MSP   KGS   LMSP   KAMI-SR   Go DownHOME  
 
     
  KMSR
Email : kmsr_ksa@lycos.com
 
     
 

Pahayag ng Pagkakaisa
ng mga Pilipinong Istranded
sa Kingdom of Saudi Arabia

Statement of Unity of KAMI-SR

 
     
 

Hindi madali ang sumuong sa buhay ng mga tulad naming ‘istranded’

Ang sumuong sa kawalang katiyakan;

Ang magpagala-gala sa loob ng isang dayuhang bansa nang walang makain, walang trabaho, walang matitirhan;

Ang magtago sa mga awtoridad ng dayuhang bansa;

Ang mawalan ng pag-asang makitang muli ang mga mahal sa buhay;

ngunit wala kaming mapagpipilian…

Sapagkat binago ang kontratang pinirmahan sa agency bago umalis sa Pilipinas; hindi nasunod ang isinasaad ng kontratang pinirmahan at kasalukuyang kontratang umiiral; at, hindi katanggap-tanggap ang mga kondisyong ipinapaloob sa bagong kontratang nais pairalin;

Sapagkat hindi binibigyan ng iqama (work permit) at lisensya sa pagmamaneho, kinakaltas sa sahod ang kabayaran nito, at, kinakaltas din ang nagastos sa pagkakapiit at pagmumulta resulta ng kawalan ng mga legal na dokumentong ito;

Sapagkat pinagtatrabaho ng malabis sa oras na itinatadhana na umaabot ng hanggang dalawampu’t apat na oras sa isang araw at hindi binabayaran ang trabahong overtime;

Sapagkat hindi pinasasahod kung hindi man nahuhuli ng ilang buwan ang pasahod;

Sapagkat pinatitira sa mga akomodasyong labis na masikip, walang mahusay na pasilidad, bentilasyon at serbisyo, kung hindi man kinakaltas sa sahod ang kabayaran sa akomodasyon;

Sapagkat hindi ibinibigay ang food allowance, hindi iginagawad ang end of service award, at iba pang mga benepisyong legal at wasto lamang na ibigay sang-ayon sa umiiral na Batas ng Kaharian;

Sapagkat pinipilit na ipa-deport o I-terminate nang walang basehan, gayong may kontratang umiiral o nanalo na sa labanan sa korte;

Sapagkat hindi itinuturing na taong may dignidad, inaalimura, inaabusong berbal at sinasaktang pisikal;

Sapagkat wala o wala nang bisa ang mga dokumento ng pagkakakilanlan (passport at / o iqama);

Sapagkat walang sapat na pag-aasikasong iginagawad upang maagap na maresolba ang mga kasong kinakaharap sa korteng kriminal, nabibinbin sa piitan kahit wala man lamang kasong isinasampa, hindi man lamang dinadalaw sa loob ng piitan at walang abogadong sumasalo sa oras ng detensyon;

Sapagkat walang labor lawyer upang tugunan ang pasikut-sikot ng mga usapin sa paggawa, hindi inaasikaso ang mga papeles kung walang lagay at pamasahe at ibinubulsa ang settlement sa pagitan ng employer at manggagawa,;

Sapagkat walang sentro na magsisilbing kanlungan ng mga kalalakihang ‘stranded’ upang maging silungan laban sa dahas ng init at lamig ng disyerto, maging daluyan ng arugaan at damayan, magsilbing sentro ng komunikasyon;

Sapagkat kapos na kapos ang pasilidad ng kanlungan para sa mga kababaihang ‘stranded’ upang maging ligtas sila sa pagsasamantalang pisikal, berbal at mental;

Sapagkat wala na kaming susulingan maliban sa lakas ng aming pagkakaisa at pakikipagkaisa sa kapwa overseas Filipino workers (OFWs),

Nananawagan kami sa kinauukulan,

Upang pabilisin ang aming repatriasyon, makabalik na kami sa Pilipinas, at, makapiling naming muli ang aming mga mahal sa buhay;

