VAT Primer
Bukam-bibig na ng mga tao ang VAT at ang pagtaas nito. Ayon sa mga nasa pamahalaan, ito ang ika-anim na revenue measure na inaprobahan sa House of Representatives at ito rin ang itinuturing na pinakaimportante dahil makakapagdala ito ng P30-P60 bilyong kita sa pamahalaan.
Heto ang ilan pang mahalagang impormasyon tungkol sa VAT.
Ano ang VAT?
Ang Value-Added Tax o VAT ay isang uri ng buwis na ipinapataw at kinokolekta habang ang isang produkto o serbisyo ay dumadaan sa proseso ng produksyon, distribusyon at pagbenta.
Halimbawa, ang isang manufacturer ay nagbabayad ng VAT sa pagbili niya ng mga kagamitan para sa paggawa ng produkto. Ang wholesaler ay nagbabayad ng VAT sa pagbili niya ng nagawang produkto mula sa manufacturer. Ang retailer ay nagbabayad ng VAT sa pagbili niya ng produkto mula sa wholesaler. Ang konsyumer ay nagbabayad din ng VAT sa pagbili niya ng produkto mula sa retailer.
Samakatwid, nagbabayad tayo ng VAT sa bawat pagbili o pagkunsumo natin.
Kailan pa nagsimula ang VAT?
Noon pa man sa administrasyon ni dating Pang. Fidel Ramos, may VAT na. Ang VAT noon ay 10% pa lamang. Sa ngayon, ang gusto ng mga pro-VAT ay magdagdag ng 2% doon sa orihinal na 10%.
Bagama't magkaiba ng percentages ang mga VAT rates (mula 10% - 12%), pareho pa rin ang dahilan bakit ito ipinataw: dahil sa pabagsak na ekonomiya ng Pilipinas.
Bakit kailangan ang VAT?
Ayon sa mga nag-uudyok na maipatupad ang 12% VAT, ito ay kailangan para maisalba ang bumabagsak nating ekonomiya.
Ayon kay Donald Dee, presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, kung hindi matutugunan kaagad ang problema sa ating ekonomiya, maaaring mas mahihirapan ang ating sambayanan. Magkakaroon ng mas mataas na interest rates sa utang-panlabas, mas mataas na inflation rates, kawalang-kakayahang lumikha ng mga bagong trabaho at gumawa ng mga kakailanganing imprastraktura, at higit sa lahat, kawalang-kakayahang magbigay ng mga serbisyo para sa mga mamamayan.
Ano ang advantages at disadvantages nito?
Advantages |
Disadvantages |
1. Madadagdagan ang kita ng pamahalaan. Dahil dito, mas mapapanatag ang loob ng mga investor na mag-invest sa Pilipinas, bababa ang interest rates at tataas ang halaga ng piso. (pangmatagalang epekto)
- Scholastica Cororaton, assistant director general ng National Economic and Development Authority
|
1. Tataas ang presyo ng mga bilihin at ito ang pipigil sa mga konsyumer na bumili. Kapag kaunti lamang ang bibili ng mga produkto o serbisyo, bababa rin ang gross domestic product (kabuuang kita) ng bansa. (panandaliang epekto)
- Scholastica Cororaton
|
2. Ang kitang makukuha sa VAT ay ibabalik sa mga taxpayers sa pamamagitan ng mga bagong trabaho, edukasyon, tubig at proyektong pangkalusugan.
- Pres. Gloria Arroyo
|
2. Masama ang epekto nito sa mga Pilipinong kakarampot lamang ang kita dahil ang mga basic commodities ay apektado ng VAT, gaya na lamang ng processed food, mga damit, school supplies at iba pa.
- Sen. Manuel Villar
|
3. Ang VAT ay isang "save the nation legislation" dahil tutugunan nito ang problema sa ekonomiya ng bansa. Kung wala ito, mas maghihirap ang mga Pilipino.
- Senate Speaker Jose de Venecia
|
3. Ang VAT ay isang indirect tax na across-the-board ang pagpapatupad. Ibig sabihin nito, lahat ay apektado ng VAT.
- Rep. Crispin Beltran
|
Anu-anong mga produkto ang apektado ng VAT?
Kasali pa rin sa 12% VAT ang mga produktong apektado sa 10% VAT. Ilan sa mga produktong ito ay ang gatas, asukal, processed food, mga damit, at school supplies.
Anu-anong mga produkto ang hindi apektado ng VAT?
Hindi apektado ng VAT ang mga sumusunod: manok, mais, fertilizer, mga raw agricultural products gaya ng bigas at isda, mga gulay, tinapay, bagoong, pandesal, patis at ilang piling processed food gaya ng noodles, sardines at corned beef.
Wala na bang ibang paraan maliban sa pagtaas ng VAT?
Mayroon.
Ayon kay Senator Manny Villar, chairman ng Senate Committee on Finance, mas mainam na ayusin na lang ang mga butas sa pagkolekta ng VAT dahil makapagpapataas din ito ng kita ng bansa. Hindi pa mapiperwisyo ang mga naghihirap na mga Pilipino.
Maaari ring taasan na lang ang income o corporate tax ng mga power producers at alisin ang mga insentibong nakukuha nila sa pamamagitan ng mga deregulation at privatization policies sa energy sector, sabi ni Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis.
Samantala, iminungkahi rin ni Senate Minority Leader Aquilino "Nene" Q. Pimentel, Jr. na alisin na lang ang exemption sa VAT ng ilang negosyo (gaya ng mga maunlad na mga kooperatiba at independent power producers) at ilang mga propesyonal (gaya ng mga doctor at abogado).
Balik sa Taas