-- post mental --
from Sa Mga Kuko ng Liwanag
Gusali
Sa simula, siya'y isang kalansay na nakatalanlan sa hangin. Isang matayog, buhaghag na bunton ng patapong mga piraso ng tablang gato, mabukbok, mabitak, masalubsob, pilipit, kubikong, na pinagpaku-pako nang patayo, pahalang, patulibas, kabit-kabit nang walang wawa, tulad ng kahig-manok sa lupa, at dito'y sisingit ang mga tadyang na bakal at ang mga yero at mga playwud at mga lawanit upang saluhin ang buhos ng labusaw na halo ng tubig, graba, buhangin at semento, at ang malabsang sangkap ay sisiksik at titigib sa hulmahan, matutuyo, titigas, yayakap sa mga tadyang na bakal at bitukang tubo. Bawat buhos ng malabsang sangkap ay karagdagang laman ng kanyang katawan, karagdagang guhit sa tutunguhing anyo. Unti-unti mapapalis ang mga kalansay na kahoy, kasabay ng unti-unting paglapad at pagtaas ng katawang konkreto. Kikinisin siya, dadamitan ng salamin, tisa, marmol at pormika, hihilamusan ng kulay upang umalindog ang kanyang balat. At sa kanyang ganap na pagkaluwal ay bibinyagan siya, at ang pangalan niya'y iuukit sa tanso.
Sa simula, siya's isang kalansay na nakatalalan sa hangin. Pagyayamanin siya, maglalaman at lulusog sa dilig ng pawis at dugo. At siya'y matatayo nang buong tatag, lakas at tibay, naghuhumindig at nagtutumayog sa kapangyarihan, samantalang sa kanyang paanan ay naroon at lugmok, lupaypay, sugatan, duguan, nagtingala sa kanyang kataasan, ang mga nagpala sa kanya.
Sa simula, siya'y isang kalansay na napahahabag, at nagwakas na isang makapangyarihan, palalong diyos.
...
Nawawala: Alamat ng Isang Estero
Estero Sunog-Apog.
Bakit Sunog-Apog?
Isang araw isang hangal ang pangungunutan ng noo, at siya'y
magtatanong at siya'y magpapatid ng sapot sa yungib ng mga alaala.
Nahan ang iyong alamat? At siya'y manlulumo.
Walang nagmamalasakit, kayat walang umaawit, sa alamat ng isang
estero.
Ngunit sa kung-saan ay may isa pang nakakabatid, isang
huklubang nakaabang na sa datal ng gabi. Kung siya'y aabutan bago
siya makapaglayag sa dilim, siya'y makapagsasabi, at marahil ay
sasabihin niya:
Sa pampangin niyan tinutupok, noon, ang kapatid ni Bunga, anak
ni Ikmo, at apo ni Maskada.
(These passsages introduce Chapters 1 and 4
of Edgardo M. Reyes' novel Sa Mga Kuko ng Liwanag. The
pictures are taken from the cover of the book published by theDLSU Press.)