![]() |
<<< balik sa listahanmariannet amper, namatay sa sinapupunan pa lamangika-26 ng Nobyembre 2007>>> pumunta sa susunod na pahina
Mula sa mahirap na pamilya sa Davao City, si Mariannet kasama ang kanyang kapatid na si Reynal ang tanging natitira na nag-aaral sa kanilang pamilya. Ang lima sa kanilang mga kapatid ay nagsipag-asawa na. Ang kanyang ama ay isang dating construction worker at mala-manggagawa naman ang kaniyang ina na minsanang tumatanggap ng labada upang may pantawid gutom sa bawat araw. Pantawid gutom, iyan na lamang ang nais ng malaking bulto ng masang Pilipino ang maitawid ang kagutuman na kanilang dinadanas. Kailangan nilang itawid ang gutom upang kahit papaano ay malampasan ang araw at bukas ay harapin muli hindi ang buhay kundi si Kamatayan. Isang tunggalian para makalampas sa hamon ng sistema na siya mismong nagdulot ng kamatayan sa kanila pagkasilang pa lamang sa bayang ito. “Bayan ang tumawag at bayan ang dumalo” ito ang paunang salita ni Faustino Aguilar sa kaniyang nobela na Pinaglahuan. Matagal nang tumatawag ang bayan, ngunit tila walang nakaririnig sa pag-inda nito, at ayon sa isang survey ay 25% lamang ng populasyon ang kikilos sa pag-inda ng Inang Bayan. Kahit na siya ay paulit-ulit na ginagahasa ng mga imperyalistang interes at wala nang matitira para sa mga anak niya kundi ang pighati at mumunting latak na lalo pang pinagkakait dahilan sa pagtutol sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. Kung tutuusin hindi lamang si Mariannet kung hindi ang pamilya niya mismo ay sumisimbolo sa nararanasan ng 99% ng populasyon ng Pilipinas. Ilang Tatay Isabelo Amper nga ba ang nananatiling kontrakwal dahil sa tinatawag na flexibility of the workplace. Dahil ayon sa mga TNCs (Trans-National Corporations) at mga kapitalistang interes hanggang ang seguridad sa trabaho ng manggagawa ay sinisigurado sa Pilipinas ay magkakaroon ng problema sa pasahod. Kung kaya ang solusyon na kanilang naiisip ay ang pagbabawas ng empleyado at kontraktwalisasyon upang makatakas sila sa anumang responsibilidad ng pagbibigay benepisyo na dapat ay tinatamasa ng uring manggagawa. Samantala ang ganitong retorika ay siya naman sinusugan ng isang departamento ng gobyerno, na siya sanang nagsisiguro sa karapatan at interes ng manggagawa. Mas mahalaga sa kanila ang kapitalistang interes ng mga TNCs na umano'y nagdadala ng kita sa bayan at nag-aalay ng trabaho sa mga Pilipino. Kahit na sa katotohanan ay 2% lamang ng kabuuang puwersa ng mga manggagawa ang nabibigyan nito ng trabaho, sapagkat mas malaki pa rin bulto ang nasa mga small and medium-scale corporations. Ang retorika na masasaktan ang mga dayuhang investors kung lalaki ang pasahod ay isang kabalintunaan. Ang totoo nito ay mula ito sa mga iskema na dikta ng IMF-WB-WTO. |
|