Upang itayo ang isang sentro o welfare center na magsisilbing kanlungan ng mga lalaking nawalan na ng trabaho, ‘runaway,’ may mga kasong kinakaharap sa korte, na pangangasiwaan ng aming hanay, at pananatilihing disiplinado, sustenido at maayos ayon sa lakas ng aming pagkakaisa;

Upang palawakin ang pasilidad ng welfare center o kanlungan para sa mga kababaihan na malaya sa anumang porma ng pang-aabuso - berbal man o pisikal;

Upang mapagsilbi sa interes ng mga OFWs ang Philippine Overseas Labor Office (POLO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang:

- Magtalaga ng mga labor lawyer sa loob ng POLO – OWWA na magsusuri sa mga usapin o kasong kinakaharap ng mga OFW’s, magbibigay ng payo sa mga OFW’s na may na mga kaso, at tutulong sa pagreresolba ng mga kaso nang naaayon sa umiiral na mga batas ng Kaharian ng Saudi Arabia.

- Magbigay ng mga ‘waraga’ o pagpapatunay na ang isang kapwa Pilipino ay kasalukuyang may-kinakaharap na suliranin sa Labor upang magkaroon ng dokumento ng pagkakakilanlan.

- Imbestigahan ang mga ulat ng pangongotong, tuwiran man o di-tuwiran, at mga kaso ng ‘pagbebenta ng kaso’ laban sa mga indibidwal na kagawad ng POLO – OWWA.

- Pawiin ang ugat ng mabagal na aksyon sa pagreresolba ng mga kaso at tiyakin na ang mga kagawad ng POLO-OWWA ay hindi ignorante sa mga batas ng Kaharian, may kakayahang tumulong (competent) at masigasig (hindi tamad) sa pagreresolba ng mga kaso.

- Magbigay ng libreng transportasyon o kaya’y gumawa ng paraan upang maayos at libreng makapagpabalik-balik ang mga kapwa Pilipinong ‘stranded’sa mga pisikal na tanggapan ng POLO – OWWA at ng Embahada ng Pilipinas.

- Maglunsad ng mga outreach program o mga pana-panahong paglabas mula sa opisina ng POLO-OWWA at ng Embahada ng Pilipinas upang makipag-konsultahan sa mga ‘stranded,’ alamin ang kanilang kalagayan at sagutin ang kanilang mga karaingan.

Upang ibasura ang OWWA Omnibus Policies (OWWA Board Resolution No. 038) na naglalagay ng pondo ng OFW sa panganib ng pangungulimbat ng iilang makapangyarihang grupo at indibidwal, at higit sa lahat, naglilimita sa mga serbisyong ibinibigay ng OWWA sa lahat ng mga OFW’s at mga kapamilya pangunahin sa mga katulad naming OFW’s na mahigpit na nangangailangan ng emergency repatriation.

Upang mabigkis ang pagkakaisa ng mga OFWs para sa pagsusulong ng ating mga interes.

Kapatiran ng Migranteng Istranded sa Riyadh (KAMI –SR)

15 Nobyembre 2003
Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia

 
 
MIGRANTE na!
 
     
 
 
  You are
visitor no.
Counter   MIGRANTE Saudi Arabia
Contact Number: +966 57 396 505
Email: migrante_ksa@yahoo.com
  Back to TopHOME  
 
  ©2003 Manila, Philippines. All rights reserved.
The floating layer appearing in this site is a copyright of © Henrik Petersen, NetKontoret.
Articles under MIGRANTS WATCH reposted from © Bulatlat.com.
 
     

Welcome
to the Website
of MIGRANTE
Saudi Arabia

Updated
20 Feb 2004

HOME
MIGRANTE na!
MIGRANTS WORLD
MIGRANTS WATCH
ISSUES
Absentee Vote
Hunger Strike
Scrap OOPs!
MIGRANTE ORGS
KGS
LMSP
KAMI-SR
SAMU'T SARI
Kultura, atbp
In Solidarity