-- post mental --
from Si Tatang at iba pang Himala ng ating Panahon
Servando Magdamag, an earlier work excerpted here, is one of
Ricky Lee's most
difficult stories to read. In an interview Lee said, "Ang Servando
ay hindi dapat iniisip at pinipilit intindihin. Parang
lumulusong ka lang sa ubig. Hayaan mong ang mga alon ang gumawa
ng trabaho. Kung di ka man makasuot sa pinakaibuturan ng dagat
ay mababasa ka't lulutang at least."
Kabilang sa mga Nawawala, his latest short story, came out in
1988.
from Servando Magdamag
Kasabay ng pagbatingaw ng hatinggabi ng lumang orasan sa ibaba ng silid ay itinalukbong niya sa buong katawan ng lolo niya ang puting kumot (utang na loob, lolo, pabayaan na ninyo akong makaalis), saka pinilit niyang huwag pansinin ang nakikita sa paligid ng kanyang mga mata: nakatutop sa dibdib ang mga kamay ng mga kaluluwa sa gilid ng kama habang nakikiramdam sa gagawin niya. Saaka naramdaman niyang umusad pataas sa balikat niya ang kamay ni Belinda; niyakap na rin niya ito, habang nagsasayaw na ang mga luha ng galak sa mata nito, habang idiniriin niya sa kamalayan na ang mga nasa may kama'y mananatiling mga kaluluwa at ang nasa kama'y mananatiling bangkay. Saka dinaluhong niya ang munting baul sa ilalim ng kama, inilabas doon ang makapal na aklat-kasaysayang sinulat ng kanyang lolo, at saka habang sapup ng dalawang kamay ang napakabigat na aklat, nilisan nila ni Belinda ang silid.
Parang dalawang batang bagong laya sa matagal na pagkawala sa isang kagubatan ay tinakbo nila ang pasilyo. Belinda, madali, Belinda, madali, habang sa karimlan ay muling nagsimula ang pag-alingawngaw ng mga tinig at pag-aahunan ng mga bisig na nag-uumabot sa kanila, ayaw silang paalisin. Kunuha ni Belinda sa kanyang silid ang kanyang maleta't pamuli silang nakipaghabulan sa kanilang mga anino, habang ang mga daga't butil ng karimlan ay nagkakaingay na sa paghabol sa knaila, at ang knayang ulong muli na namang binabalikwasan ng sinat nito't sakit ay nag-uumikot na sa pagkahilo't halos mapadukmo sa napakabigat na aklat-kasaysayang dala-dala niya. Huwag kang lilingon, huwag kang lilingon, ulit-ulit niyang usal sa sarili sapagkat alam niya sa pinakakaibuturan ng kanyang yanig na dibdib kung ano ang makikita't maririnig sa dinaraanang silid at pasilyo: mga daing at sigaw-pasaklolo ng mga alilang babaing nilulunod lamang ng pag-ingit ng kama, mga hikbi ng kanyang Tiya Dencia na di- malauna'y magiging sigaw ng panunumbat. Huwag kang lilingon, huwag kang lilingon, at ang mga larawan at tinig na iniiwan ng kanyang tumatakas na kamalaan ay napakarami't nagkalat na sa pasilyo sa dilim, nagsambulat at nangakataas-bisig at nagpupumilit makaabot-hawak maging sa laylayan man lamang ng kanyang pantalon: isang gulanit na kurbata sa lupa, silyang umuugoy sa harap ng buwan, bukol sa pigi ng kanyang lolo, ripleng duguan sa hagdan, bibig ng isang gurong wala nang tinig ay patuloy pa rin sa kabubuka-kasasara. Huwag kang lilingon, huwag kang lilingon, hingal niyang usal habang sumasapt na sa kanyang parang isang kagubatan ng bango ang samyo ng bangkay ng kanyang lolo at kasabay sa pagtuntong niya sa unang baitang ng hagdang bato ay narining niya ang malamig na tinig, alanganing nanggaling sa kanyang sariling dibdib (nasaklot niya tuloy ang dalang aklat) o nanggagaling sa kanyang likuran; humihibik na tinig, nagsusumamo, nagsasabing saan ka pupunta, iho, alam mong di ka makakaalis kailanman, di tayo maaaring magkahiwalay sapagkat tayo'y iisa: at kasabay sa paghigop niya ng paghinga'y napagtanto niyang walang saysay ang lahat, ang pagsilang niya'y siya rin niyang pagbulusok pakulong sa kanyang nakalipas; at lumingon siya, sandali lang, sapagkat pagod na siya sa kung anumang laro o labanan o ritwal itong kinasuungan niya nang siya'y isilang, nakanganga pa ang bibig na lumingon; at huli na nang tangkain niyang kumapit sa bisig ng napasigaw na si Belinda, nawalan na ng panimbang sa hangin ang kaliwang paaa niyang nadulas sa natuntungang riple (dugo ba iyon?) sa baitang ng hagdan, at kasabay sa pagbulusok niyang ahulog, ngatal pa rin ang mga kamay na ayaw kumawala sa yakap-yakap na aklat, ay narinig niya, sa kauna-unahang pagkakataon, ang musika ng kasaysayang hinabi ng kanyang lolo. At kasabay sa pagkabagok ng ulo niya sa sementong sahig at sa pagkalasa niya sa magkasanib na luha at dugo sa kanyang mukha ay nalaman niya kung sino siya, at pagod na siya, wala na siyang lakas pang tumutol sa isang kalahatang ngayon lang niy naunawaan, sakawalang-katarungan ng pagbabayad niya't pagkakakulong sa isang kahapong di naman niya pinili, at ito ang pinipilit niyang isatinig, nagpipilit pa ring bumuka ang bibig na nakatingala ang luhaang mukha, s apatakbong damadalong na si Belinda.
