© 2005, 2007
Groupies' Panciteria


MINIX ang mga traks sa Cakewalk Sonar 4 ni Lemuel Brosas & ng GP, maliban sa Track 6 na minix ni L. Brosas, GP at Jean-Paul Verona, maliban din sa Track 7 & 9 na prinoduce ni L. Brosas, Bernie Asis at ng GP.

NIREKORD ang karamihan ng mga traks almost live ni J-P Verona sa Harmony Hub Studio (Lungsod ng Tacloban) maliban ang mga traks sa Track 7, 10, & 14 na nirecord lahat ni Lemuel Brosas sa Ang Panciteria, Lungsod din ng Tacloban.

MINASTER ni Tandang Soria sa Ang Panciteria 2, Bocaue, Bulacan.

 

Areglo ng Groupies’ Panciteria.
Mga titik sinulat ni Jojo Soria de Veyra.
Vocal harmonies inareglo ni Jojo Soria de Veyra, Joey Geroca,
    Puding Casco.
Guitar leads inareglo ni Joey Geroca & Steven Lawsin, at sa
    This Is My Blood ni Puding Casco rin.
Iba pang mga bakgrawnd bokals nina Puding Casco at
    Joey Geroca, at Sherwin Hambre sa Dammit, Janet.

 

PARA SA PAKAIN NA ITO SA ATING BARANGAY, GUMAMIT ANG GROUPIES’ PANCITERIA NG MGA SUMUSUNOD NA SANGKAP:

Ryan Adams, Freddie Aguilar, Asin, early America, Backstreet Boys, The Beatles, Ludwig van Beethoven, Candlebox, Collective Soul, The Company, Datu's Tribe, The Doors, Eagles, Eraserheads, Gin Blossoms, Gipsy Kings, Gary Granada, Goo Goo Dolls, Jimi Hendrix, Hotdog, Incubus, early Juan de la Cruz Band, Kiko Machine, Led Zeppelin, Francis M., MYMP, Nirvana, P.O.T., Pearl Jam, Rage Against the Machine, Razorback, The Scorpions, Seven Dust, Silverchair, U2, Gary Valenciano, early Yoyoy Villame, Wolfgang, Yano, Neil Young. :-)

 


 

Pakinggan ang first single mula sa album na matagal plinay sa walang ka-payo-payola na i-FM sa Tacloban (araw-araw yun mula Dec 2005 hanggang mid-Marso 2006) bilang isa sa most requested rock songs sa lungsod -- ang rock-awit na "Blangko Sa 'Yo (o, Boladas)". Click dito.

 

Makinig din ng mga previews ng 13 sa 14 na rock-awitin ng GP, sa Mobiuslive.net! Bumili ng mp3 version online kung me magustuhan!

 


 

AT NGAYON, HETO NA ANG MGA TRACKS SA ALBUM (na may malalalim na anotasyon tungkol sa mga ito ng isang pretensyosong kaibigan ng banda na ayaw magpakilala, hehehe):

 

1Blangko Sa 'Yo (o, Boladas). Music ni Joey Geroca, Jojo Soria de Veyra, Steven Lawsin. Titik ni de Veyra. Ni-record ni Jean-Paul Verona sa Harmony Hub, Tacloban. Narration part, una at pangalawang chorus, at sigaw sa huli nirecord ni L. Brosas sa Ang Panciteria, Tacloban. Kahit man may prologong historical na panimula ang awiting 'to na tila may pangaral na animo'y si Ka Gary Granada (sa Pagsamba at Pakikibaka niyang album) o di kaya na parang inspired ng Kiko Machine sa patungkol nito sa kasaysayan ng sining, ang song proper ay papasok sa stanza 1 & 2 na may mala-Eraserheads na klase ng inosenteng pagnguyngoy tungkol sa buhay ng kabataan ngayon. Ngunit, sa di malaon, mararamdaman nating ang mga opening stanzas palang iyon ay pangungutya lamang sa ma-pormulang mga payo ng nakatatanda at ng buong lipunan, dahil -- sa Koro -- ang pagnguyngoy na iyo'y biglang naging isang naninimdim na inspired ng punks na tipo ng litong-litong nihilismo sa pag-awit nito laban sa iba't-ibang dakdak ng matatanda at ng matalino nating Kristiyano kunong lipunan. Ito, mula sa isang parang post-adolescent at laking-lungsod at politicized na pagkainis. Magandang materyal para sa isang unang single sa Maynila at kalungsuran, kung maimamarket lang ng Establisimento! Rock the airwaves somewhat. :-) Kung may pampayola lang sana ang GP sa mga FM stations!!

