Mahigpit na tinututulan ng MIGRANTE International
at MIGRANTE Sectoral Party ang implementasyon ng bagong labas
na Omnibus Policies ng Overseas Workers Welfare Administration
(OWWA) na ipinagtibay ng Board of Trustees nito sa pamamagitan
ng palihim na pagapruba ng Board Resolution No. 038 noong
Setyembre 19, 2003.
Ginawa ang nasabing patakaran upang lubusin ng gubyerno ang
kontrol nito sa pondo ng mga migrante sa ibayong dagat at
maipatupad nang walang hadlang ang kanyang maitim na balak
sa nasabing pondo. Mula ng pagpasok ng kasalukuyang taon,
ibat ibang iskema ang tinangka ng pamahalaan na ipatupad
sa mga pondo sa OWWA.
Una rito ang paglipat ng OWWA Medicare Fund sa Philhealth
sa pamamagitan ng palihim na pagpirma ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo sa Executive Order 182 noong Pebrero 14,
2003. Ngunit dahil sa mainit na protesta ng mga migrante,
nabigong ilipat ang nasabing pondo noong Hulyo 1 hanggang
sa kasalukuyan.
Sa pamumuno ni Labor Secretary Patricia Santo Tomas, tinangka
rin ilusot sa OWWA Board of Trustees ang isang resolusyong
maglilipat sa Livelihood Program ng OWWA tungo sa National
Livelihood Service Fund (NLSF) sa ilalim ng Office of the
President. Ngunit bagupaman maisahapag sa board meeting ang
nasabing panukala, maagap nating kinondena ang nasabing iskema.
Hindi rin maipaliwanag nila Secretary Sto. Tomas at OWWA
Administrator Virgilio Angelo ang pagsuspindi nito sa General
Financial Assistance Program (GFAP) ng OWWA sa mga galit na
migrante sampu ng kanilang pamilya.
Lalong nataranta sina Sto. Tomas at Angelo nang mag-backfire
sa kanila ang pinakulo nilang anomalya na diumanoy may
fake claimants sa Medicare fund na aabot sa P10 milyon.
Kaagad nating hinamon si Angelo at si Sto. Tomas na patunayan
ito, gayundin din ang pag-imbestiga sa US$253,500 (P11,407,500)
pondong inilaan kay General Roy Cimatu. Ang nasabing pondo
ay para sana sa malawakang pagpapalikas (massive evacuation)
ng mga Pilipinong migranteng manggagawa sa Gitnang Silangan
noong gyera ng US sa Iraq.
Walang naganap na evacuation, wala na ring ginawang accounting
at liquidation si General Cimatu at wala ring paliwanag
hanggang sa ngayon kapwa si Sto. Tomas at Angelo. Dahil sa
mga sunod-sunod na kapalpakang ito, naglabas naman sa ngayon
sina Sec. Sto. Tomas at Admin. Angelo ng Omnibus Policies
na kapapalooban ng kanilang mga iskema na hindi nila magawa
noong una.
Ang mga pakanang ito ay mga sumusunod:
1. Nililimita ang membership ng bawat migrante sa bawat kontrata
na hindi lalampas ng dalawang taon. Ibig sabihin, tanggal
na sa membership list ang mga returned migrants at kung ma-terminate
ka matapos ang 3 buwan, hindi ka na rin myembro ng OWWA.
2. Limitasyon ng coverage ng mga benefits lalot higit
sa mga pamilya. Sa Article VIII ng Omnibus Policies
tanging Family Assistance Loan at Education and Training Benefits
lamang ang nilalaan sa pamilya habang kahina-hinalang wala
ng nababanggit hinggil sa Medical Assistance.
3. Peligroso ang Section 3 ng Article VI na
nagpapaliwanag hinggil sa General Investment Policy.
Malaki ang posibilidad na sa nasabing probisyon ay muling
gamitin ang Trust Fund ng mga migrante sa mga kagaya ng R-II
Builders, PNB bonds, at sa iba pang bangkaroteng Government-Owned
and Controlled Corporations (GOCCs).
4. Delikado rin ang Section 8 ng Article VII na nagbibigay
kapangyarihan sa Board of Trustees na i-realign ang pondo
sa hindi malinaw na mga hangganan.
5. Sa Section 6, provision (a) ng Article VIII malinaw
na tumatakas sa responsibilidad ang OWWA sa tungkulin nitong
i-repatriate ang mga migrante sa pamamagitan ng Omnibus Policies.
Ang probisyon sa RA No. 8042 hinggil sa repatriation ay pangunahing
nakasalalay sa mga migrante mismo at pangalawa lamang sa recruiter.
Sa nasabing batas ang responsibilidad ng gobyerno sa repatriation
ay nalilimita lamang sa panahon ng sakuna, epidemya at mga
giyera.
6. Malabo rin ang Section 6, provision (b) ng Article
VIII na inililipat sa DOLE ang implementasyon ng reintegration
program at kawalan ng linaw sa proseso hinggil sa Livelihood
Loan.
