Home
       Church Ministries
       News & Events
       What's Inside
       Contact Us
 
Mexico Seventh-day Adventist Church History   (click here for English Version)
.

Sa Pasimula (1938-1950)
Taong isang libo siyam na raan tatlumput-walo (1938) nang unang ipahayag ang dakilang pag-ibig ng Dios sa bayan ng Mexico na dala ng mga mananampalatayang Adventista. Ito ay pinangunahan ni Pastor Lorenzo Yutuc, kasama sina Pastor Ambrocio Alcaraz, Pastor Juanito Tulio at isang misyonero na nagngangalang Diosdado Liwag. Sila ay nagdaos ng pangmadlang pangangaral sa loob ng tatlong buwan na ginanap sa harapan ng Munisipyo ng Mexico. Matapos ang tatlong buwang pangangaral ng katotohanan, maraming kaluluwa ang kinilos ng Banal na Espiritu, na tumanggap sa Diyos at nagpahayag ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng bautismo. Taong 1938 nang mabaustismuhan sina Feliciano Canlas, Maria Somera Canlas, Domingo Canlas, Felipe Canlas, Ofrecinia Canlas Honrada, Benita Canlas, Nicanor Evangelista, Dominga Evangelista Esguerra, Isabel Evangelista, Gregorio Canda, Patria Guillermo, Victorina Aquino, Primitiva Pilao, Juliana Pilao, Ereneo Villanueva, Epifania Villanueva, Maxima Castor, Jehosebia Dimacali, Teofisto Pilao, Cornelia Aquino, Andrea Canda at Marcos Manalo. Sila ay binaustismuhan ni Pastor Vicente Santos sa ilog ng Bungang Guinto.

Mabunga ang gawain ng Diyos ng taong iyon. Ngunit suliranin ay walang kapilyang pagdadausan ng kanilang pagsamba. Ang Diyos ay tunay na napakabuti sa Kanyang mga anak na tinawagan. Hindi Niya sila pinabayaan na hindi makasamba dahilan lamang sa walang kapilya, sapagkat ang tahanan nina Ginoong at Ginang Alejandro Salas ang itinuro ng Diyos na pagdausan ng papuri at pagsamba sa Kanya na matatagpuan sa Tinajeros San Antonio. Dito sila nag-aawitan, nag-aaral ng kasulatan at nagpapalakasan. Subalit dumarami ang mga kaanib at isang maluwang na lugar sa pagsamba ang kinakailangan, kaya sila ay sama-samang nanalangin sa Diyos upang ituro ang tamang lugar na pagtatayuan ng Kapilya. Matapos ang ilang buwang pananalangin tinugon ng Diyos ang kanilang hinihiling sapagkat may nagkusang nagkaloob ng lupa na may sukat na 242 square meters sa katauhan ng mag-asawang Asiong at Perfecta Panlilio. Dito nila inumpisahang itayo ang Kapilya na yari sa kahoy sa pangunguna ni Pastor Lorenzo Yutuc. Dahil sa kanilang pagkakaisa at pagtutulungan na magbigay , natapos ang kapilya at sila’y lalong sumigla sa pagpupuri sa Diyos. Ang matanda sa Iglesia sa panahong iyon ay si Bro. Nicanor Evangelista.

Palibhasa'y mainit sa pananampalataya, sila'y masigasig sa gawaing pangangaral. Makalipas ang isang taon, 1939 noon, may mga kaanib na napadagdag na mga kaanib at ito’y sila Tomas Canlas, Aniceta Canlas, Leoteria Canlas, Leonicio Trono,Consolacion Trono, Rogelio Trono, Igmidio Trono, Onesima Evangelista, Avelino Canlas, Budisto Calma at Juanita Calma. Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang grupo ng mga unang mananampalatayang Adventistang ito ay hindi natinag palibhasa'y ang saligan ng kanilang pananampalataya ay ang salita ng Diyos. Pagkatapos ng digmaan ang bilang ng mga kaanib sa Iglesia ay patuloy na naragdagan. Taong 1948 ay nabautismuhan si Juanita Trono Mangiliman at iba pang mga kasama.

