Back To
MGA TANONG NA DAPAT SAGUTIN 

MGA TANONG NA DAPAT SAGUTIN ni John Blanchard

Isinalin sa Tagalog ni R. M. Puzon





MAKAKATULONG BA ANG RELIHIYON ?

    Tinawag ang tao na relihiyoso . Ang Ensayklopeidiya Ng Relihiyon at Moralidad ( The Ecyclopedia of Relegion and Ethics ) ay nagtala ng daan-daang paraan na kung saan , sinikap ng mga taong bigyang kasiyahan ang kanilang mga relihiyosong mithiin at damdamin . Sinamba nila ang araw , buwan at mga bituin ; ang lupa , apoy at tubig ; mga dios-diosang kahoy , bato at metal ; mga isada , ibon , at hayop . Naksamba na sila sa di-mabilang na dios-diosan at espiritu na mga produkto ng sariling baluktot na imahinasyon . Ang iba ay nagtangkang sumamba sa tunay na Dios sa pamamagitan ng maraming uri ng mga sakripisyo , seremonya , sakramento at serbisyo . Ngunit ang relihiyon , gaano man ito katapat , ay hindi makalulunas sa problema ng kasalanan ng tao , sa tatlong ( 3 ) kadahilanan .

    Ang relihiyon ay hindi nakakasiya sa Dios . Ang relihiyon ay ang pagsisikap ng tao na maging matuwid siya sa harap ng Dios , ngunit ang anumang gayong uri ng pagsisikap ng tao ay may kapintasan at sa gayon ay di katanggap-tanggap sa Dios . Napakalinaw na binanggit sa biblia : Lahat ng matuwid naming gawa ay tulad ng maruming basahan . Ang Dios ay humihingi ng kaganapan o pagiging perpekto ; nabigo ang relihiyon na katagpuin ito .

    Hindi kailanman maka-aalis ng kasalanan ang relihiyon . Hindi mabubura ng iyong katangian ang iyong masasamang ugali . Ang mabubuting gawa ay hindi kailanman makakaalis ng masasamang gawain . Kung dapat maging matuwid ang kaugnayan mo sa Dios ,  hindi sa pamamagitan ng mga gawa , upang walang sinumang magmapuri . Walang pagsisikap ng relihiyon o karanasan , pagbibinyag , pagpapakumpil , pagba-banal na Hapunan , pagsisimba pananalangin , pagreregalo o pagsasakripisyo ng panahon o pagsisikap , pagbasa ng Biblia o anupa man ang makabubura ng isa mang kasalanan .

    Hinding-hindi mababago ng relihiyon ang likas na pagkamakasalanan ng tao . Hindi ang pag-uugali ng isang tao ang siyang problema , sintomas lamang ito . Ang pinakabuod ng problema ng tao ay ang problema ng kanyang puso , at ang puso ng tao ay likas na bulok at buktot .  Maaaring magbigay kasiyahan sa pakiramdam ang pagsisimba o pakikisali sa mga seremonyas ng relihiyon , ngunit hindi sila makapagpapabuti sa iyo . Sino ang makapagpapalitaw ng malinis sa marumi ? Wala !

    Ang ilan sa mga binanggit na gawaing panrelihiyon ay mabubuti sa sarili nila . Halimbawa , mabuti na magsimba , magbasa ng Biblia at manalangin dahil inuutos ng Dios na gawin ang mga ito . Ngunit huwag kang aasa o magtitiwala sa kanila para maging matuwid ka sa harap ng Dios .  Hindi lang sa wala silang kapangyarihang mapanuto ka sa Dios ; kundi ang pagtitiwala sa mga ito ay nagdadagdag pa sa iyong kasalanan at kahatulan .


    Isaias 64 : 6
    Efeso 2 : 9
    Job 14 : 4