadsad, isang umaga, sa buhanginan, at sa dahilang ang mga naghihimagsik noon na pinangunguluhan ni G. Mariano San Gabriel, ay nagpupumilit makalapit, upang masamantala ang nangyari, masalakay ang sasakyan at masamsam ang mga lulang sandata nito, ay pinasimulan pagdakang paulanan ang kabayanan ng mga punlong iba't ibang sukat; kayat maraming lalaki't babaing mga nanahimik sa kani-kanilang tahanan, ay nangapatay. Sa buong maghapong yaon, ay di nagtigil sa kapapadala sa bayan ng mga putul-putol na bakal na pamatay, at ito'y umabot hanggang gabi na ikinaalis sa pagkasadsad ng tinurang sasakyan, salamat sa paglaki ng tubig at lumutang muli ang nabanggit na sasakyang-pangdigma.

 

22. —Paglusob sa bayan ng Liyang, Batangan, ng Kapitan Heneral at punong-hukbo ng pamahalaang Magdiwang — Ilang raw pagkatapus ng pagkagahis na yaon ng hukbo ng Magdiwang sa harap ng mga tanggulang kastila sa Dalahikan noong ika-3 ng Oktubre, sina GG. Santiago Alvarez, Pang-ulong-Digma, Mariano Riego de Dios, Heneral ng Brigada, at Juan Cailles, Koronel, at iba pang mga bantog na katipunan, ay nagsitungo sa bayan ng Magallanes, at sa pamamag-itan ng mga kasamang sandatahan, may gulok, sibat at pana at ilan-ilan lamang ang may baril, ay kanilang sinalakay ang mga tanod na kawal kastila sa Liyang, isa sa mga bayan ng lalawigan Batangan. Sa una pa lamang pagpapanagupa, ay nakuha ng mga katipunan may ligpit sa kombento ang tanod na kastila at kanilang nakubkob. Sa galak ng mga naghihimagsik sa pagkakapalad na ito, at habang hinihintay sa isa't, isang sandali ang pagsuko ng mga nakukubkob, ang halos lahat ng pinuno, nang ikatlong araw na, ay nagsipagsadyang may banda pa ng musika sa himpilang pangkalahatan. upang batiin ang Pang-ulong-Digmang si G. Santiago Alvarez. Langung-lango sa kagalakan ang madla, nang kaginsaginsa'y biglang tinanggap na lamang ang makapal na paputok ng baril; kayat ang lahat pati ng Kapitan Heneral na ipinagbubunyi, ay nagpanakbuhang palabas sa himpilan, upang makaligtas sa sakuna; patakbong tinawid ng marami ang malalawak na kaparangan, pinanhik ang mga burol at kabundukan at nilusong at nilangoy ng pangatawanan ang mga ilog na ang tubig ay may dalawa o tatlong sikong lalim lamang. Napataw kay Koronel Cailles ang pananagutan sa nangyari, pagkat sa pook na kinatayuan niya sa Balayang, ay doon nakapamusot ang mga abuloy na kastila, at ang ganito'y hindi man naipagbigay alam sa himpilang pangkalahatan

23 — Pagsalakay sa bayan ng Talisay, Batangan, ng Pangulong-Digma sa pamahalaang Magdalo, G. Emilio Aguinaldo — Kasabay ng paglusob sa bayan ng Liyang ni G. Santiago Alvarez, Pang-ulong Digma ng Magdiwang, ay lumusob din naman si G. Emilio Aguinaldo, Pang-ulong-Digma ng Magdalo, sa mga tanod na kastila sa Talisay, isa sa nmga bayang sakop ng Batangan. Si G. Emilio Aguinaldo ay nagkapalad noon ng higit kay G. Santiago Alvarez, pagkat, makaraan lamang ang ilang araw na pagkubkob, ay nakuha niya ang Talisay. Ang mga tanod na kawal kastila, nang nagtitiis na ng gutom at iba pang kahirapang dulot ng pagkakulong, ay nagtangkang tumakas isang hating-gabi at iniwan ang kombento at simbahan, ngunit hindi naari; pagkat karamihan sa mga naturang tanod na mga kastila at pilipino, ay pawang nahulog sa kamay ng mga naghihimagsik. Ang mga kastila ay nangapalagay na bihag nang mga ilang araw; ngunit nang dakong huli, ay nagsianib na rin sila sa banal na layon ng Panghihimagsik at nagsiganap naman ng di kakatinting paglilingkod ng buong katapatang-loob.

24 —Paglikom ng mga abuloy sa Digma — Sa dahilang ang kabang-yaman ng Himagsika'y walang salapi, ang dalawang pamahalaa'y nagkaisang humingi ng abuloy ukol sa digma sa mga may-kaya sa kani-kanilang bayang sakop:— ang ganitong akala, ay ipinag-katipon ng mga Kagawad sa nasasakupan ng Magdiwang, at ang napagkaisahang manungkol ng pangingilak, ay itong mga sumusunod:— G. Ariston Villanueva, kinatawan sa mga bayang Rosario, Santa Cruz de Malabon at Naik; G. Emiliano Riego de Dios, sa Maragundong, Ternate, Magallanes at Bailen; Mariano Trias Closas, sa Indang at Alfonso; G. Diego Mojica at ang Pang-ulo ng Sanggunian, G. Mariano Alvarez, sa San Francisco de Malabon at Nobeleta.