2. Lalong Lumiit Ang . . . . Music ni Joey Geroca, Puding Casco. Titik ni Jojo Soria de Veyra. Ito'y halos saludo sa rap metal genre ng Slapshock at Linkin Park galing ng Rage Against the Machine at Deftones . . . subalit may nakakatawang uri ng biglang pagliko sa dulo ng kanta.
      Kung magtitipun-tipon ang mga salita ng awit patungo sa isang anggulo, makikita nating me paggaya sa Beh Buti
Nga ng Hotdog ang kanta, sa pag-address nito sa isang La Salle-istang
target ng pag-ibig, ngunit nang walang anumang pagganti tulad ng sa Hotdog. Bagamat isang Romeo & Juliet na tipo ng kanta tungkol sa upper class at sa lower class sa piyudal nating lipunan, meron itong pinananatiling humor sa gitna ng tumatahol na malakas na tensyon ng awit.

3Bagong Kristo. Titik ni Jojo Soria de Veyra, mula sa unang salitang “rebolusyon” na inoffer ni Puding & JR Casco mula sa political frustration ng dal’wa, kasama na ang salitang “gobyerno” sa Koro na pinagpilitan ni SK Chairman P. Casco. Mga pagsama-sama ng titik ni de Veyra pagdating ng Coda ginawa nina Joey Geroca & P. Casco, kung kaya't Apat na Syon ang ipinamagat ni de Veyra sa komposisyon. Music ni Geroca, JR Casco, P. Casco, Steven Lawsin. Tunay na isang political na awitin 'to sa tradisyon ng Asin, subalit di ordinaryong political na awit. Ang punk-inspired na anarkistang lirisismo (war-mongering?) ng awitin ay kinokontra ng isang nagmamakaawang folk melody na tumatahi sa mga salita. Ang kanta'y nakabubuo rin ng isang di-klaro o subtle at maaaring klasikong uri ng laban sa gitna ng pagkaseryoso nito at sa di-pagkaklaro o sinadyang halos theatrical na vagueness nito. Ngunit, sa kabuuan, halatang isa pa ring isang pessimistic na elehiya (pag-iyak) itong ating awitin tungkol sa di-sibilisado (dahil corrupt) nating mga awtoridad at kababayan na kapwa kulang sa kung di man pagka-maka-estado o pagka-maka-nasyon ay sa simpleng pagka-mabuting mamamayan man lang. Kelangan na nga ng bagong Kristo.

4This Is My Blood. Titik ni Jojo Soria de Veyra, mula sa request ni Puding Casco ng isang kanta tungkol sa inuming Leyteanon na tuba. Music ni de Veyra, Joey Geroca, Puding Casco, Steven Lawsin. Ingles ang pamagat, Tagalog ang mga linya, ngunit tungkol sa mga Waray. Narito ang isang alay ng banda sa mga ka-rehiyon nila sa mga isla ng Leyte at Samar, isang pag-alay na dinaan nila sa isang awiting pang-inuman na sa ritmo ng Waray na tinikling. Tinahi sa isang mala-Neil Young na waltzing flow (ang waltz at ang tinikling na ritmo ay walang pagkakaiba), ito nga'y tunay na awiting masasabi nating "sweet pulutan". Ngunit dala pa rin ng awit ang tipo ng GP na patutsadang politikal, at dito ang patutsada ay sa "Manila-sentrismo", sa kawalang-pag-asa ng mahihirap na nagpaparaos na lamang sa kung di man alkohol ay sa droga (isang paulit-ulit na motif sa album na ito), at sa pansamantalang lasing na tapang ng tao. Pansamantalang lasing na tapang? Pasaring ba at disclaimer ito ng Waray na bandang ire sa maaaring mitolohikal lamang na tapang ng Waray? Bagamat ito ri'y bahagyang may pagtukoy sa historical na mga pulajanes ng Leyte, sa kahulihulihan ito'y -- una sa lahat -- isang awit tungkol sa isang napabayaang rehiyon kung saan ("pula, lalalalala") may patuloy na presensya ang ilang Waray Reds doon.