7. Sa Section 4 ng Article II binabanggit na magiging
transparent ang OWWA sa pangangalaga nito ng pondo. Ngunit
sa Section 5, provision (h) ng Article III, sinasabi
naman na lahat ng minutes, transcripts at tapes ay confidential
at hindi maaring ipaalam sa publiko. Malinaw na gagawing ligal
ang mga pagpapatupad ng patakaran na palihim at walang konsultasyon
sa mga migrante at kanilang pamilya.
8. Sa Article III, malinaw na ibabaon na ng Omnibus
Policies ang huling pako para maging ganap ang kontrol ng
pamahalaan sa pondo at tuluyan nang burahin ang pagiging quasi-government
institution ng OWWA na pinatatakbo ng mga trust fund mula
sa dugo at pawis ng mga migrante sa ibayong dagat.
Ang mga representative mula sa management, labor, sea-based,
land-based at women sectors ay mananatiling palamuti lamang
habang ang mga ito ay appointed ng DOLE secretary.
Sa pangkalahatan, ang Omnibus Policies ay paglulusaw sa nalalabi
pang karapatan ng mga migrante sa kanilang inipong pondo.
Ganap na iniiwas din ng patakarang ito ang pamahalaan sa kanyang
tungkulin na pangalagaan ang kapakanan ng migrante at kanilang
pamilya at ipinapasa ito pangunahin sa mga migrante mismo.
Lulubusin din ng patakarang ito ang paggamit ng mga pondo
sa OWWA sa ibat ibang paraan maging ito ay walang kinalaman
sa kapakanan ng mga migrante at kanilang pamilya.
Ibasura ang OWWA Omnibus Policies
Isulong ang Tunay na Maka-Migranteng OWWA Charter.
Dahil dito, kami ay nananawagan na ibasura ang Omnibus Policies
ng OWWA at palitan ito ng isang maka-migranteng charter na
magtataguyod sa kanilang tunay na interes. Sa ilang mga partikular,
ang charter na ito ay lalamnin ng mga sumusunod na probisyon:
1. Ang membership fee ng mga migrante sa OWWA ay dapat
sa mga employer sinisingil. Ang sinumang mapapatunayang
ipinapasa ang pagbayad ng membership fee sa mga migrante mismo
ay dapat patawan ng karampatang parusa.
2. Habambuhay (Lifetime) dapat ang membership. Maaring
i-revoke ng migrante ang kanyang membership sa layuning makuha
ang kanyang membership fee, kasama ang naging interes nito.
3. Higit na masaklaw na benefits at welfare services sa
migrante at/o sa kanyang pamilya. Ang proseso ng pag-claim
ng mga serbisyo at benepisyo ay hindi dapat maging dagdag-pahirap
sa nangangailangan sa pamamagitan ng red tape at malalang
burukrasya. Lalot higit na hindi pwedeng suspindihin
ang mga nasabing programa sa lahat ng pagkakataon.
4. Mas malawak na komposisyon ng OWWA Board of Trustees.
Ang komposisyon ng OWWA Board of Trustees ay dapat lahukan
ng mga sumusunod: mga Chairperson ng Committee on Labor ng
Senado at Kongreso; isang Commission on Audit (COA) representative;
Party-list representative ng Overseas Workers; Party-list
representative ng Labor; Partylist representative ng Women;
at dalawang (2) seabased at apat na (4) land-based representatives
na ihahalal sa pamamagitan ng Overseas Absentee Voting. Dapat
nang tanggalin sa board ang mga secretary ng Department of
Finance at Department of Budget and Management, ang Undersecretary
of Labor and Employment at mga appointive sectoral positions.
5. Badyet ng OWWA mula sa pamahalaan. Upang maipakita
ang bahagi ng responsibilidad ng pamahalaan sa kapakanan ng
mga migrante, ang kalahati ng taunang budget ng OWWA ay nararapat
na magmula sa taunang General Appropriations Fund ng gobyerno.
6. Palawakin ang mga on-site services. Dapat din palawakin
ang saklaw ng mga on-site services lalo na ang mga programa
sa repatriation at legal assistance.
7. Pagkakaroon ng sistema ng recall. Kailangang magkaroon
ng sistema ng recall sa mga bumubuo ng Board of Trustees kung
mapapatunayang ito ay hindi nagsisilbi sa interes ng migrante
at ng kanilang pamilya.
8. Ibalik ang OWWA bilang quasi-government institution.
Dapat ibalik ang katangian ng OWWA bilang quasi-government
institution na protektado mula sa pakikialam at pangungulimbat
ng mga opisyal ng gobyerno, mga politiko, partido-politikal
at iba pang makapangyarihang indibidwal.
Magkaisa Para sa Isang Makamigranteng OWWA
Charter!
Iligtas ang pondo ng mga migrante at kanilang
pamilya!
Ilantad ang mga iskemang kontrolin ang pondo
ng mga migrante!
Ibasura ang Omnibus Policies ng OWWA!
MIGRANTE Sectoral Party
Oktubre 2003
|