Ang lahat halos ng mayayaman ay nagsisitangging magbigay ng halagang hinihingi sa kanila ng mga kinatawang nasabi, na naaalinsunod sa angking kayamanan ng isa't isa. Dahilan sa pagtanggi nilang ito, ang Kagawad-Digma sa pamahalaang Magdiwang na si G. Ariston Villanueva, ay napilitang gumawa ng mahihigpit na pamalakad, at sinamsam ang mga ari-arian ng tanang nagsisitangging magbigay sa kaban ng Panghihimagsik ng abuloy na itinatakda sa kanila ng mga halal na kinatawan, at sila'y pinaghuli pa rin sa palagay na kaaway ng Katipunan, tuloy ipinadala silang gapos sa mga pang-unang tanggulan ng Panghihimagsik, kalakip ang kaatasan sa mga pinuno ng mga kawal na tanod na sila'y ipatayong nakatali sa tabi ng mga tinurang tanggulan. Salamat sa palakad na ito ay nakalikom ng salapi na nayukol ng pamahalaang Magdiwang sa kanyang mahigpit na pangangailangan, at nabigyan niya ng kaukulang sahod ang mga kawal at pinuno ng kanyang hukbo, matangi ang mula sa komandante hanggang sa Pang-ulong Sanggunian na di pinaglalaanan ng pasahod na salapi, tangi ang ukol lamang sa pagkain at damit.

25. —Paglilipat sa San Francisco de Malabon ng Pamahalaang "Magdiwang" — Nang mga unang araw ng Nobyembre, 1896, ang pamahalaang Magdiwang ay inilipat sa bayan ng San Francisco de Malabon at inilagay sa bahay-paaralan; dito'y tumagal hangga noong mga unang araw ng Abril, 1897, na ikinalipat naman sa Naik, dahil sa pagkakuha ng mga kastila sa bayan ng San Francisco, gaya ng matutunghan sa mga ibang dahon ng talang ito.

Ang pamahalaang Magdalo ay inilipat din sa Imus naman mula sa Cavite el Viejo (Kawit) at doo'y inilagay sa bahay-asyenda, na pinamalagian niya hangga noong kalahatian ng Marso ng 1897, na ikinakuha naman sa Imus ng mga kastila, at ikinapatay tuloy noon sa Tenyente Heneral G. Crispulo Aguinaldo, kapatid ni G. Emilio, sa gitna ng sang lipos kabayanihang pagtatanggol ng yumao.

26. —Ang pagdiriwang sa Ntra. Sra. de Soledad sa San Francisco de Malabon — Sa ilalim ng pamamatnugot ng pamahalaang Magdiwang ay ipinagsaya ng buong dingal ang pista ng Ntra. Sra. de Soledad noong ika-8 ng Nobyembre, 1896, at sa pistang yao'y dumalo ang maraming pinunong naghihimagsik sa iba't-ibang bayang nasasakop ng Magdiwang; si Pari Manuel P. Trias ang nagmisa, bagay na kusa nitong inihandog alang-alang sa kapistahan ng bayan. Ang pistang ito, nang mga panahong tahimik pa at una sa Panghihimagsik, ay ikinaganyak, hindi lamang ng lahat na naninirahan din doon, kundi pa naman ng maraming taga iba't-ibang lalawigan ng Kapuluan, na mga mayayaman at may katamtamang pamumuhay, bagamat hindi gawa marahil ng mga hima-himalang sinasabing ipinakikita ng Birhen, kundi sa mga larong monte, pangginge, pakito, ripa, atb., na pinababayaan nagkalat ng mga may-kapangyarihan, samantalang nagpipista. Ang sabong ay tumatagal doon ng siyam na araw na sunud-sunod.

27. — Ang paglusob ng Heneral na kastilang si Don Ramon Blanco at Erenas — Samantalang ang mga pinunong naghihimagsik sa pamahalaang Magdiwang, ay wiling-wili sa kasayahan ng pista sa San Francisco de Malabon, ang mga bayan namang Bakood, Cavite el Viejo at Nobeleta, ay pinagkakanyon ng mga pangdigmang-dagat na kastila, ng kuta ng kabesera, at ng mga tanggulan ng.Binakayan at Dalahikan noong ika-8 ng Nobyembre, 1896. Pagbubukang liwayway kinabukasan, ila-9, ay maraming iba't, ibang pulutong ng hukbong kastila, at sa tulong ng mga kanyon ng mnga pangdigma ay nagsilapit sa mga tanggulan ng mga naghihimagsik sa Binakayan at matapus ang mahigpit na labanang tumagal ng pitong oras, ay nakuha ng mga kastila ang mga tanggulang nasabi (Binakayan), at kanilang sinunog pagkaraka ang mga bahay-bahay sa nayon ng Binakayan. Sa harap man naman ng mga kutang nanghihimagsik sa Nobeleta, ay sumipot ang isang malaking pangkat ng kaaway, na pinamumunuan na rin ni Heneral Blanco, at pagdaka'y pinaputukan ng katakut-takot ang mga naghihimagsik. May pitong oras din ang itinagal ng labanang ito, at ang mga kawal kastila pagkatapus ay nagsiurong na sabug-sabog sa dakong La Caridad, at naiwan nila sa pook na pinaglabanan ang maraming mga bangkay ng mga kawal nila at pinuno, saka mga baril at punlo. Dahil sa tagumpay na ito, ang Heneral ng Brigada at mga pinuno sa mga tanggulang naghihimagsik, at ang isa pang Heneral ng Brigadang si G. Mariano Riego de Dios, na sa pagpapadala ng abuloy mula sa San Francisco de Malabon at sa pakikipisan sa Pang-ulong-digma sa dakong kanan ng labanan, ay napaurong ang mga kaaway, ay nangapataas kapwa sa pagka-Heneral ng Dibisyon. Sa mga namatay noong kawal ng Panghihimagsik ay kasama ang isang babaing nagngangalang Gining Gregoria. Dahil pa rin sa tagumpay na ito ay nalikha sa Pamahalaang Magdiwang ang mga tungkuling sumusunod:

Kagawad ng Estado, na hinawakan ni G. Jacinto Lumbreras, na buhat sa Maynila'y dumating sa lalawigan noong mga kalahatian ng Oktubre; at

Kagawad sa Pamamahala, na ginampanan ni G. Pascual Alvarez, dating Kalihim-Pangkalahatan na pinalitan dito ni G. Cornelio Magsarili, naging hukom-pamayapa ng San Francisco de Malabon.

Kahit nakuha ang nayong Binakayan ng mga kastilang nanggaling sa tanggulan ng mga impanteryang-pangdagat, ay nabawi rin uli ng mga tao ng Pangulong-Digmang si G. Emilio Aguinaldo, na sa nangyaring labanang bunuan ng katawan ay maraming nasawing bansag na pinuno ng Panghihimagsik, isa sa kanila'y ang marahas na Kagawad-Digmang si G. Candido Tirona sa Magdalo. Ang pagkamatay ng bantog na pinunong ito, na pinagkakautangan ng buong Cavite el Viejo ng naging kabansagan nito sa panahon ng Himagsikan, ay lubhang dinamdam ng madlang kaanib sa Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ilang araw lamang noon, si G. Daniel Tirona, kagagaling sa Maynila at sa kaniyang may halong-luhang pamanhik, ay siyang nahalal na maghawak ng tungkulin ng pagka-Kagawad-Digma na naiwan ng namatay niyang kapatid, tungkulin itong tinupad ng bagong halal hangga noong mga unang araw ng Abril, 1897, na ikinakuha ng mga Kastila sa mga bayan San Francisco de Malabon at Santa Cruz de Malabon; at ikinaharap niya at sumailalim muli, kasama ng Heneral ng Brigada si G. Juan Cailles, sa mga may-kapangyarihang kastila sa Santa Cruz de Malabon sa himok at paraan ni maka-kastila at maka prayleng Francisco Valencia.

28. — Ang pagdating sa Kabite ni G. Andres Bonifacio. — Pagkalinis sa kaaway ng buong lalawigan ng Kabite, at nang maisa-ayos nang panibago ang mga Sangguniang lalawigan, ang Pamahalaang Magdiwang ay nagsugo ng isang tao sa mga kabundukan ng Montalban at Marikina, upang paghanapin ang Kataas-taasang Pang-ulo ng Katipunan; dala ng naturang taong sinugo ang isang balot na kasulatang kinatatalaan ng lahat nang naulat na at ipinagbibigay alam ng pamahalaang Magdiwang kay G. Andres Bonifacio; inaanyayahan din si G. Bonifacio sa Kabite, upang makita sa kanya na ring mga mata at masiyasat tuloy ang kasalukuyan lagay ng mga katipunang taga-Kabite, na bagama't gipit, ay matibay naman. Si G. Andres Bonifacio ay sumagot sa naturang kalatas at binati ang mga pinunong taga-Kabite, dahil sa kanilang maligayang tagumpay, at pinagpahatdan pa rin sila ng ilang tagubilin. Ang tungkol sa pag-aanyaya sa kanya ay di niya tinanggap, pagkat ayon sa kanya, at may matwid siyang magsabi, upang maging maayos ang lakad ng Panghihimagsik, ay di nararapat na ang
matataas na pinuno nito'y magkaipun-ipun sa iisang pook, dahil sa pagkagalak sa pagtatagumpay o sa saglitang pagaaliw sa piling ng mga kamag-anak. Nang mapagtalastas na ang tiyak na kinaroroonan ng Kataas-taasang Pang-ulo, ay malimit nang nagpahatid sa kanya ang pamahalaang Magdiwang ng mga kalatas at pinipilit na anyayahan si G. Andres Bonifacio.

Ang pag-aanyaya sa kanya ay kung makailang inulit ng sumulat ng mga talang ito na siya ring gumawa ng mga kalatas sa utos ng Pangulo ng Pamahalaang Magdiwang, G. Mariano Alvarez (Mainam).

