Opinyon: Propaganda at Kontrobersiya Sa Pagitan ng Mayayaman at Mahihirap


Hindi Dapat Tinatanong Kung Matalino Si FPJ o Hindi
(isang babasahin para sa masa na sinulat ni yulz email: yulzpinoy@yahoo.com)

Hindi dapat tinatanong kung matalino si FPJ o hindi. Ito ay mali at naglalayon lamang na sirain ang reputasyon ng isa namang mabuting tao. Ang dapat na itinatanong ay kung ano ang angking kakayahan ng bawat kandidato na mamuno ng bansa na nakatuon sa mga mahahalagang isyu sa lipunan. Ito ang dapat na ipinapaliwanag sa bayan. Kaya marahil pinapasaringan o direktang binabatikos ni Ginoong Roco at iba pa si FPJ ay sapagkat ito ay maaring hindi malinaw. SI FPJ ay hinahangaan ng marami, ngunit marami rin namang mga mamamayan ang naghahanap ng mga kanais-nais na katangian na kailangan sa isang matagumpay na pamumuno ng bansa. Ikaw ba ay isang tagahanga lamang?

 

Bago pa dumating ang araw ng eleksyon, kailangang malaman ng taong-bayan kung anong mga government policies ang ipatutupad kung sakaling mahalal ang isang kandidato at kung ano ang paninindigan nito sa mga isyu ng bansa. Ito ang dapat na nabibigyan ng linaw upang huwag namang magulat ang ating mga mamamayan. Bobotohin nga ang kandidato at pagkatapos ng eleksyon ay ano ang gagawin?

 

Ano ang kahihinatnan ng bansa kung ang kampanya ay naka-focus sa mayayaman laban sa mahihirap, sa edukado laban sa walang nalalaman, at ilan pang mga walang kabuluhang propaganda?

 

Bakit sensitibo at importanteng malaman ng taong-bayan ang isyu tungkol sa propaganda na nakatuon sa mayaman kontra mahirap na siyang isa sa mga ginagamit upang mabagabag ang emosyon ng masa mula sa kampo ni FPJ? Sa tanong na ito, mahalaga na maitanim sa isip natin na hindi ang katauhan ni FPJ ang sentro ng usaping ito.

 

Malayong-malayo ang realidad sa mga eksena sa pelikula. Sa totoong buhay, mayroong napakahalagang relasyong pang-ekonomiya ang mahihirap at mayayaman taliwas sa madalas na kwentong pang-aapi at alitan ng mahihirap at mayayaman sa ilang palabas sa telebisyon.

 

Kung ikaw ay isang dayuhang negosyante na handang mamuhunan sa bansa at napanood mo ang news clip sa CNN kamakailan lang na binabalita si FPJ, isang aktor katulad ni Erap na tumatakbo sa pagkapangulo at may maganda raw na rating sa "survey", ipagpapatuloy mo ba ang plano mong investment sa Pilipinas o ipagpapaliban mo? Bakit? Nakalulungkot mang isipin, negatibo ang implikasyon ng balita. Ngayon pa lamang ay alam na natin na meron na diyang mga nagdadalawang isip na mga foreign investors.

 

Bakit pa natin kailangan ng foreign investment? Ang mga investors ay patuloy nating hinihikayat na maglagak ng puhunan sa Pilipinas at magtayo ng mga negosyo upang ng sa gayon ay magkaroon ng trabaho ang napakarami nating mga mamamayan. Ano ang senyales na ibinibigay natin sa kanila sa isyu ng mayaman kontra mahirap? Mabibigyan ba ng ganitong pamahalaan ng trabaho ang masisisante kung sakaling mawalan ng kumpyansa ang mga investors na ito at lumisan ng bansa? Ilan sa kanila ang maaaring bawiin ang intensyon na mamuhunan sa Pilipinas?

 

Kung walang mga negosyanteng nagpapatakbo ng kalakal, ano ang kahihinatnan ng mga industriya? Ilan ang mawawalan ng trabaho at ano ang gagawin ng ganitong pamahalaan upang mabigyan ng solusyon ang siguradong papataas na unemployment rate?

 

Ang pamumuhunan ay isang realidad sa larangan ng ekonomiks. Ang pangangailangan ng puhunan ay kailangang-kailangan upang sumulong ang infastructure at reforms initiaitive ng isang pamahalaan.

 

Ang China na mula sa pagiging isang bansang komunista ay isa nang bansang kapitalista bagama't ito ay authoritarian. Bakit sa palagay ninyo? Sapagkat nangangailangan din sila ng puhunan, kung hindi ay patuloy sa pagdarahop ang kanilang mga mamamayan.

 

Bakit nabuwag ang komunismo sa USSR noon at napalitan ng ilang mga kapitalistang mga bansa? Hindi ba't ekonomiya rin ang dahilan at kailangan nila ng puhunan?

 

Napanood ba ninyo ang Prime Minister ng Japan na si Ginoong Koizumi sa isang commercial advertisement na humihikayat ng mga dayuhang mamumuhanan para sa bansa nila? Bakit sa palagay ninyo?

 

Oo nga't meron tayong mga lokal na negosyante na namumuhunan para sa mga sari-sarili nilang mga negosyo, ngunit ito ay totoong hindi sapat. Isang magandang layunin ng plataporma ng isa ring kandidato sa pagkapangulo, si Bro. Eddie Villanueva, ay ang pagpapalakas ng maliliit na mga negosyo at pagpapatayo ng mga regional economic centers. Ito ay isang prioridad na dapat pagtuunan ng pansin ng bawat gubyerno at ng bawat kandidato. Sa progresibong Taiwan ang mga maliliit na negosyo ang backbone ng kanilang ekonomiya. Tularan natin ito.