Patuloy sa Paglago (1950-1980)
Nagpatuloy sa paglago ang bilang ng mga kaanib sa Iglesiang ito. Ang pangunahing dahilan ay bunga ng pangangaral at ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng pamilya ng mga kaanib. Upang lalong maging masigla ang pagpupuri at pag-aawitan, isang grupo ng mang-aawit ang nabuo at ito’y tinatawag na Never Grow Old Singers sa pangunguna ni Sister Pilar Bernabe. Ang mga kabilang sa grupong ito ay sina Juanita Trono Mangiliman, Mely Gatdula, Tita Bermejo, Mario Bermejo, Ester Mangiliman Saludez, Naring Mangiliman Manlungat, Helen Gatdula Punzalan, Tex Gatdula Musni, Crispina Bernabe, Mary Ann Bernabe, Beng Gatdula, Ernesto Trono, Eddie Trono, Elmer Trono, Eliezer Trono at Romeo Mangiliman. Ang Never Grow Old Singers ay nagpasimula noong 1960 at ito’y nagtagal hanggang 1969. Ang kanilang awitin na papuri sa Diyos ay hindi lamang sa Mexico narinig kundi pa man sa mga kapalit na Iglesia ng San Fernando, Manibaug, Natividad, Sta. Catalina at Candaba.

Ang kapilyang naitayo noong 1938 ay yari sa kahoy. Dumating ang panahon na ninais ng mga kapatid na ito ay maging mapaganda at matibay. Kaya nga noong taong 1965 ito’y nilagyan ng bakod at ito’y naitayo dahil sa paghingi ng mga donasyon sa mga kapatid.

Taong 1968 ang matanda sa Iglesia ay si Bro. Ernesto Mangiliman at sa kanyang pangunguna sinimulan nilang baguhin at pagandahin ang kapilya na may pondong Php 120.00 lamang. Sa una, ang mga kaanib ay nag-aalinlangan dahil wala silang alam na pagkukunan ng salapi subalit ang Diyos ang gumagawa at pumapatnubay sa kanila. Sila’y namuhay sa pananampalataya kaya’t ang pagbabago at pagpapaganda sa Iglesia ay nagpatuloy.

Sa Pagtatagumpay (1981-2001)
Ang pinasimulang pagpapaganda ng Iglesia noong 1968 ay nagging matagumpay at noong 1993 ito’y tuluyan natapos. Ngayon ito ay isa ng magandang sambahan. Si Sister Juanita Trono Mangiliman ang isa sa ginamit ng Diyos para mapaganda ang kapilya. Humingi siya ng mga donasyon sa mga kapatid na may mga pusong handang magbigay. Ang ilan sa mga kapatid na nakapagbigay ay sina Dr. Nehemias Esguerra, Joey Canlas, Feliza Evangelista Toledano, Magdalena Cruz at marami pang iba.

Sa mga panahong ito, ay mababanaag ang kasiglahan ng mga kaanib sa pagpupuri at lalo pang umigting ang kanilang kasiglahan ng mabuo ang Covenant Singers na naging tanyag sa buong distrito. Ang mga kasali sa grupong ito ay sina Dan Gatdula, Rico Gatdula, Ellen Gatdula Punzalan, Tek Musni, Edna Trono Gatdula, Irene Lorenzo, Josie Trono Pallasigue, Crispina Bernabe, Mary Ann Bernabe, Tita Bermejo, Allan Lorenzo, Alvin Lorenzo at Lani Limiac. Kasabay nito ay nabuo din ang 21st Creation Singers, isang grupo ng mang-aawit na mga lalaki sa pangunguna ni Bro. Dan Gatdula. Ang kanyang mga kasama ay sina Allan Lorenzo, Alvin Lorenzo, Jing Gatdula, Rico Gatdula at si Cyrus Bermejo. Sa taong ding ito kinakitaan nang kakaibang kasiglahan ang mga kabataang ng Iglesia. Sa pangunguna ni Bro. Cyrus Bermejo at Bro. Jing Gatdula ay binuo nila ang Faithful Hearts Singers. Ito’y mga kabataan na nais maglingkod sa pamamagitan ng mga awitin at sila’y nakapaglingkod hanggang sa Pasay Central Church. Kabilang sa grupong ito ay sina Cynthia Razon, Eden Trono, Analiza Trono, Michelle Pilao, Sandra Pilao, Erwin Trono at Joseph Trono.