Sa ikatlong paanyaya, si G. Andres Bonifacio ay napahinuhod nang dumalaw sa Pamahalaang Magdiwang; siya'y dumating sa Kabite nang Disyembre, 1896, bago magpasko. Nang nasa Imus na at makapaglumagak sa bahay ni G. Juan Castañeda, ay dinalaw kinabukasan noon ng umaga nina GG. Baldomero Aguinaldo, Daniel Tirona at iba pa, sampu ng katipunang si G. Vicente Fernandez, taga Siniloan, Laguna de Bay. Si G. Vicente Fernandez, sa kapulungang nasasaad sa ika-7 ng talang ito, ay kusang nangako siya sa harap ni G. Andres Bonifacio ng pagtulong mula sa purok ng Morong at Laguna de Bay ukol sa paglusob na noo'y tinatangka sa San Juan del Monte; dahil sa pangakong yao'y inihalal siyang Tenyente Heneral at Pang-ulong hukbo sa Morong at Laguna Sinalakay nga ang S. Juan del Monte, gaya ng nayulat sa ika-7 rin nito, ngunit ang tinurang Tenyente Heneral ay di gumawa ng anoman sa purok na napailalim sa kanyang kapangyarihan at di tinupad ang kanyang kusang ipinangako. Dahil sa gayong inasal ni G. Fernandez, ay napataw sa kanyang ulo ang buong pananagutan tungkol sa kadusta-dustang pagkabigo sa San Juan del Monte, at dahil sa gaya ng mapag-aakala'y nahintakutan marahil ang kanyang budhi, ay humanap ng tanggulan sa piling ni G. Emilio Aguinaldo. Pagkakita ng Kataas-taasang Pang-ulong Bonifacio sa naturang Tenyente Heneral Vicente Fernandez, at sa pag-aakala marahil na sa kanyang pagka Pang-ulong Pangkalahatan ng Katipunan ay mapaiiral ang kapangyarihan niya sa alin mang pamamahala sa Katipunan, ay mahigpit niyang ipinasya noon din ang pagpapahuli sa naturang Fernandez, upang masiyasat ang pagkakasalang dapat nitong panagutan sa buong Katipunan; ngunit ang pasyang yaon ni G. Bonifacio, ay pinagtawanan lamang sa harapan ding yaon ng mga Kagawad sa Pamahalaang Magdalo. Sa gayong ginawi ng Pamahalaang Magdalo, ay napagkilala ng Kataas-taasang Pang-ulo ng Katipunan ang kaunti ó ang kawalan ng pagpapahalaga sa kanya ng mga tao sa sinapupunan ng Sangguniang Lalawigan ng Cavite el Viejo.

Samantala ay humarap kay G. Andres Bonifacio noon si G. Esteban San Juan (Mulawin), komandante ng Pamahalaang Magdiwang at kinatawang sadyang sinugo nito, upang pakipagkitaan, batiin at anyayahan ang Kataastaasang Pang-ulo sa ngalan ng lahat ng kaanib sa buong nasasakop ng Magdiwang. Pagkatanggap ng anyaya, si G. Andres Bonifacio ay umalis na kasama sina GG. Baldomero Aguinaldo, Daniel Tirona at ang sugo ng Magdiwang, upang magtungong Nobeleta; sila'y nagdaan ngunit di na nagtigil pa sa Cavite el Viejo, at dumating sila sa Nobeleta nang unang oras ng hapon ng araw ding yaon, na di na kasama si G. Baldomero Aguinaldo. Sila'y tinanggap ng maraming pinunong naghihimagsik sa maliwalas at bagong bahay ng hukom pamayapa ng Nobeleta na siyang ipinahandang pangsamantala. Nang ika-3 ng hapon ding yaon, si G. Andres Bonifacio at G. Emilio Jacinto ay lumulan sa isang sasakyang natatalibaan sa magkabilang tabi; sa gawing kanan, ang nakakabayong si G. Daniel Tirona ay bunot ang sableng sumisigaw ng buong lakas tuwing matatapat sa pook na may pulutong na tao, ng:— Mabuhay ang Supremo ng Katipunan! Nasa kaliwa naman si G. Esteban San Juan, sa likod nito'y kasunod ang mga sasakyan ng tanang mga Kagawad ng Magdiwang at saka dalawang pulutong na kawal na naka-unipormeng pula, isang pangkat sa harap at isa pa din sa likod, at sa ganitong ayus ay nagsilakad ang lahat na patungong San Francisco de Malabon.

Dito'y tinanggap ng buong sigla si G. Andres Bonifacio sa tugtog ng banda ng musika at saka "Te-Deum" sa simbahan. Iang nasa lansangan ang sumigaw ng:— Mabuang Hari ng Pilipinas! bagay na narinig at sinagot naman ni G. Andres Bonifacio ng:— Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas! Ang Kataas-taasang Pang-ulo ay tumuloy muna sa bahay ni G. Santos Nocon, komandante noon ng hukbong naghihimagsik, at nang huli ay sa kayayaring bahay ni Ginang Estefania Potente, hanggang sa araw na ikinakuha ng mga kastila sa bayang San Francisco de Malabon noong nagsimula ang Abril ng 1897.

29. — Mga sulat na gawa ni G. Daniel Tirona laban kay G. Andres Bonifacio. — Ilang araw lamang ng pagkadating sa Kabite ng Kataas-taasang Pang-ulo ng Katipunan, ay maraming kasulatan ang kumalat sa lahat ng dako ng lalawigan, lalung-lalo na sa San Francisco de Malabon, bayang kinatitirahan ni G. Andres Bonifaclo at bayang nag-ukol sa kanya ng di gagaanong pitagan at pagtingin. Ang may gawa ng mga kasulatang nasabi, ay nag-uudyok sa lahat nang taga-Kabiteng huwag nilang pag-ukulan ng anomang paggalang si Andres Bonifacio; pagkat, alinsunod kay G. Daniel Tirona, si G. Andres Bonifacio ay isang mas6n, na di naniniwala sa Diyos, yumuyurak sa mga kabanalan, pumapaibabaw sa Mananakop, isang taong may mababang pinag-aralan; anopat isang hamak na katiwala lamang na naglilingkod sa isang bahay-kalakal aleman. Ilang nakatanggap ng naturang kasulatan ang nagpakita nito kay G. A. Bonifacio; kaya isang hapon si G. Daniel Tirona'y makapanayam ng Mataas na Pang-ulo ng Katipunan sa bahay rin ni G. Santos Nocon, ay hiningan ni G. Bonifacio ng paliwanag tungkol sa nabanggit na kasulatan, at dahil sa pagkakaila ni Tirona at saka sa pagpapakita tuloy ng isang anyong palalo, ay napoot si G. Bonifacio at siya'y tinutukan ng rebolber nito; kung di sa kara-karakang pamamag-itan noon ng mga babae sa bahay, laluna si Bbg. Andrea Nocon, malamang na may masamang kinasapitan sana si G. Tirona.

