Tanikala ng Kalayaan
Malaya ako.
Malaya kong napagmamasdan ang mga hapis na mga mukha ng mga
batang kalye,
Ang tagaktak ng pawis sa noo ng mga amang kumakayod,
Ang nag-alalang hulagway ng inang nagbabadyet ng
kakarampot na kita ng asawa.
Malaya kong naririnig ang pakiusap ng isang namamalimos na lolo,
Ang hiyaw ng masang nananawagan para sa hustisya,
Ang taghoy ng mga magulang habang nag-uusap tungkol sa
kinabukasan ng mga anak.
Malaya kong nalalasahan ang mga itinapong pagkain ng mga restoran
ngunit pinagsasaluhan pa rin ng ilang pamilya,
Ang alat ng asin na parating ulam ng mama sa kanto,
Ang pait ng luha ng sanggol na nagdedeliryo pero di madala sa
ospital dahil walang pambayad.
Malaya kong naaamoy ang rugby na sinisinghot para mawala at
makalimutan ang gutom,
Ang baho ng Payatas na pumagkit sa suot at balat ng mga
tagaroon,
Ang alingasaw ng namamatay nang ilog dahil sa walang puknat
na pagtapon ng basura.
Malaya kong nararamdaman ang hinagpis ng estudyanteng walang
pangmatrikula,
Ang poot ng mga residenteng nawalan ng bahay dahil sa
demolisyon,
Ang kapagalan na tinitiis ng isang manggagawang nag-
oovertime.
Oo, malaya ako.
At malaya ko ring tinalikuran ang lahat ng iyon.
Kinadena ko ang aking sarili, ikinulong sa mundo
ng huwad na kaligayahan.
Nagpakabulag ako, nagpakabingi, at nagpakamanhid.
Iyon lahat ay dahil...
Malaya ako.
Balik sa Taas