5Jackal Virgin (The Apparition). Titik ni Jojo Soria de Veyra, mula sa “bulalakaw” na motif na inoffer ni Lemuel Brosas. Music ni Joey Geroca, Puding Casco, JR Casco. Isa pang Tagalog na kantang me Ingles na pamagat, ito ang isa sa pinaka-paboritong piyesa ng banda mismo. Sa unang tingin, isang simpleng surreal na eksplorasyon sa imahe ng bulalakaw (meteorite o kometa man) bilang talinhaga ng pag-ibig, pag-ibig na biglang dumadating puno ng secret wishes na gayunpama'y maglalaho lamang sa isang iglap upang maging hitsurang-butas-ng-puwet na uri ng butas sa lupa. Pero, maaari ring maging social rock-radio rave ang awiting 'to, at yun ay sa konsiderasyong puwede ring (o dapat lang) basahin ang kantang 'to bilang awit tungkol sa isang pagdukot at paghalay at pagpatay (o tungkol sa pagbagsak ng isang artista). Pero mas gusto ng nagsulat ng titik ang basa na tumitingin sa unang bahagi ng kanta bilang may pagtukoy sa isang dinukot at hinalay na mananayaw, at sa pangalawang bahagi naman bilang pahiwatig ng isang pagdukot at paghalay sa isang estudyante. Sa ganitong basa, ang kometa ay nagiging talinhaga ng balita tungkol sa mga ordinaryong kababaihang nagiging biktima ng ganitong krimen, na daglian ding naglalaho sa mga pahina o ere ng radyo simbilis ng kanilang unang pagbulaga.
      Kung gayon, ito kaya'y may pagkomento sa ating pagka-Katoliko na datapwat ay may Birhen Maryang sinasamba sa itaas subalit nahahalumina sa araw-araw sa mga bagay na erotiko tulad ng karniborosong birheng jackal na jajakol sa ating mga pantasya sa tabi ng ating Freudian na mga ilog? Ewan ko ba. 

6Mayora (sa Lupa ng Reyna). Titik ni Jojo Soria de Veyra, na may unang linya ni Puding Casco. Music ni Joey Geroca, P. Casco, JR Casco, Steven Lawsin. Minix ni Lemuel Brosas sa Ang Panciteria at ni Jean-Paul Verona sa Harmony Hub, Tacloban. Prinoduce ni L. Brosas, J-P Verona, Puding Casco, Jojo Soria de Veyra, Joey Geroca. Posibleng ito ang may potensyal na maging pinaka-bebentang hitmaker na kanta ng banda (sunod sa Blangko Sa 'Yo) kung magiging komersyal na banda ng Establisimento ang GP. Ito'y dahil ang kantang 'to'y tungkol sa isang paghintay buong gabi magdamag sa isang "walang-kwentang-girl". Pero -- kahit pa sa pagiging love song nito -- mentenado pa rin ng banda ang kanilang malarong mga salita rito tungo sa mga pagbasang kung di man erotic ("nasa'n ka basa?") ay political, at iyon ay nagawa ng GP kahit pa sa ganitong napaka-pop na song genre (ang love song) na rito'y tinugtog sa istilong-Gin Blossoms.
      Kaya,
ang Mayora ba'y isang awit
tungkol sa mga midnight deals ng mga pulitiko? Tulad ng preview natin sa itaas, ang linyang "Nasa'an ka ba? Sa- . . ." ay maaaring marinig bilang "nasa'n ka basa?" Basa na ba ang papel ng mga midnight dealers? Kung ganon, tayong mga botante ang mga dakilang tanga! At ito'y totoo since kelan pa? Naabutan mo ba ang panahon ng iyong inay, itay, o ng mga bayaning ngayon na ay patay? Ganito na
rin ba noon katanga o ka-lokohin ang ating mga ninuno? Kanino ba nakipagkita at nakipag-inuman si Gen. Aguinaldo noon sa ilalim ng buwan sa Biak-na-Bato, halimbawa? Sa bandang huli, ipagpaliban na natin ang mga kinita, siya ba'y masasabi nating naging isang dakilang tanga rin?