30. — Ang pakikipanayam kay G. Andres Bonifacio ng Tenyente Heneral ng Pamahalaang Magdalo, G. Edilberto Ebangelista. — Unang oras ng hapon ng isa sa mga huling araw ng Disyembre ng 1896 nang maganap sa bahay rin ni G. Santos Nocon, na koronel na noon, ang pakikipanayam kay G. Andres Bonifacio ni G. Ediberto Evangelista. Binasa nito kay G. Bonifacio ang isang balak na Saligang-batas (Constitucion) na halos hangong buo sa "Real Orden" ng Pamahalaan sa Espanya na akda ni Maura, Ministro de Ultramar, sa pagtatag sa Pilipinas ng mga hukomang bayan (Tribunales Municipales).

Si G. Ediberto Evangelista, nag-aral sa Belhika ng pagka-inhenyero sibil at doon din nagtamo ng katibayan, ay nakipisan, pagdating niya, sa mga naghihimagsik sa ilalim ng pamumuno nii G. Emilio Aguinaldo; ito ang nagkaloob agad-agad sa kanya ng tungkuling Tenyente Heneral ng hukbong naghihimagsik, hindi dahil sa natamo niyang mga tagumpay sa parang ng pakikihamok, kungdi sa mataas niyang pinag-aralan at sa maalab na pag-ibig niya sa bayan. Si G. Evangelista ang namahala sa paggawa ng mga tanggulan sa Bakood, Binakayan at Cavite el Viejo, at namatay sa madugong pagbabakang naganap sa mga pook na kalapit ng tulay ng Sapote, Bakood, noong ika-16 ng Pebrero ng 1897 (simula ng paglusub ni Polavieja).

31. — Pagpupulong sa Imus. — Upang mapagtalunan ang mga kabanata ng nabanggit nang balak na Saligang-batas o Konstitusyon, at upang mapag-usapan din naman ang kinakailangang pag-aanib ng dalawang Sangguniang Lalawigan, ang Pamahalaang Magdalo, ay tumawag ng pulong sa lahat ng mga pinunong naghihimagsik, at di lamang sa mga taga lalawigan, kungdi sa lahat ng mga litaw na taga iba't ibang lalawigan tagalog na nagsisipangubli sa lupang Kabite. Naungkat sa pulong ang maraming bagay na mahahalaga na sumasalangsang (ó kaya sumang-ayon naman) sa mga gayong masasaelang balak, ilan dito, na makabuluhan ay itong mga sumusunod:

Na, ang K. K. K. ng mga A. N. B. ay mayroon nang Saligang-batas na napagtalunan, napagpasyahan at pinaiiral nang kasalukayan sa buong Kapuluan.

Na, sa bisa ng Konstitusyon o Saligang-batas at alituntuning inilagda ng Kataas-taasang Sanggunian ng Katipunan, ay itinatag ang mga pamahalaang lalawigan at ang mga sa bayan-bayan sa mga paligid ng pangulong-bayan ng Pilipinas.

Na, ang mahigpit na tungkulin ng Katipunan, ay ang walang kupas na pagsasakit sa ikalalaya ng bayan, kung kaya ang Konstitusyon ng Katipunan at ang kanyang alituntunin, ay kailangang pairalin hanggang sa matamo ang Kalayaang inuusig ó ganap na Kasarinlan ng buong Pilipinas.

Ang mga kumakatig sa naging dahilan ng pagkakatawag ng pulong, ay nagsipagsalita rin ng laban sa mga pangangatuwirang nasabi na, at ilan naman sa kanilang pagmamatuwid, ay itong mga sumusunod:

Na, ang K. K. K. ng mga A. N. B. ay isang kapisanang lihim, at dahilan dito, ang kanyang pamahalaan, Konstitusyon at alituntunin, ay kailangang pawalan ng bisa mula sa mga sandaling magawa na nang hayagan ang Paghihimagsik ng Pilipinas. Na, ang lalawigang Kabite ay maliit, at sa ganito'y hindi dapat hatiin sa dalawang pamahalaan.

Walang anomang maliwanag na napagkaisahan tungkol sa naging dahilan ng pagpupulong; ngunit pinagpasyahan naman ng lubusan na si G. Andres Bonifacio, sa kanyang pagka-mataas na Pang-ulo ng Katipunan, ay siya ring maging Pang-ulo ng isang Kapulungang Tagapagbatas (Kamara Lehislatiba), na kanyang itatayo (ni A. B.) at bubuowin ng mga ilang taong inaakala niyang karapat-dapat, upang maging kagawad ng natirang Kapulungan.

