<<< balik sa listahan
kung si hillary ang maging susunod na U.S. president
ika-6 ng Pebrero 2008
<<< balik sa unang pahina
Kung susuriin, ang peminismo ay nag-umpisa bilang isang kanluranin na konsepto at burges na ideyolohiya. Ito ay nagsimula bilang pagkilos ng suffragettes, na nangangampanya na ang mga kababaihan ay bigyan ng karapatan sa pagboto, at ng mga abolitionists na nangangampanya naman laban sa pang-aalipin o slavery noon. Napasailalim ang peminismo sa tatlong waves at napakaraming strands. Ang waves na pagpapanahon sa mga kilusang peminismo ay nahahati sa tatlo. Samantala, ang strands naman ay patungkol sa pagkakaiba-iba at mga di-pagkakasunduan sa teoretikal na preymwork at politikal na layunin. Sinasabi ngayon na kung gaano kadami ang mga peminista ay ganoon din kadami ang mga strands na ito.
Ang liberal feminism ay umusbong noong ikalawang wave ng peminismo. Hinahangad nito ang kaunlaran sa estado ng mga kababaihan. Sinusuri nito ang kaapihan ng kababaihan sa mga outdated na mga batas at makalumang kultura kabilang na din ang tradisyon. Kung kaya’t ang kanilang hangad para palayain ang kababaihan ay ang pagbabago ng mga lumang batas, institusyon at power relations upang matamo ang pagkakapantay-pantay sa sosyal, kultural, at relihiyosong institusyon. Kung baga ang pagbabago sa mga batas ang kanilang end all and be all.
Taliwas sa liberal na peminismo, ang mga pambansang demokratikong kilusan ng kababaihan ay hindi tinitingnan ang patriyarkal na sistema at kaapihan ng kababaihan sa lipunan na mula sa makalumang mga batas. Ang kaapihan ng lahat ay inuugat ng huli sa imperyalismo, pyudalismo aat burukrata-kapitalismo na siyang nagdudulot ng dobleng pangsasamantala sa babae: una ay sa uri at ikalawa sa kasarian. Kung kaya’t hindi lamang sa partikular na mga interes nakikilahok kung hindi pati sa mga usapin sa bayan. Sa kasalukuyang panahon, hindi na lamang sapat ang pakikilahok sa lobbying ng mga bagong batas na makababae, kung hindi pati ang pakikilahok ng kababaihan sa pagkilos para sa pagpapalaya sa sarili at sa bayan.
Kung sakaling maupo man si Hillary Clinton sa puwesto bilang susunod na pangulo ng U.S. ay isa pa ring kuwestiyon kung sa kaninong interes siya magsisilbi. Maaaring tumindig si ginang Clinton sa paglaban sa isyu ng pang-aapi ng patriyarkal na lipunan ngunit, hindi maaasahan na siya ay tumalikod sa kanyang uring pinagmulan.
|