Mula pa sa pasimula ay ipinakita na ng Diyos ang Kanyang paglingap sa Kanyang mga anak subalit hindi maiwasan na ang bilang ng mga kaanib ay mabawasan dahil ang ibang mga kaanib ay nagsipag-asawa ng hindi kapanampalataya at may ibang tumanggap sa Kanya na hindi malalim ang ugat ng kanilang pananampalataya. At ng dumating ang bagyo ng buhay ay nabunot at tinangay ng hangin sa ibang pananampalataya. Sa mga panahong ito, nagging mabagal ang paglago ng bilang ng mga kaanib dahil na rin sa mga nabanggit. Ang tangi lamang naidaragdag na mga kaanib ay ang kanilang mga anak at naging kasama sa buhay.

Ang mga nanguna sa kapilya bilang Matanda sa Iglesia mula 1938 hanggang sa kasalukuyan ay sina Bro. Nicanor Evangelista, Bro. Ernesto Mangiliman, Bro. Max Tongol, Bro. Allan Lorenzo, Bro. Jaime Manlungat, Bro. Eddie Bulario, Bro. Melvin De Guzman, Bro. Randy Trono, Bro. Reybert Reyes at Bro. Ruben Bermejo. Gayon din naman ang mga manggagawa na nakasama ng mga kapatid dito sa Mexico ay sina Pastor Lorenzo Yutuc, Pastor Ambrocio Alcaraz, Pastor Juanito Tulio, Pastor Eugenio Tangunan, Pastor Avelino Canlas, Pastor Ignacio Hernando, Pastor Jose Leones, Pastor Pascual Alfonso, Pastor Jose Carbungco, Pastor Jesse Sigua, Pastor Israel Bacdayan, Pastor Alfredo Sarmiento, Pastor Carlos Diaz, Pastor Renante Gomez at Pastor Noel Galang. Ang mga naging church pastor na kanilang nakasama ay sina Pastor Dennis David, Bro. Jay Fajardo, Bro. Joseph Roque, Bro. Jimmy Galario, Bro. Val San Pedro, Bro. Anster Calaminos, Bro. Vesper Bulatao, Bro. Melvin de Guzman, Bro. Azer Bisito at Bro. Stephen Aguirre.

Ang pag-ibig at paggabay ng Dakilang Diyos mula sa pasimula ang siyang tatanawin ng mga kaanib at ito ang kanilang magiging inspirasyon upang magpatuloy sa pananampalatayang Adventista na ang saligan ay ang SALITA NG DIYOS.

Sa kasalukuyan ang Iglesia dito sa Mexico ay binubuo ng 50 kaanib at sa pamumuno ng mga matatanda sa Iglesia na sina Bro. Ruben Bermejo, Bro. Reybert Reyes ay sama-sama nilang itataguyod sampu ng mga kaanib ng Iglesia ang tunay na pabalita ng kaligtasan, at umaasa na sa hinaharap sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu maraming nga kaluluwa ang maihahatid sa paanan ng ating Panginoong Jesus.

 
   

Copyright©2003-2006 Mexico Seventh-day Adventist Church