Ang mga sumusunod ay ang sagot ng The Bereans sa pamamagitan ni Justyn sa
isang nagsusuring nag-ngangalang Caloy
________________________________________________________________
The Bereans:
Ngunit kung iyo lamang pag-aaralan ang istilo ni Soriano sa pakikipag-debate
sa mga sumasalungat sa kanyang katuruan ay masasabi nating ito'y lumalabas
na "away-bata." Ito ay sa kadahilanang lumalabas sa kanyang mga
bibig ang salitang "Talo ka na! Talo ka na!" na hindi dapat na
manggaling sa kanya bagkus ay hayaan na sana niyang makapag-isip at
makapag-desisyon ang mga tao kung sino sa magkabilang panig ang tunay na may
ebidensiya tungkol sa katotohanan.
Caloy:
Sa palagay mo ba kung sinasabi ito ni Mr. Soriano ay hindi na makapag iisip
ang mga taga subaybay? Sa tingin ko kasi, nag lalagay lamang ng
ganitiong sitwasyon si Mr. Soriano kapag may kamalian na syang nakikita na
ipinipilit ng kanyang kadebate. Nasa mga sumusubaybay na lang yan ng
isang nagsusuri.
The Bereans:
Naniniwala akong mas marami sa mga nanunuod at nakikinig sa programa ni Soriano
ang pawang naaaliw at natatawa lamang sa paraan ng kaniyang pakikipag-debate sa
kaniyang mga katunggali sa hali na matuto ang mga itong magbuklat at mag-aral ng
Bibliya sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa tamang paraan. Gayunpaman, kahit na
may "nakikita" o "napapansin" na siyang "mali" sa
mga katunggali niyang ito ay hindi pa din sapat na dahilan upang sigawan niya
ang mga ito ng, "Talo ka na! Talo ka na!" na para bang isang batang
nananalo sa labanang gagamba.
________________________________________________________________
The Bereans:
Ilan sa mga napansin namin habang nakikipag-debate si Soriano sa kanyang
katunggali ay ang mga sumusunod: Ginagawa ang debate sa kanilang lugar sa
halip na sa isang neutral place.
Caloy:
Di invite nyo si Mr. Soriano sa isang neutral place. Na try nyo na ba na
invite sya? Try nyo para makita naman namin difference, kasi kung puro dito
lang sa internet, talagang pwede nating itago lahat ng maitatago natin eh.
Kasi para sa akin, kung sa Dios ka talaga dapat, wala kang takot na humarap
kahit kanino upang ipaglaharan ang katotohanan.
The Bereans:
Sinubukang kausapin ni Marvin Q. Bagabaldo, isang Kristiyanong manunulat at
pastor, ang mga manggagawa ng "Ang Dating Daan" upang hamunin si
Soriano sa isang pampublikong debate patungkol sa Textual Criticism. Sapagkat
napakinggan niya si Soriano sa RJTV 29 na diumano'y "nagyayabang at
nagmamarunong" patungkol sa Bible translation at biblical languages.
Dalawang ulit niyang hinamon ito sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniyang mga
manggagawa ngunit wala siyang natanggap na tugon matapos na kunan siya ng
impormasyon ng mga ito. Si Ptr. Bagabaldo ay ang awtor ng libretong, "Mapanghi
sa 'Ang Dating Daan.'" Siya ay kasalukuyang nagpa-pastor ng Charis Assembly
of Christ, San Andres Bukid, Metro Manila. Nagtapos siya bilang iskolar at
President Awardee sa Evangelical University of America, Monroe, Louisiana.
Nais ko lamang ipabatid na hindi susubukang makipag-debate ni
Soriano sa isang taong may nalalaman patungkol sa orihinal na salita ng Bibliya.
________________________________________________________________
The Bereans:
Nakatuon si Soriano sa speech defects ng kanyang katunggali sa halip na sa
theological defects. (Nire-replay pa niya ito upang makumbinse ang mga
manonood na tama siya)
Caloy:
In fairness naman, palagay ko di naman sa speach defects kundi tungkol dun sa
aral na tinitindigan lamang nung kadebate nya ang pinaguulit ulit.
Karaniwan nga buo namang pinapalabas sa Ang Dating Daan show yung mga debate
di ba? Panoorin mo kasi Justin para talagang ma appreciate mo.
The Bereans:
Ang tinutukoy kong "speech defect" na pinalalaki at pinauulit-ulit ni
Soriano sa kaniyang mga video footages ay ang mga namamaling paliwanag ng
kaniyang mga katunggali na kung iyong tutuusin ay hindi naman talaga iyon ang
opisyal na paniniwala ng mga ito. Kung ito'y magkagayon ay nagiging puhunan ito
ni Soriano upang "maipanalo" ang kaniyang pakikipag-debate na sadyang
napakababaw.
