Sa ngayon ay hindi pa naman ito nangyayari ulit. Ang debt cancellation o debt forgiveness naman ay binibigay ng mga bansang mauunlad at kung sabihin nga ay "naaawa" sa mga bansang hindi pa maunlad. Hindi ito basta ginagawa kundi may hinihingi ring kapalit ang mga bansang ito.
Marso 1989 ng magpadala ang IMF ng mga kinatawan upang makipagkasundo hinggil sa 1.3 bilyong dolyar na ipapautang nila sa ating bansa. Kapalit ng halagang ito ay nagpalabas ang ating gobyerno ng isang Memorandum on Economic Policy (mas kilala bilang Letter of Intent o LOI) na naglalaman ng ilang pagbabago sa mga patakarang pang-ekonomiya upang masiguro ang pag-unlad ng bansa.
Sa Kasalukuyan…
Ayon kay Cynthia Marcelo, manager ng International Operations Department ng Bangko Sentral, ay normal lamang ang pagtaas ng ating utang na panlabas. Ito ay dahil na rin sa isa tayong bansang papaunlad pa lamang, kaya ang pangungutang ay hindi natin maiiwasan. Maraming proyekto ang ating bansa na nangangailangan ng malaking halaga. At magkakaroon lamang tayo nito sa pamamagitan ng pangungutang.
Katulad ng pangungutang ay may proseso din ang pagbabayad. Ang prosesong ito ay napagkakasunduan na bago pa man mapautang ang isang bansa. Kaya naman hindi malaking problema ang pagbabayad dahil sa hindi naman tayo papautangin ng hindi natin kayang bayaran. Ngunit may ilang pangyayari ang wala tayong kontrol tulad ng mga kalamidad kaya hindi rin maiiwasan kung minsan na sumobra tayo sa limitasyong binibigay sa atin ng mga creditors.
Bago aprubahan ang isang loan o utang, inaalam ng mga creditors o nagpapautang kung saan gagamitin ang halaga, tinatanong nila kung magkano ang total receipts---dollar earnings at dollar payments, at sinisigurado rin nila kung may kakayahan tayong bayaran ang halagang uutangin. Ibig sabihin, hindi basta-basta ang pangungutang.