Kuya
Nang magkita kami, hindi na siya umiiyak, pero dama ko ang sakit na nasa loob niya. Namumugto ang mga mata niya hindi ko man aktual na nakita alam kong may mga luhang dumaloy doon. Kailangan niyang maging matatag sa harap namin kaya siguro mahinahon na siya ng siya'y dumating.

Siya na noong una nakilala ko bilang isang palabiro, mahilig magkuwento ng katatawanan, mahilig magpakita ng madyik na noong una talagang inakala kong totoo, tulad ng paglagay ng maliit na bato o papel sa batok at pagkatapos ay ilalabas ito sa bibig. Hindi ko lang alam kung dahil iyon sa bilis ng kamay niya o sa hina ng mata kong makita ang katotohanan sa kabila ng madyik niyang iyon.

Pero hindi sa lahat ng pagkakataon komedyante at madyikero ang dating niya sa akin, may pagkakataon ding itinuturing ko siyang kaaway. Madalas kaming pagalitang dalawa dahil sa sagutan at pag-aaway namin. Minsan napapalo siya dahil sa akin, minsan napapalo ako dahil sa kanya, at minsan napapalo kaming pareho dahil sa bangayan namin. Ganun pa man nawawala rin ang mga hinanakit o tampo sa paglipas ng oras.

Tagapagtanggol, iyan din minsan ang tingin ko sa kanya. Hindi ko lang alam kung natatandaan pa niya pero ako hindi ko makalimutang minsan nakipag-away siya sa isa ring lalaking kasing-edad niya dahil idinamay ako sa naging pagtatalo nila, hindi na nga lang masyadong malinaw sa akin ngayon ang bawat detalye ng pangyayari pero iisa lang ang nanatiling di maalis sa isip ko iyon ay ang pakipag-away niya para ipagtanggol ako.

Madalas man kaming ikumpara noon sa husay at bilis ng pagbabasa ng aklat hindi ko naman siya itunuring na karibal, iyon nga lang mas madalas ako ang pinupuri.

Hindi ko maikakailang naging proud din ako sa kanya dahil sa husay niya sa paglaro ng chess, nanalo siya sa mga kompetisyon, siya pa nga minsan ang nagtuturo sa amin  ng mga technique at magagandang move sa paglalaro pero talaga lang hindi ako naging mahilig sa larong iyon.

Tulad ng paglalaro ng chess dapat sigurado ka sa bawat hakbang mo dahil isang maling move puwede kang matalo at iyan ang nakikita ko sa kanya ngayon. Matapos dumating ang pinakamalakas na bagyo sa buhay namin, kailangan niyang maging laging sigurado. Pagkatapos ng isang nakapanlulumong katotohanan hindi ko pa siya nakitang umiyak. Ewan ko siguro nga hindi ko lang nakita, o hindi ko lang matandaan, basta ang nakikita ko sa kanya ngayon ay isang matatag na tao, hindi man siya masyadong nagpapakita ng emosyon nandoon naman ang malasakit, hindi man niya sinasabi lahat ng iniisip niya alam kong wala siyang ibang hinahangad kundi ang para sa kabutihan namin

Ibang-iba na siya sa taong nakilala ko noon o marahil dahil naging mababaw lang ang pagtingin ko sa bawat nakikita ko dati o maaring dahil masyado lang akong emosyonal  sa pagkakataong ito. Pero iisa lang ang sigurado, ang lahat ng pagsubok ay tunay na nakapagpapatatag sa isang tao basta't maging positibo lang ang pananaw mo.

Parang kailan lang ng makita ko kung paano niyang pagkumparahin ang tindig niya sa isang dumaang sundalo sa harap niya noon. At heto ngayon, isa na siyang ganap na sundalo. Naalala ko pa ng marinig kong sabihin niya na "
Sayang hindi man lang naabutan ni Papang." Oo nga, isa iyong masakit na katotohanan kung kailan naabot na niya ang isa sa mga pangarap niya, nawala naman ang isang taong gusto niyang pag-alayan ng tagumpay na iyon. Pero alam ko na ang pangyayaring iyon ay isa sa mga dahilan kung bakit nagpursigi siyang makamit ang inaasam na pangarap, hindi lamang para sa sarili niya kundi para na rin sa mga umaasa sa kanya.

Hindi ko man mabasa ang laman ng isipan niya, hindi man laging nagkakatugma ang aming pananaw sa mga bagay-bagay, nanatili pa rin ang paghanga ko sa kanya. Hindi lamang dahil siya'y naging kabiruan, kakuwentuhan, o tagapagtanggol kundi higit sa lahat dahil siya ang kuyang pinatatag ng pagsubok, siya ang naging pangalawang ama sa pagpanaw ng aming pinakamamahal na ama. Siya ang kuyang kailanman ay walang makapapalit dahil siya ay nag-iisa lang... Kuya, hindi ko man masabi sa iyo lahat pero hayaan mong sa paraang ito mailabas ko kung ano ka ayon sa pagkakakilala ko.



                                                                                                       
11 May 2004
Back to Stories