________________________________________________________________
The Bereans:
Sa panahon ng pagsasagutan ay mapapansin nating ang boses ni Soriano ang mas
nangingibabaw sa kanyang katunggali. (Hindi po pataasan ng boses ang labanan
bagkus ay kung sino ang may mas mailalabas na ebidensiya)
Caloy:
Ito ba kinatatakot nyo? Kapag nagkamali kayo ng basa ng Bibliya at
kasinungalingan ang sasabihin nyo at mataasan kayo nang boses dahit sa
katangahan sa Bibliya ng ka debate eh takot na kayo? Huwag ganyan, kung
tama talaga ang ipinagsisigawan ninyo eh ipagsigawan nyo nga na gaya sa
pakakak. Ngunit kung ikinahihiya nyo nga ang inyong paniniwala at sa sulok
sulok lang ng internet nyo ilalagay ang mga nalalaman nyo eh, medyo kaduda
duda nga iyan. Mabuti pa yung ibang samahan na napapanood ko sa TV minsan sila
lang mag isa ang buong tapang na pumupunta dun sa TV studio ng Ang Dating Daa
at ipinararating nila ang kanilang paniniwala.
The Bereans:
Hindi sapat na dahilan upang taasan ni Soriano ng boses ang kaniyang mga
katunggali dahil lamang sa "pagkakamali" ng pagkakabasa bagkus ay
makitaan man lamang siya ng pagpapakumbaba (humility) sa mga oras na iyon. Ang
pagpapahayag ng mensahe ng kaligtasan ay hindi maaaring ituladng literal sa
isang pakakak (trumpets) na malakas ang tunog. Kung ito'y magkagayon ay bakit
hindi sumisigaw si Soriano sa lahat ng oras habang ipinapahayag niya ang
kaniyang katuruan? Hindi dahilan upang sabihin nating "kaduda-duda"
ang isang bagay dahil lamang sa nakalagay ito sa internet.
________________________________________________________________
The Bereans:
Ang moderator ay mapapansing madalas na pumapanig sa kaniya. Nakatuon si
Soriano sa mga literal na salin ng "Ang Biblia" (Tagalog
translation ng American Standard Version) sa halip na ibase ang kaniyang
interpretasyon sa orihinal na salita ng Bibliya.
Caloy:
Palagay ko sariling opinyon nyo lang yan kasi, nakikita ko naman kapag may
debate eh pati nga si Mr. Soriano eh pinahihinto ng moderator eh. Ibat ibang
salin nga ng Bibliya ang ginagamit nung tao eh. Obserbahan nyo kasi ng
mabuti, o baka naman isa kayo sa tinatamaan nang mga sinasabi nya tungkol sa
Bibliya.
The Bereans:
Hindi din dahilan upang sabihin nating hindi panig ang moderator kay Soriano
dahil lamang sa siya'y pinahihinto nito. At ang paggamit niya ng iba't ibang
salin ay hindi nangangahulugang tama na ang kaniyang mga itinuturo. Ang mga taga-INC
(1914) ay gayun din naman.
________________________________________________________________
The Bereans:
Isang halimbawa ay ang paglalahad ng kaniyang katunggali na ayon sa Bibliya
ay isa lamang ang Diyos at kaniyang ipinakita kay Soriano ang Deut. 6:4.
Nalalaman ng mga marurunong sa Bibliya na ang talatang ito ay ang shema ng
Israel kung saan ipinahahayag ng Diyos ang kaniyang pagiging "isang
Diyos." Ang hindi niya inaasahan ay ang hanapan siya ng literal na
salitang "isang Diyos" ni Soriano sa talatang kaniyang nabanggit.
Ang tinutukoy ng talata sa Ang Biblia ay "isang Panginoon" sa
halip na "isang Diyos". Ayon kay Soriano nasaan diumano ang
salitang "isang Diyos" sapagkat ang nakasulat ay "isang
Panginoon." Ang hindi nauunawaan ni Soriano ay ang katotohanan na ang
salitang "Panginoon" ay isinalin sa Hebreong salita na "YHWH
o JEHOVAH" kung saan tumutukoy ito sa Diyos o Panginoon ng Israel. Kung
ganito ang magiging istilo ni Soriano sa kaniyang pakikipag debate ay hindi
malayong ang kaniyang makumbinse ay ang mga taong tamad mag-aral at
mag-imbestiga ng Bibliya. Tularan natin sana ang mga taga-Berea sa Gawa
17:11.
Caloy:
Bakit di iyan ang tindigan nyo at hamunin si Mr. Soriano
The Bereans:
Sa paraan ng pakikipag-debate ni Soriano, mas makabubuti munang sagutin natin
siya sa pamamagitan ng mga website at email upang masabi natin ang gusto nating
sabihin.