Missing My High School Friends
"Hi! musta k n? Me, ok lng.
Sna kitakits tau ulit! Miss u."


Simpleng mensahe pero di ko maiwasang mapangiti sa bawat text messages na natatanggap ko galing sa inyo. Iba't iba man ang pagkakabuo ng pangungusap, forwarded man o sadyang personal na ginawa, iisa pa rin ang mensahe, ang iparating ang pangungumusta at pag-asang sana'y magkita tayong muli.

Parang kailan lang pare-pareho pa tayong walang alam sa teknolohiyang iyan, simple lang ang buhay, ang mga pangarap pati na ang kaligayan. Paano nga ba nabuo ang ating samahan? Hindi naman natin binalak ang lahat di ba? Marahil dahil matagal na rin tayong magkakilala, ang iba since elementary days pa, ang iba naman simula first year or second year high school pa lang at kahit nga ang isang bagong transferee sa school natin napabilang din sa grupo natin. Basta bigla na lang nangyari isang araw bumuo tayo ng isang grupo. Nagkaroon pa nga tayo ng election of officers, katuwaan lang, inisip din natin kung ano ang magiging pangalan ng grupo natin. "Ohm's" nakakatawa mang isipin pero iyon ang napagkasunduan, ewan ko rin kung bakit, siguro dahil sa iyon ang kasalukuyang topic natin sa physics subject. At nakilala na nga tayo sa ganoong grupo ng iba pa nating mga kaklase.

Ang saya ng samahan natin, minsan nga di na ako umuuwi ng bahay para mananghalian dahil sabay-sabay na tayong kumakain. Nagtataka nga ang nanay ko kung bakit di ako umuuwi samantalang wala naman akong baong pananghalian. Kahit naman kasi magbaon ako o hindi nakakakain pa rin ako dahil kung sino man ang may baon sa atin inilalatag iyon lahat sa mesa at rambulan na sa pagkain. Minsan naman nagluluto tayo doon sa bahay ng isa nating kasama. Habang kumakain nagbibiruan na hanggang sa matapos at sabay-sabay na naman tayong papasok sa eskwela. Hindi tayo nauubusan ng kuwento at biro tuwing recess o vacant period. Kinahapunan naman sabay-sabay din tayong naglalakad pauwi ng bahay, hindi nga lang tayo laging kumpleto dahil magkaiba ang direksyon natin sa pag-uwi, ang iba naman ay sumasakay dahil sa layo ng kanilang tirahan.

Pero hindi lahat tawanan at kuwentuhan, may mga pagkakataon din ng iyakan, ng mga problema sa pamilya at sa love life. Minsan tayo-tayo rin sa grupo nagkakaroon ng di pagkakaunawaan. Akala ko nga doon na matatapos ang lahat, nang minsan nagkaroon ng tampuhan hanggang sa nauwi sa di na pagpapansinan. Ayaw kong may kinakampihan dahil unang-una hindi masyadong naging malinaw sa akin ang pinagmulan ng gulo. Puro sabi ni ganito, sabi ni ganyan ang nangyari. Papalapit pa naman ang graduation, nagpapraktis na nga tayo noon para sa pagtatapos natin sa highschool, pagkatapos ganoon pa ang nangyari. Buti na lang naagapan, napag-usapan at naayos din ang lahat bago pa man tayo tuluyang nawasak.

Pagkatapos ng graduation sabi nga hindi pa doon nagtatapos ang lahat, iyon pa lamang ang simula ng panibagong pagharap sa bagong mundong gagalawan natin. Pero bakit hindi pa rin maiwasan ang pangungulila, pananabik at pag-asam sa mga dating kaklase at kaibigan. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nagkaroon man ako ng mga bagong kaibigan nang tumuntong ako sa unang taon ng pag-aaral ko sa kursong aking kinuha, mas madalas ko pa ring ikinukumpara ang mga bagong kakilala sa mga dati ko nang kaibigan. Hinahanap-hanap ko ang dating samahan nating magbabarkada, pero alam ko may kanya-kanya na rin kayong buhay na hinaharap.

Ilang taon na nga ba ang lumipas? Matagal-tagal na rin. Ilang reunion na ba ang di ko napupuntahan dahil sa walang oras? Marami-rami na rin. Ang layo na nga ng narating ng iba, may nakapag-abroad na, may nag-asawa, may nag-aaral pa rin, ang iba naman nagtatrabaho na. Pero ang katotohanang minsan naging tawa ko ang tawa n'yo, naging lungkot ko ang lungkot n'yo ay di mawawala. Di man tayo madalas magkita't magkasama na gaya ng dati, lagi namang merong alaala na kasama ko saan man ako pumunta. Saan man tayo dalhin ng buhay, magkaroon man tayo ng bagong kaibigan at kakilala, ang dating tayo ay mananatili pa rin dahil hindi ko maipagkakaila laging nandito ang pag-asam na sana magkaroon ng pagkakataon na muli tayong magkita-kita.





                                                                                                            
10 May 2004
Back to Stories