...
from Kabilang sa mga Nawawala
6. Materyal din ba Ako?
Dante ang pangalan ng kaibigan ng ina niya. Payat, mabait at
laging parang may nagbabantang ngiti sa mga mata. Sa hardin sila
nag-uusap.
Ganito ang kanilang mga napag-usapan.
"Di ko pa rin maintindihan kung paano ka nawala."
Ewan ko rin ho e. Pero ngayon ay nasanay na ako. Sana lang ay matanggap ako ng iba.
"Mahihirapan sila."
Ba't kayo, natanggap n'yo ako?
"Malaki ang tiwala ko sa lola mo. At isa pa, ang nangyari sa'yo'y puwede nating tingnan batay sa sinabi ng isang kilalang theoretician, si Engles. Sabi niya, lahat ng bagay sa lahat ng panahon aya ng sarili nito at hindi ang sarili nito."
Anong ibig niyang sabihin, parang impersonator?
Natawa si Dante. "Hindi. Ibig kong sabihin, ikaw halimbawa, habang nakatayo ka dito sa harapan ko, ikaw ay ikaw pero hindi na talagang ikaw. Bawat segundo ay nagbabago lahat ng bagay sa loob ng katawan mo. May pumapasok na elemento sa'yo at may lumalabas. May nawawasak at may nabubuo. Lahat ng bagay sa buong mundo ay patuloy na nagbabago."
Sumobra naman yata ang pagbabago ko.
Natawa uli si Dante.
"Nagbabago ang isang bagay depende sa kapaligiran nito. Halimbawa ang tubig, kapag sobrang mainit ay nagiging vapor, kapag malamig ay yelo."
Baka kaya ako nawala. Somobra ang init.
Natawa si Dante. "Pero anuman ang nangyari sa'yo, Jun-Jun, hindi ka kathang isip, materyal na bagay ka pa rin."
Materyal na bagay?
"Lahat kasing bagay ay materyal na bagay. Walang nag-i-exist sa imahinasyon o isipan lang. Lahat ay may basehang materyal. Kagaya ng hangin, maski di nakikita alam nating materyal 'yan. Reyalidad 'yan."
Reyalidad ako!
"Oo." At saka ipinagpatuloy nito kung bakit mulang pagkabata'y lagi na itong kasangkot sa pakikipaglaban para sa kapakanan ng ibang tao. Maski ngayong umano'y wala na ito sa hukbo'y kasali pa rin ito sa anumang bagay na tumututol at lumalaban sa anumang uri ng pang-aaping bumabawas sa pagkatao ng isang tao. Dahil naniniwala itong sa mundo lahat ng bagay ay magkakakabit. Walang nag-iisa o hiwalay. Kaya mahalaga ang pakikisangkot.
Inakbayan siya ni Dante, at naamoy niya ang makalupang kasaysayan ng isang buong buhay ng pakikihamok para sa maliliit: lahing lupa ito, nabuhay sa pagbubungkal ng bukid, nagsakada, nagtatag ng hukbong kilusan ng mga nagpapatulo ng pawis, isdang lumalangoy sa masa, kaibigan ng apy at tubog at ibon at mga punongkahoy. Minsa'y nasukol ito at ang mga kasamahan sa tubuhan. Sinunog ng mga sundalo ang tubuhan para mapalabas sila. Hinanap ni Dante ang direksiyon ng hangin at saka sinunog ang isang bahagi ng tubuhan. Gumawa ang apoy ng isang malaking kurbang siyang nagkanlong sa kanila.
"Dahil lahat ng bagay," patuloy nito ngayon, "ay puweden gkaaway o kaibigan, depende sa pinapanigan mo."
Ayaw nila akong tanggapin. Kung kayo ho ba ang nasa lugar ko, anong gagawin n'yo?
"Pag-aralan mo ang iyong kasaysayan."
Naku, history, bagsak ako diyan sa eskuwelahan.
"Kung di mo alam kung saan ka nanggaling ay paano malalaman kung saan ka pupunta?"
Alam ko na ho ang kasaysayan ko. Ang hinahanap ko na lang ngayon ang Inay ko.
"Baka naroon ang sekreto ng pagkawala mo."
(Before Ricky Lee wrote screenplays, he was a journalist and
short story writer. His
excellence in writing groundbreaking film stories are
already reflected in his early fiction though, with their kilometric
sentences, disjointed narrative and sudden shifts in perspective.
The header picture is taken by Richard Gomez and the black and white headshots by Chanda Romero. )