Buod Ng "Paanokung"

Paanokung

 

Fuego


Paano kung hindi namatay si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan noong ika-30 ng Disyembre ng taong 1896, at sa halip siya'y nangibang-bayan? Ano kaya ang mangyayari sa ating rebolusyon? Ano kaya ang mangyayari sa ating bayan?



Sa halip na sumapi siRizal sa Katipunan ng mga Anak ng Bayan noong 1896, siya'y lumuwas patungong Havana, Cuba upang tumulong sa mga sundalo ng Espana sa labanan doon. Bagaman mistulang pag-iwan sa sariling bayan ang ginawa ni Rizal, sa kanyang isip at dibdib ay ninais niyang mapatunayan sa Espana na ang mga Pilipinong tulad niya ay may kakayahan din at dapat tingalain.



Makaraan ng labing-apat na taong paninirahan doon, nagpasya siyang bumalik, kasama ang kanyang asawa't anak, sa Pilipinas, upang malaman kung ano ang kinahinatnan ng lipunang kanyang iniwan.

 

Hindi inaasahang nakabangga niya si Andres Bonifacio, isang pinuno ng isang unyon ng mga manggagawa na iniwan ang kanyang mga kasamahan sa paniniwalang ang kanilang kilusan ay hindi na magtatagumpay.
Magpapalit kuro-kuro at magtatalo ang dalawa, na siyang magmumulat sa mga mata ni Rizal na ang kanyang pag-alis ay isang malaking pagkakamali.



Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng isang pagiging bayani? Mamumulat ang mga mata ng lahat kung ano at paano ba ang maging isang bayani.

Taglagas


PAANO KUNG katapusan na ng mundo? At muli nang magbabalik si Kristo? At matagpuan mong oras na ng paghuhusga sa iyong buhay?

Ano ngayon ang gagawin mo?



Dahilan ng 'di inaasahang lindol, makukulong ang isang grupo ng mga tao sa basement ng isang gusali. Sa kanilang paghihintay sa "rescue team" na sasagip sa kanila, makakasama nila si Lazarus, isang misteryosong lalaki na nagsasabi sa kanila na katapusan na ng mundo; na siya raw ang sugo ng Diyos na ipinadala upang "ihanda ang tamang landas" sa ikalawang pagdarating ni Kristo.


Propeta ba siya, o isang baliw lamang? Sa unang tingin, ay napakadali sanang isantabi ang lahat ng kanyang mga sinasabi, ngunit sa kahuli-hulihan, ay mapipilitan pa rin ang mga tauhan sa kuwento na pag-isipan ang mga babala ng estranghero: sa likuran ng kanilang isipan, dahan-dahang nagbabaga ang mga takot nila ukol sa kamatayang ipinagsisigawan ni Lazarus. Pilit na bumubulong ang isang malagim na katanungan: Paano kung katapusan na nga ng mundo?


Tinatalakay ng kuwentong ito ang tunay na kahulugan ng pagiging tapat a Kristiyano. Nagtatanong ito kung sino nga ba sa atin ang handang humarap sa Diyos, kung sino nga ba ang tunay na naghihintay sa Kaniyang muling pagbabalik.
Sa kahuli-hulihan, nagnanais ang dula na ipaalaala sa lahat na hindi lamang kuwento o alamat sa Bibliya ang ikalawang pagdating ni Kristo; naghahangad itong ipakita na ang puno't dulo ng ating pananalig ay walang iba kundi isang tapat, at makatarungang paghihintay sa Diyos.


                                                                      homeclicked.jpg (6905 bytes)

     backtotop_clicked.jpg (7253 bytes)
Tala Mula Sa Direktor | Ang Mga Nagsipagganap | Mga Piling Larawan

                                                                                      Mga Piling Dula