7O Aking GRO (o, 630). Titik ni Jojo Soria de Veyra, mula sa “kelangang-makita-ka-bago-lumubog-ang-araw” na tema na hiling ni Puding Casco. Music ni Joey Geroca, P. Casco, de Veyra. Keyboard passages kinomposo ni Joey Geroca, na may additional passages ni Jojo Soria de Veyra at Lemuel Brosas. Prinoduce ni L. Brosas, Joey Geroca, Jojo Soria de Veyra. Lahat ng tracks ni-record sa Ang Panciteria, kasama ang vocals at acoustic guitars, gamit ang isang office PC mike. :-) Isa pang nakakakilabot na piyesa tungkol sa pag-ibig, ang wit sa pop song na ito'y tungkol sa takot sa umaga ng isang city boy sa isang reyalidad na patuloy na nangyayari pagdating ng hapon. Dahil mukhang ang persona sa kanta ay parating naghihintay sa kanyang crush na magpakita bago man lang lumubog ang araw, kung kaya't inaawit niya'y: "Pigilan niyo muna, ala sais i medya."  Ngunit bakit hindi 5:30? Ang reyalidad bang 'to ay nangyayari sa isang tag-araw sa ilalim ng Daylight Saving Time? :-) Isang awit tungkol sa tag-araw, kung ganon. O ang 6:30 kaya ay kinikilala bilang ang opisyal na pagtatapos ng araw sa corporate world sa Metro Manila at ang simula ng after-six relaxations? Ayun. Nga pala, ang "630" minsa'y naisusulat ng kamay na nagmumukhang "GRO" sa pagbasa nito. At isa pa, totoo ang sinasabi sa Koro, dahil tunay ngang ang mga GRO ang "dinadalaw" ng gabi.
     
Ngunit, teka, maaari kasing basahin natin ang mga naka-iskedyul na gawain ng persona sa kanta bilang mga gawain ng isang makasarili at hambog na lalaki, kung kaya't itatanong natin kung ito nga kaya ang dahilan kung bakit napipilitang magsakripisyo sa pagiging GRO ang ilang mga kabataang ina? Hmm. Isang feministang awitin din pala 'to, di kaya? Mmm, ewan ko lang. Pero baka ang mga gawaing yun na ating tinutukoy ay hindi nanggagaling sa kahambugan o pagka-makasarili kundi mismong mga gawaing para sa hinahanap na iniirog, kasama na rito ang paghahandang maipaglaban siya sa pag-enroll ng lalaki sa karate classes.

8Cebuano Indios Attack At Dawn Magellan's Estero Bites Resort. Titik ni Jojo Soria de Veyra. Music ni Joey Geroca, de Veyra, Puding Casco, Steven Lawsin. Awit sa salitang Sebwano, heto ang saludo ng banda sa ingklinasyon ng mga Sebwano tungo sa mga bagay na erotic, tulad halimbawa sa mga naunang Yoyoy Villame o Max Surban na komposisyon. Ngunit ang saludong ito ay binuo ng banda sa kasalukuyang habit ng Cebu at Kabisayaan na i-ska o i-reggae ang halos kahit na anong bagay. Sa isang mas seryosong anggulo naman, maaaring ito’y isang awitin tungkol sa malaking pang-turismong industriya ng Sebu at ang mamahaling mga makabagong resorts dito na di abot-kaya ng lokal na sahod. Kung kaya saad at pasaring ng awit na ang mga indios o lokal na taga-isla ay nasa tira-tirang teritoryo na lamang maaaring magtampisaw, sa mga estero sa looban (ang "estero" ba ay anagram ng salitang "resorts"?) kasama ang mga lamok! :-) Isang swabeng awit tungkol sa mga kagat ng reyalidad, kung gayun, hindi ba? Nasaan ang pagka-Kristiyano sa sistemang pang-ekonomyang 'to sa islang unang dinapuan ng may-dalang krus na si Magellan?

9Not Julie Andrews' Land of Music (Narcopolis, Wating-ever). Music ni Joey Geroca, Puding Casco, Steven Lawsin. Titik ni Jojo Soria de Veyra, maliban sa “super-duper espyalleydocious” ni P. Casco. Sa tradisyon ng P.O.T. sa paggaya nito sa Red Hot Chili Peppers, narito ang pagpuri at pagyari ng GP sa mga watings ng bukang-liwayway at sa mga lasings sa isang kathang-isip lamang (ehem) o di kaya'y totoong urban at narco-politicized na landscape. Isa pang portrait ng kagat-ng-katotohanan-sa-cityscape ba ire, sa wikang Tagalog? Mmm, maaari.

10. Dammit, Janet, Take Off That Jacket. Titik ni Jojo Soria de Veyra, mula sa request ni Puding & JR Casco ng isang pang-concert crowd na kanta na naging isang beach song din (nudist beach song pa nga e, kung gusto mo). Music ni Joey Geroca, de Veyra, Puding Casco. Lahat ng tracks ni-record sa Ang Panciteria. Sa wikang Tagalog pa rin, ito ba'y isang pangungutya sa hilig ng mga fashionista rito sa ating bansa na magdamit ng mga imported na damit pang-Fall o -Spring? Yun ma'y totoo o hindi, ito'y awit na nararapat lang maging beach song ng ilan para sa darating na mga taon! O ang alt-indie (average barangay level, hindi Valle Verde barangay level) concert crowd song ng dekada! Pero, swabe lang, ito ay himno rin ng GP patungkol sa isang isyu ng MTRCB: laban sa paniniwala na ang paghuhubad ay nanganganak ng mga kaso ng paghalay, kinukumpirma ng kanta na may mga bagay tulad ng nudist rules na nasusunod ng lipunan pag pinatutupad.