Bago matapus ang pagpupulong, ay hiningi ni G. Andres Bonifacio sa Panguluhan, na itala sa isang kasulatan ang lahat ng pinagtalunan at piuagpasyahan, bagay na sinang-ayunan nito; ngunit ang pagtatala ay di natapus dahil sa pagdating noon ni G. Paciano Rizal, kasama si Josefina, ang balo ni Dr. Rizal at ilan pang mga kamag-anak nila. Ang kasulatang nasabi ukol sa pinagpulungan ay lagi nang hinihingi ni G. Andres Bonifacio sa pamahalaang Magdalo, hindi lamang nang sandaling magsialis na ang madla sa bahay-asyenda sa Imus, na siyang pinagdausan ng pulong, kundi pa naman nang mga sumunod na araw, sang-ayon sa pagnanais ni G. Bonifacio na maisagawa na ang mga pinagpasyahang nasa kasulatang nasabi; ngunit ang mga kagawad ng pamahalaang Magdalo ay lagi na rin namang sumasagot sa kanya, na kanilang ipadadala kailan ma't malagdaan ng mga dumalo sa naturang pagpupulong.

Ang balo ni Dr. Rizal na si Josefina, na anak sa Hongkong, ay nagpakilala ng tunay na pakikiisa sa mithiin ng bayan, na pinaghandugau ng buhay ng kanyang asawa, na puno ng pag-ibig, sigla at kagalakan, at siya man, si Josefina, ay nagbigay ng marami't mahahalagang tulong sa Panghihimagsik at nagtiis dahilan dito ng mga kagipitan at kahirapan. Sa kanyang kahilingan noon ay tumira siya sa bahay-asyenda sa Teheros (San Francisco de Malabon) na siyang ginawang pagamutan ng Panghimagsik, at araw-araw at gabi-gabing inaalagaan at ginagamot niya, ng buong kalinga, ang mga sugatang kawal. Malimit din kanyang pasiglahin ang loob ng mga kawal na dumadalal sa mga kasamahan nilang nahihiga sa pagamutan. —

Ang balo ni Dr. Rizal na si Josefina, na anak sa Hongkong, ay nagpakilala ng tunay na pakikiisa sa mithiin ng bayan, na pinaghandugau ng buhay ng kanyang asawa, na puno ng pag-ibig, sigla at kagalakan, at siya man, si Josefina, ay nagbigay ng marami't mahahalagang tulong sa Panghihimagsik at nagtiis dahilan dito ng mga kagipitan at kahirapan. Sa kanyang kahilingan noon ay tumira siya sa bahay-asyenda sa Teheros (San Francisco de Malabon) na siyang ginawang pagamutan ng Panghimagsik, at araw-araw at gabi-gabing inaalagaan at ginagamot niya, ng buong kalinga, ang mga sugatang kawal. Malimit din kanyang pasiglahin ang loob ng mga kawal na dumadalal sa mga kasamahan nilang nahihiga sa pagamutan. —Nang makuha ng mga kastila ang San Francisco de Malabon. si Josefina ay napalipat sa Naik at mula rito'y sa kabundukan ng Maragundong; buhat naman dito'y nagtungong Laguna de Bay, na kasama ng ilang babae at ni G. Paciano Rizal, nagtawid sa mga bundok at kaparangan, madalas na walang sapin ang mga paa, at kahit nagdudugo na ang kanyang mga talampakan, ay di nagtitigil sa paglakad; kung minsa'y sumasakay sa kalabaw na akay-akay ni G.. Paciano. Pagdating niya sa Bay ay tinanggap ng katipunerong si G. Venancio Cueto, na siyang gumawa ng paraan, upang makalulan siya sa isang sasakyang patungong Maynila. Buhat sa Maynila ay nakalulan din naman sa isang sasakyang patungong Hongkong, pook na kinamatayan niya nang taong 1902.

 

32. —Mga bagay-bagay at pangyayaring mahalaga bago sumapit ang buwan ng Enero ng 1897 — Karapat-dapat banggitin ang mga sumusunod:

a — Ang pagsalakay sa mga bayang Munting-lupa, Taguig at Pateros, nasasakupan ng tinatawag noong lalawigan ng Maynila, na pinamatnugutan ng Heneral ng Brigadang si G. Crispulo Aguinaldo, matandang kapatid ni G. Emilio. Ang pagsalakay at ang mahigpit na pakikilaban sa mga kastila ng mga naghihimagsik, ay tumagal ng dalawang araw; pagkatapus ay umurong sa lupang Kabite ang mga naghihimagsik at sumunod na tuloy sa kanila ang maraming nananahanan sa mga naturang bayan, kasama ang kanónigo ng Katedral ng Maynila na si banal na Padre Pedro Dandan. Ito'y namatay sa kabundukan ng Magallanes nang sandaling nanalapit na lamang ang paglaganap ng kasunduan sa Biyak-na Bató ukol sa kapayapaan sa buong Kapuluan Pilipino.

