Buod Ng "Lamat Ng Salamin"

Lamat Ng Salamin


Pangungumpisal


Ang bawat tao ay may tatlong kamalayan ayon kay Freud. Ang "Id" na itinuturing na kumikiling sa "pleasure principle," ang "super ego" na kabaligtaran ng "Id," at ang ego na tumatayo sa pagitan ng dalawa at siyang gumagawa ng panghuling desisyon.


Umiikot ang dula sa sarili, sa katauhan ni Alex, isang senior sa isang kilalang pamantasan. Marami ang magsasabi na wala nang kakulangan pa sa kanya. Maayos at maganda ang kanyang buhay. Ngunit gaya din nating lahat, siya ay mayroong mga pinakatatagong kahinaan, kakulangan, problema at mga puwang na pilit pinupunuan. Isang paghamong kilalanin at ayusin ang sarili ang inaasahan. Kinakailangang ang tatlong kamalayan ang "Id," "Ego," at "Super Ego," ay pakinggan kung ano ang nararapat na gawin ni Alex. Sa kinahaba-habaan man daw ng prusisyon ay simbahan rin ang huling destinasyon.



Tutunog ang kampana ng simbahan. Tatahimik. Daraan ang isang pari, at mapagpapasyahan ni Alex na mangumpisal. Dito lilitaw ang mga multo, dito makikita ang mga halimaw na sadyang kanyang kinatatakutan - ang kanyang SARILI. Sa Pangungumpisal ba mahahanap ang lunas? Dito ba mahahanap ang kasagutan sa mga tanong na paulit-ulit bumubulong?

Kulong


Kidnap. Usong-uso talaga 'yan. Ito ang kapalarang hinaharap ng ating mga bida, sina Cris at Jude, dalawang walang kinalamang tauhan na pinagtagpo ng masalimuot na katotohanan. Bakit ba kinailangang magtagpo ng landas ang dalawang nilalang na 'to? Kasakiman ng tatlong ulol na nangidnap ang dahilan ng pagtatagpo.

Dahil sa paglipas ng panahon, nagkakilala nang lubusan sina Cris at Jude. Hindi man nagkakakitaan ang mga tauhan dahil sa pumapagitang dingding sa kanilang dalawa, ang tinig nila ang naging daan upang makapagpalagayan sila ng loob. Naging mahusay ang samahan sa loob ng isang masamang kalagayan.



Isang araw, dahil sa labis na pagpapahirap ng mga ulol, naisipan ng dalawa na tumakas. Isang magaling na plano. Siguradong paglaya na ng dalawa. At ganoon nga ang nangyari. Isang gabi, pinuwersa ang hawla at tumakbo ng palabas ang mga bihag. Sa kasamaang palad, natiklo ang pagtakas. Galit na galit ang tatlong ulol. Pinasya ng mga ito na kailangang patayin ang isa sa dalawa. Hindi raw maaaring patayin ang dalawa dahil lugi sila, kailangan isa lamang. Tinanong ngayon ang matalik na magkaibigan.

Kung ikaw ang tatanungin, ano ang isasagot mo?

Da Bus


Maaaring makita ang Pilipinas bilang isang bus na naglalaman ng iba't-ibang uri ng tao. Nakakatawa tingnan ang mga tao sa loob ng bus. May mahirap, may mayaman, may nagpapahirap at may nagpapayaman. Mayroong may pakialam, mayroong nakikialam, at mayroong walang pakialam. May mga may alam, mga walang alam, at mga nagpapanggap na may alam. At siyempre mayroong MMDA.


 

Sa pagbibiyahe ng bus sari-sari ang kanilang mapagdaraanan, maraming kakatwang makikitang tunay na nangyayari sa bayan. At sinu-sino lamang ang hindi titinag sa mga pangyayari? Ang mga walang pakialam, at ang mga bahagi ng sistema: ang drayber at ang konduktor.

Sa gitna ng kaguluhan, mistulang kung saan-saan mapapatungo ang bus. Sa gitna ng kaguluhan, makikita mo ang sarili mong wala na ring magagawa kundi ang tumawa na lamang.



Sa mundo natin, maraming nakakainis, maraming nakakaiyak, pero huwag naman nating kalimutang tumawa. Sige tumawa ka pero sana matuto ring mag isip atsaka mo matatantong kasama ka pala sa pinagtatawanan mo. Masakit ba?

                                                                      homeclicked.jpg (6905 bytes)

    backtotop_clicked.jpg (7253 bytes)
Tala Mula Sa Direktor | Ang Mga Nagsipagganap| Mga Piling Larawan

                                                                                    Mga Piling Dula