11. Syota from Call-Center Island. Itong punk-reggae version ng O Aking GRO ay ideya ni S. Lawsin. Titik pa rin ni Jojo Soria de Veyra. Music pa rin ni Joey Geroca, P. Casco, Steven Lawsin, JR Casco. Bilang reprise o repaso, ito ang awiting O Aking GRO sa kamay ng isang nag-re-reggae na punk na may crush na babaeng "dinadalaw" gabi-gabi ng mga inquiry calls mula sa ibang bansa at kultura. Iba ang mood dito kumpara sa mood ng O Aking GRO, dahil dito'y may walang-pakialam na mala-Caribbean na saya sa mga stanzas. Samantalang may tensyon naman sa takot-sa-oras na Koro nito. Ito ba'y pag-simpatya rin dun sa isa pang kontrolado ng WTO na bansa, ang Jamaica? Hmm. Wala akong sinasabi.

12. Walang Class Reunion (The College Sweetheart). Titik ni Jojo Soria de Veyra, John Lennon, Paul McCartney. Music ni Jojo Soria de Veyra & Joey Geroca. Intro & Outro Arrangements at mga Improvisations ni Geroca at Steven Lawsin. Umiintro bilang isang pekeng-Espanolong intro composition na may pang- fiestang lasa, sa di malao'y papasok ang awit sa song proper bilang isang pa-Ob-La-Di at pa-Ob-La-Dang istilong-dekada '60s na awitin mula sa isang karakter na nilisan. Ang karakter na ito'y naghihintay sa pagbalik ng isang itinuring na kalapit, naghihintay ng isang reunion. Sa pangalawang lingon, ito'y nangungulila rin sa di pag-reunite ng Beatles, kung kaya'y um-Outro itong ating awit sa malungkot na istilo ng pag-Intro nito.
     
Ngunit, sa nagsulat ng titik ito marahil ang kanyang pribado at sadyang di-klarong kanta na nagsasalaysay tungkol do'n sa isang imposible nang reunion ng dalawang magkaibigan sa kolehiyo na di galing sa parehong social class -- ang isa'y nanggaling ng "conio" class sa ating lipunan, samantalang ang isa nama'y galing ng "basura" class sa lipunan ding nabanggit.

13. Jesus Christ, Superstars! (2010 Version). Titik ni Jojo Soria de Veyra, mula sa hiling ni Puding Casco ng isang kanta tungkol sa isang o mga artista. Music ni Joey Geroca, de Veyra, P. Casco. Musically, narito ang The Doors na sumasalubong ke Ryan Adams kasama si Freddie Aguilar sa harapan ng entrance ng isang TV network kung saan ang isang awit na pinamagatang "Jesus Christ, Superstars" ang patuloy na nag-bu-blues paikot ke Boy Abunda at ng kanyang mabababaw at positibong mga shows para sa mga artista at pulitiko.

14. Blangko Sa 'Yo (Alternative to the Alternative Ending).

15. Love Your Enemies (o, Tao Palabas) (pakinggan ang kanta sa Soundclick.com). Music ni Steven Lawsin, Joey Geroca, Puding Casco, JR Casco, Jojo Soria de Veyra. Titik ni de Veyra, mula sa “magkakaiba ang tao” na springboard theme na inoffer ni P. Casco. Sasabihin mong di 'to bagay sa koleksyon na ito at di dapat nandito, dahil sadya nga namang napakapilosopo ng kanta't napaka-sarcastic pa, at mala-Nirvana at -Metallica pa sa panlasa. Subalit kailangan 'to rito, bilang exit song ng koleksyon tungkol sa pagkakaiba ng tao, ang will to power, mga banana republics, at isang ini-imply na alternatibo sa compassion/empatya/simpatya.


 

 

 

© 2005,2006 Groupies' Panciteria. Reserbado lahat ng karapatan.



PRENTE | PAUNANG SALITA | MGA TRAKS | BALITA | PHOTO GALLERY

GUESTBOOK | MGA UNANG PASASALAMAT | KONTAKIN MO, BEYBI

MGA LINKS PALABAS