May mga dapithapong bumubulong at umaawit sa akin
hinahatid ang mga alaala sa hangin
hinahabi ang larawan ng babae at inang
mag-isang humarap sa daluyong:
ayaw maghanapbuhay ang bana
tumatanda ang mga bata
ang kita'y singlabo ng putikan
tigang ang palabigasan
at pinasan ang pangamba sa dibdib
sa paglilipos ng pagod at pawis
sa pait ng pagwawalay sa bunso't panganay
upang itawid sa pagdarahop
ang pag-asa ng maayang bukas?
Tinawid ang malawak na pampang upang
gampanan, tradisyunal na papel
sa tahanan, bagaman,
swelduhan ng among dayuhan:
yaya, tubera, kusinera,
sekretarya, dyanitres, weytres
mayordoma, labandera, plantsadora
at kung anu-ano pa
tulad nina Flor, Delia at Sarah
at maraming marami pa
bagamat kaiba sa kanila
ipinag-aadya ka pa pala.
May mga dapithapong
bumubulong sa hangin
inaawit ang tanging hiling:
uuwi na ako, bunso,
ang landas patungo sa atin
iyo nang hawanin
~ 28 Abril 1996
|