 

Ngunit kung walang teknolohiya na maiaangkat o maisasalin sa mga Pilipino mula sa mga dayuhan, ang pagiging progresibo ng bansa ay maaaring matagalan bago mangyari. Patuloy tayong mag-aangkat ng mga makinarya at kagamitan na wala dito sa atin o wala tayong kakayahang i-manufacture. Ito ang isa sa mga dahilan kung kaya ang cost of production ay mas mataas. Kung mataas ang gastusin sa produksyon, ano ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin? Kung mataas ang presyo ng bilihin, sino ang mas apektado ang namuhunan o ang mga konsumer? Ang konsumer ang mas apektado sapagkat ang mas madalas na mangyayari ay ipapatong lamang ito sa mga presyo ng bilihin kung ang mga produkto na ito ay hindi naman regulated.

 

Isipin ninyo ito... sa kampanya ngayong eleksyon, pansinin ninyo ang pinag-iigting na emosyon ng mga nakararaming mahihirap laban sa mga mayayaman para lamang makakuha ng boto. Pagkatapos ng halalan, kanino sa palagay ninyo lalapit ang kandidatong ito, sampu ng mga pulitikong nagpapagalaw sa kanya, upang mabigyan ng hanap-buhay ang napakaraming manggagawa? Kanino rin sila lalapit upang magkaroon ng mga investors dito sa bansa at ng makapagpasok ng makabagong teknolohiya at makadagdag ng trabaho sa maraming wala nito?

 

Kung walang namumuhunan na makakapagbigay ng trabaho, ano ang saysay ng pagpapagal ninyo para lamang makapagtapos ng pag-aaral ang inyong mga anak gayong taon din ang bibilangin na wala silang makukuhang trabaho?

 

Mayroon bang pangangailangan ang mga simpleng tao na katulad natin sa mga may kakayahang mamuhunan? Sa palagay ba ninyo kung wala sila ay kaya nating magkaroon ng mga disenteng trabaho para mayroon tayong ipakain at ibihis sa mga anak natin?

 

Mag-abroad na lang? Ganoon din po iyon. Dahil sa kakulangan ng namumuhunan sa bansa at kakulangan ng suporta ng pamahalaan, nangingibang-bansa na lamang ang ilan sa ating mga kababayan sa mga bansang mayayaman sapagkat walang sapat na trabaho sa Pilipinas na may mataas na pasahod.

 

Tapos nga ng kolehiyo o ng high school, napakahirap namang maghanap ng trabaho para naman makatulong sa mga magulang. Kung meron mang dapat na bigyan ng kaukulang programa, ito ay ang pagpapatibay ng mga lokal na negosyo at paghihikayat ng mga investors, local man o dayuhan, na higit pang mamuhunan para sa ikauunlad ng bansa nang sa gayon ay may maaninag na pagkakataon ang nakararami na magkaroon ng maganda at nakabubuhay na trabaho. Ito ang layunin ng mga bansang umaasenso at nagnanais na mapanatili ang mataas na antas ng pamumuhay ng mga mamamayan nila. Sila and ating halimbawa. Lagi nating tatandaan na ang bansang walang namumuhunan o iilan lamang ang naglakas-loob na mamuhunan ay isang bansang nagdarahop at patuloy na magdarahop sa pananalapi katulad ng ilang bansa sa timog Amerika.

 

Huwag nating bigyan ng isang mabigat na dahilan ang mga investors upang tuluyang mawalan ng tiwala sa ating bansa dahil iyan ang higit na magpapahirap sa ating bayan dahil sa kakulangan ng mapapasukang trabaho ng mga manggagawa.

 

Masalamin kaya natin ang mga bagay na ito para sa kapakanan ng ating mga anak at magiging anak ng ating mga anak?

 

Huwag nating hayaan na sirain ng isang maling propaganda ang economic relation natin sa mga posibleng mamuhunan sa bansa. At higit sa lahat ay huwag tayong maiimpluwensiyahan ng ganitong klaseng propaganda... mayayaman laban sa mga mahihirap... mahihirap laban sa mga mayayaman.

Marahil ngayon ay nakita na ninyo sa isang simpleng salaysay ang relasyong pang-ekonomiya na maaaring makaapekto sa ating pamumuhay. Ngayon pa lamang ay mag-isip na ang bawat isa. Habang hindi pa tayo nakakapagsulat ng ating bobotohin sa kani-kaniyang balota ay maitutuwid pa natin ang naging mali nating paniniwala na binulag ng isang maling propaganda. Bilang pagtatapos, mag-isip mabuti at bumoto ng tama... dito nakasalalay ang tibay ng ating ekonomiya.

<-end->

Maging kabahagi ng muling pagtataguyod ng nga nasirang pundasyon ng ating bansa na sinira ng walang tigil na korapsyon at kawalan ng moralidad. Pagtulungan nating itaas ang antas ng buhay na magsisimula sa tamang liderato at HINDI sa popularidad ng isang kandidato! ...IBOTO ang walang nakapaligid na tradisyonal na mga pulitiko para sa mga kritikal na desisyon ng bansa. ... IBOTO ang TIYAK na hindi mangungurakot at hindi maglulustay ng kaban ng bayan!

Iboto si Bro. Eddie Villanueva ang pinaka-qwalipikado na maging pangulo ng bansa (binase sa interbyu at analysis ng Personnel Management Association of the Philippines o PMAP).

Para sa iba pang mga sinulat ko sa mga on-line forums na may relasyon sa mga maralita, i-click mo dito.