Nandito ka pero hindi ka 100% na nandito. Ang iyong diwa ay nasa kalawakan, naglalakbay...

hindi po ito bahay

itatago na lang natin siya sa pangalang maria irish aloha

mga produkto ng kawalang tulog

bisitahin nyo rin ang ibang sites

kung nawawala ka, gamitin mo 'to








































































































copyright 2005
all rights reserved
akerue

MGA ANGAS

Malimit nababanaag sa mga akda ng isang tao ang kanyang saloobin o iniisip. Repleksyon ito kumbaga ng kanyang sarili. Kaya pasensya na kung ang maaaninag n'yo sa aking mga likha ay pawang kabangagan. Ganyan ang estado ko nang ginawa ko ang mga akdang ito.

Kung nais ninyong magbasa ng aking mga gawa, i-click lamang ang pamagat ng gusto ninyong basahin.

MGA ARTIKULO


MGA TULA



Okay ba ang Ukay?

May gimik ang barkada n'yo sa susunod na araw. Kailangan maporma ka. Kailangan bago ang get-up. Nando'n kasi si crush. Kaya lang P500 lang ang pera sa bulsa mo. Wala pa kasing pinapadala ang iyong nanay. Ugh. Pa'no na 'yan?

"Huwag kang mag-alala," sabi ng iyong fairy godmother na lumitaw na lang mula sa kung saan. "May solusyon tayo d'yan."

Klap. Klap.

"Taran! Hayan ang isang mapa. Pumunta ka sa lugar na ito. Doon mo mahahanap lahat ng kailangan mo."

Nagmamadali kang lumabas ng dorm. Sumakay ka ng dyip papunta sa lugar na itinuturo ng mapa. Pagdating mo sa lugar, may nakita kang karatula: Welcome to U.K. (a.k.a. ukay-ukay).

Oo na. Sa wagwagan ka lang itinuro ng fairy godmother mo. Pero wag ka. Tama naman siya nang sabihin niyang nandito lahat ng kailangan mo.

Ayan, nakabalandra ang Lee na shirt, P80, Jag na pantalon, P150, at Adidas na sapatos, P250. Pwede ka pang tumawad. Pero bago ka bumili, suriin mo muna kung okay ba talaga ang ukay.

Ayon kay Rube Bloom C. Rule ng Institute on Church and Social Issues, nag-umpisa ang ukay-ukay o wagwagan noong 1960s sa Baguio at Cebu. Mga overseas workers ang nagpasimula ng negosyong ito. Nangongolekta sila ng mga second hand na gamit, karamihan doon ay mga designer clothes, saka pinapadala sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga balikbayan boxes.

Dagdag pa niya, dahil hindi naman itinuturing na commercial goods ang mga pinapadalang balikbayan boxes na iyon, hindi ito binabayaran ng taripa, hindi kagaya ng mga imported goods na binabayaran. Tapos, ibinibenta nila ang "koleksyon" sa mga tiangge.

Noong una, maliit lang ang negosyong ito. Ngunit nang kinalaunan, lumaki ito nang lumaki hanggang maging parang industriya na rin. Ang mangilan-ngilan lang na balikbayan boxes noon ay naging daan-daang crates na ngayon.

Bagama't nakikinabang ang mga tao, lalo na iyong mga mahihirap, dahil nga may mapagbibilhan sila ng murang kagamitan, mas lalo namang nakakapagpabagsak ng ekonomiya ang ukay-ukay.

Ayon pa kay Rule, madalas, ang mga ibinibentang ukay-ukay ay mga smuggled goods na hindi na dumadaan pa sa Bureau of Customs para mabayaran ng taripa at ito'y malaking kabawasan na kaagad sa kita ng pamahalaan.

Minsan, may mga goods din na donasyon pa galing sa mga charity sa ibang bansa. Nakakarating lang ang mga iyon dito sa Pilipinas dahil may mga taong magagaling mag-smuggle ng mga iyon patungo sa ating bansa.

Dahil dito, dumadami nang dumadami ang mga imported goods. Bukod sa imported, madalas pang branded ang mga ito at mura ang benta. Kaya, habang nagpakasasa ang mga taga-benta ng ukay, nagkakandahirap naman ang local clothing industry natin. Hindi nila kayang makipagkompetensya sa mga nagbebenta ng ukay. Ikaw ba naman ang papipiliin: galing U.K. o galing Pinas?

Pero iyon din nga ang problema. Marami sa atin ang mahilig sa mga imported kaya kahit ukay-ukay ay pinapatulan. Kaya naman wala talagang laban ang mga local na prodyuser dito.

Akala siguro natin na ang pagkahumaling sa mga ukay-ukay ay wala lang. Parang kebs. Pero kung tutuusin, dahil sa pagtangkilik natin sa mga produktong iyon, naaagawan ng mga smugglers ng kita ang mga legal na negosyante.

Ang problema na ito ay hindi rin basta-basta dahil sa kasalukuyan, hindi lang mga smugglers ang kakompetensya ngayon ng local garments business. Buong mundo na.

Noong Disyembre 31, napawalang-bisa na ang international quota system na ginawa ng World Trade Organization noong 1974. Ang quota system na ito ay nakatulong sa mga less developed countries, gaya ng Pilipinas, para mapadali ang industriyalisasyon ng kanilang bansa.

Ayon kay Rita M. Gerona-Adkins ng Philippine News, sa pagkawala ng quota system, magiging bukas ang garments market ng Estados Unidos. Magiging mas masidhi na ang kompetisyon dito.

Kung noon, halos 70 percent sa mga ibinibentang garments ng Pilipinas sa Estados Unidos ay tariff-free, ngayon ay wala na. Kailangan na ng Pilipinas na makipagkompetensya sa iba pang proyuser gaya ng China. Pabor pa naman sa China ang pagkawala ng quota dahil ang labor cost nito ay mababa at mura.

Kaya ngayon, higit kailanman, kailangan ng mga Pilipino na tangkilikin ang sariling produkto. Pabagsak na nang pabagsak ang ating ekonomiya. Kung hindi pa natin susuportahan ang mga local na prodyuser dito, saan na pupulutin ang Pilipinas?

Sana isipin din natin na kung bibili tayo ng ukay-ukay, para na ring pumapayag tayo sa smuggling at tumutulong pa tayo sa mga smuggler para lumago ang negosyo nila.

Sana sa bawat pagpunta at paghalukay natin sa wagwagan, sa pagkakita natin ng mga tarheta ng sikat na imported brand, at sa pagdukot natin ng pera para bayaran ang biniling ukay-ukay, maalala natin ang ating naghihingalong bansa.

Balik sa Taas