b — Ang pista ng Pintakasi sa San Francisco de Malabon. Ang pista ni San Francisco de Asis, na itinatakda ng simbahan katolika romana tuwing ika-4 ng Oktubre, ay karaniwang ganapin at ipagdiwang ng buong karingalan ng mga tagaroon kung buwan ng Enero, at ang kaugaliang ito ay iginalang naman ng Pamahalaang Magdiwang. Dinaluhan ang pista ng makapal na tao, ang misa mayor na ginawang kantada, ay ginanap ng kura paroko sa bayan sa tulong ng maraming pare, at ang sermon ay tinungkol naman ng kura sa Ternate, G. Esteban del Rosario, na siyang nagpakilala sa madla, matapus ilahad ang mga gawang kabanalan ni San Francisco, ng mga kabanalang dapat panghinularan sa pagtupad ng tungkulin ng bawat isa sa gitna ng kasalukuyang kalagayan at sa huli man; at sa pagkilala ni Padre del Rosario ng dakilang layunin ng Panghihimagsik, ay pinapag-alab niya ang kalooban ng madla sa pagsusumakit sa ikatatamo ng Kalayaang mahabang araw nang nawala sa ating pinakamamahal na lipi.

c — Nang ika-2 ng hapon ng araw ng kapistahan, ay pinasimulaan ang mga talumpati sa tribunang sadyang itinayo sa tapat ng panguluhang kinaroroonan ni G. Andres Bonifacio at ni G. Mariano Alvarez, Pang-ulo sa Pamahalaang Magdiwang; ang mga bumigkas ng talumpati ay ang ilan ding pinuno ng panghihinmagsik, kabilang sa kanila'y ang Kagawad ng Kayamanang si G. Diego Mojica, ang Koronel sa hukbo ng Magdiwang na si G. Nicolas Portilla at si G. Santiago Rillo. Itong huli ay nahalal, pagkatapus, ng Kagawad sa Pamhalaan ng Batangan (Gobierno Regional Revolucionario de Batangas), at tinulutang makagamit ng isang selyo tukol sa kanyang mga kalatas, na kinauukitan ng salitang ito DEUS OMNIPOTENS


d — Nang ika-4 ng bapon, si G. Mariano San Gabriel, Kapitan sa hukbo ng Magdiwang, ay dumating na kasama ang kanyang pinamumunuang pangkat upang dumalo sa prusisyon; sa pagpasok nila sa kabayanan ay nagpaputok ng ilan, bagay na ikinagulo ng madla, dahil sa pag-aakalang mga kaaway na ang dumarating. Ang Kagawad-Digmang si G. A. Villanueva at ang Pangulong-Digmang G. Santiago Alvarez, noon din ay nagsilabas na kasama ang kani-kanyang mga kawal sa dakong pinanggalingan ng mga putok, at nang matagpuan ang mga tao ni San Gabriel, ang mga ito'y sumagupa at inagawan ng ilang sandata ang mga kawal ng Kagawad-Digma. Sa ginawing ito ay nagalit ang PangulongDigmang Alvarez at tinangkang alisan ng sandata sina San Gabriel, ngunit hindi natuloy, dahil sa mahigpit na pagmamatigas ng naturang Kapitan

e — Nang malaman ni Ricarte ang nangyaring yaon, ay nagtungong madali sa Nobeleta nang mga ika-8 na ng gabi, upang pakipagkitaan ang pangkat ni San Gabriel na noo'y nakaowi na roon; inanyayahan ang naturang Kapitan, upang magbalik sa San Francisco de Malabon at nang mayuli ang dating pagkakasundo, at ito nga ang nangyari, matapus makahingi ng tawad si Kapitan San Gabriel sa mga pinagkakulangan niyang Kagawad at Pangulong-Digma sa mabisang pamamag-itan ng Pang-ulo, G. Mainam (Mariano Alvarez).

f — Ilang araw lamang pagkaraan ng tinuran dito, ay idinaos naman ng mga taga Naik ang taonang pagdiriwang sa kanilang pinipintuhong patron, at ilang pinuno ng Sangguniyang Magdiwang, ay burnigkas ng mga talumpating pangpaalab ng mga kalooban, mula sa isang tribunang sadyang itinayo na gaya rin ng sa San Francisco de Malabon. Sumunod sa pista ng Naik ang sa Ternate, na pagdadapit-hapon ay nagkaroon din ng talumpatiang magigiting; napatangi sa mga nagsibigkas si G. Ariston Villanueva, Kagawad-Digma ng Magdiwang, dahil sa matalinong pagkakadugtong niya sa kanyang talumpati, ng isang kuwentong katawa-tawa, na ang sabi sa pagtatapus ay ito;

"Noong mga nakaraang araw, ay ipinagbawal ng isang kura sa bayang ito, ang pananabi sa mga tagiliran ng simbahan, at ang kabawalang ito ay makatuwiran nga, palibhasa ang simbahan ay bahay na nauukol sa Poong Bathala at dapat ngang laging maging malinis sa lahat ng dumi, maging sa loob, maging sa labas at sa batong paligid-ligid niya. Matagal na panahong walang sinomang lumalabag sa kabawalang iyon; ngunit isang araw na pista ring paris nitong ating ipinagdiriwang ngayon, na pagbubunyi sa Niño Jesus, mapaghimalang Pintakasi ng bayang ito, ay nakakita ng dumi ng tao sa isa sa mga pinto pa namang tagiliran ng simbahan.

