<<< balik sa listahan
shampoo, conditioner at girlpower
ika-20 ng Pebrero 2008
<<
Sinasabi din na ang pagkakaroon ng babaeng namumuno ay isa na ring malaking tagumpay. Ngunit napatunayan na ng kasaysayan ng Pilipinas na ginamit lamang ng mga naturang pinuno ang pagiging babae upang pabanguhin ang kanilang termino. Ito ay dahil sila ay babae na nasa pyudal-patriyarkal na lipunan, isang ina na ang nais ay kabutihan kung kaya’t inaakala na tunay silang magsisilbi. Kailanman ay hindi sapat na sabihing tagumpay para sa kabuuang hanay ng kababaihan ang pagkakaroon ng pangulong babae lalo na kung kapansin-pansin na siya mismo ay hindi tumatanaw sa malawak na uring tinatanaw ng sektor na ito.
Sa ilalim ng gobyernong Arroyo ay napakaraming hindi maka-babae at maka-mamamayan na panukala ang ipinatupad. Nariyan din ang maling pananaw sa kaunlaran at pagpapalaya sa Pilipinas na nagdudulot ng patuloy na militarisasyon at mga tanikala ng ekonomiya, kultura at politika hindi lamang sa mga kababaihan kung hindi sa kabuuan ng masang Pilipino. Ang kaunlaran ay dapat isang planadong pag-unlad. Ito ay dapat qualitative at quantitative na pagsukat at isang proseso ng pagpapalaya mula sa lahat ng tanikala na iniatas ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Ngunit sa kasalukuyan ay winawala ng imperyalismo ang esensya ng kolektibong pagkilos at pagpapaunlad. Ang idinadakila pa nito ay ang mga mito ng indibidwalismo, ang kalayaan para mang-eksployt at ang karapatan diumano ng isang indibidwal na gawin ang anumang naisin base sa dami ng yaman nito. Kung kaya’t kadalasan kung mayroon mang pagkilos para sa emansipasyon ay mga sektoral lamang ito na pananaw at hindi na ito tumatagos sa pagtukoy sa imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo.
Ang isinagawa lamang ng mga naturang kaisipan ay maglikha at magkomodipika ng desire na siyang nagpapatakbo sa sekswal na ekonomiya at sa ekonomiya ng seks sa kasalukuyan. Dahilan dito ay lalo pang napaigting ang pagpasan sa dobleng krus ng kababaihan: ang kaapihan sekswal at maka-uri. Binibigyan man ang babae ng opsyon na makamit ang independence ay nakatali pa rin naman siya sa tanikala ng lipunan na nagsasabing ang tungkulin niya ay sa kuwarto at kusina lamang. Kung kaya naman dapat ng kumawala ng mga kababaihan sa mga tanikalang ito at ipakita na siya ay may mahalagang gampanin sa lipunan at paghubog ng kasaysayan.
(tapos)
________________________________________________________________________________
|