<<< balik sa listahan
mga aktibista, mamamahayag at lider unyonista
ika-7 ng Pebrero 2008
>>> pumunta sa susunod na pahina
Sa tala ng Karapatan, isang organisasyon na tumututok sa karapatang pantao, mula 2001 hangang nitong Enero 28, 2008 ay umabot na sa 889 ang pinatay habang 189 naman ang dinukot sa ilalim ng gobyernong Arroyo. At sa mahigit 800 na bilang ng mga napaslang 54 dito ay mga mamamahayag.
Ayon nga sa isang artikulo ni Propesor Luis Teodoro, madaming mga Pilipino ang nananatiling walang pakialam sa nakaaalarma na isyung ito. Maski sa mga nasa mundo ng pamamahayag may mga taong nagsasawalang bahala sa pagkamatay ng kanilang mga kasamahan sa industriya. Halimbawa ay ang isang brodkaster na nabanggit sa parehong artikulo, ayon sa brodkaster na ito ang bilang nang mga namatay na mga mamamahayag ay hindi pa kaala-alarma. Kung ikukumpara mo nga naman sa mahigit 800 na namatay na mga aktibista ang 54 ay magmumukha nga naman kakaunti, ngunit kagaya ng sa ilang daang namatay na mga aktibista, lider unyonista at mga magsasaka ang mga mamamahayag na pinaslang ay kaparehas din biktima ng culture of impunity na talamak sa kasalukuyang rehimen. Gayundin, ang mga pamamaslang na ito ay nasasagka ang garantiya sa konstitusyon ng Pilipinas sa kalayaan sa pamamahayag (press freedom at free expression).
Isang matingkad na halimbawa ng pagsasagka na ito ay ang naganap na panununog ng mga hinihinalang mga militar sa Radyo Cagayano, isang istasyong pangkomunidad na tumatalakay sa kalagayan ng bayan at ng mga magsasaka sa Cagayan. Sa katotohanan 33 sa mga pinaslang na mamamahayag ay dahilan sa kanilang pagsasalita tungkol sa mga isyung dapat malaman ng publiko. At sa lahat ng mga kasong ito ay dalawa pa lamang ang nahahatulan ang mga natirang kaso kung hindi man naabsuwelto ay nananatili namang malaya ang mga pumaslang at ang mga tao sa likod ng pamamaslang.
|