"Isipin ninyo ngayon, mga kababayan ko, ang malaking samang loob na dinamdam ng kura. Ipinakaon ang lahat ng tagisuyo ng Niño Jesus na nagkatipon sa pista, upang masiyasat kung sino ang pangahas na sumuway sa naturang kabawalan. Inaakala kong itatanong ninyo ngayon sa akin kung paano ang paraan ng pagkakasiyasat, at sinasagot ko kayo na madali lamang ang kaparaanang ginawa ng lupong sadyang hinirang sa gayon. Sinuri ang dumi at naipalagay, pagkatapus, na isang babae ang nag-iwan doon, pagkat ang pinaka-tubig ay buhos na buhos sa ibabaw na rin ng tumpok; bagay na hindi mangyayari kung lalaki, anila, ang may-gawa; at kung gayon nga, ay dapat mapabuhos lamang sa isang tabi ng nasabing tumpok. Umalingawngaw nang gayon na lamang ang palagay na ito, at, sabihin pa, ang mga babae sa bayan ay nagsitutol ng pagtutol namang makatuwiran, pagkat gaya ng nasabi na nga ay ganap ang kanilang paggalang sa nasabing kabawalan ng kura. At sinabayan ito ng panaog sa tribuna ng mananalumpati, kayat siya'y pinasundan ng umaatikabok na alakpakan at tugtog ng banda nang musika."

g — Paglusob sa bayan ng Balayang, Batangan. —Ang Heneral ng Brigada sa hukbo ng Magdiwang na si G. Eleuterio Marasigan, na natatayo sa mga pook na nasa pagitan ng Kabite at ng Batangan, ay nagharap sa Kagawad-Digma ng kanyang balak na natutungod sa tinatangkang paglusob, ay pinanguluhan ng naturang Kagawad-Digma at ng Pangulung-Digma ang pagsalakay. Nagkahigpitang mabuti ang paglalabanan at maraming namatay na kawal ng Panghihimagsik, kabilang sa kanila'y si Ambrosio Olasiman, isa sa mga nalabing buhay sa pagkatakas ng mga bilanggo sa piitan ng kabesera, noong buwan ng Oktubre, pagkatakas yaong ikinabaril kay G. Ladislao Nocon, isa sa mga tanyag sa San Francisco de Malabon, dahil sa kanyang kabihasnan at madagubdub na pag-ibig sa bayan. Pagkakitang di mapaalis ang mga kaaway, ay nagsiurong ang mga sumasalakay na naghihimagsik na maraming kasamang sugatan, ilan dito'y sina GG. Domingo Dones, Komandante, at Rafael Sotto, Tenyente. Itong huli ay nasugatan sa dalawang palad ng kamay nang sandaling siya'y may hawak na isang munting aklat na dasalan at anyong dumadalangin, ó kaya'y nag-o "oremus", ayon sa palasak na katawagan sa gawaing ito.

i — Pamahalaang sarili ng lalawigang Batangan. — Ang mga litaw na taga-Batangang nagsisipangubli sa mga bayan-bayan ng Kabite, ay nagkatipon at nagdaos ng pulong sa bayan ng Indang (Kabite), at kanilang pinagkaisahan ang pagtatatag ng pamahalaang pang-lalawigan lamang ng Batangan (Gobierno Regional de Batangas). Ang mga pang-unang naging kagawad ng pamahalaang itong sarilinan (regional). ay itong mga sumusunod:

G. Lorenzo Fenoy. pangalawang Pang-ulo ng Pamahalaan (Vice-Presidente).
G. Ananias Diokno, Kagawad o Kalihim-Digma
G. Santiago Rillo, Kagawad o Kalihim-pangloob (Interior), gaya ng makikita sa big. 32 ng mga talang ito, titik c.
G. Miguel Malvar, Pang-ulong-D:gma, at
G. Eleuterio Marasigan, Heneral ng Brigada

j. — Si G. Feliciano Jocson at isang nagngangalang Totong na taga Santa Ana, Maynila, kilala sa Katipunan sa pangalan "Patola". — Ang dalawang tanyag na katipunerong ito ay nagsirating sa lalawigan buhat sa Maynila, may dalang maraming salitre, pulbura, tingga, krisol na gamit sa pagtunaw ng bakal at marami pang kasangkapang ukol sa pagawaan ng armas (maestranza). Iminungkahi ni G. Jocson sa dalawang pamahalaang, Magdiwang at Magdalo, na magkaloob kapuwa ng nararapat na halagang salapi, upang makapagpabili ng mga armas sa Hongkong, at siya na rin ang maaaring magsadya sa tinurang lupain. Sinang-ayunan naman ng dalawaag pamahalaan ang mungkahi, at si G. Jocson ay binigyan ng malaking halaga ng salapi, upang ibili niya sa Hongkong ng mga armas na baril at mga punlo.


k —Nang buwan ding ito ng Enero ng 1897, ay dumating sa San Francisco de Malabon ang isang malaking pulutong ng mga kawal na namuhatan sa mga kabundukan ng Bulakan at Maynila; ang mga kawal na ito ay nagsipag-alsa sa bayan ng San Jose, sakop ng lalawigang Bulakan. Sina GG. Arsenio Mauricio, taga-Tundo, Maynila, at Pedro Giron, taga Baliwag, ang silang nahirang na maging pinuno ng mga kawal na ito, na sa ilalim ng pamamanihala ni "Vibora", ay nagsipagtanod sa mga tanggulan sa Nobeleta. Isang bahagi ng pangkat na ito'y ipinagsama sa paglusob sa Balayang, at doo'y minsan pa nilang naipamalas ang maapoy nilang pag-ibig sa tinubuang-lupa.

Ikatlong Bahagi

Bumalik sa Unang Pahina