Ang libelo ayon sa Revised Penal Code ay isang pagsasapubliko at malisyoso na pagpaparatang sa indibidwal o grupo ng isang krimen, bisyo o depekto, totoo man o hindi, na nagdudulot ng kapulaanan sa naturang indibidwal o grupo o hindi kaya ay paninira sa naiwang alala ng namatay. Ang layunin ng batas na ito ay upang maiwasan ang pamamahayag ng sensational na mga balita. Ngunit, sa ngayon ay ginagamit ito ng estado upang ikriminalisa ang mismong responsibilidad ng mamamahayag.
Ito lamang nakaraan ay naglabas ng isang circular si Chief Justice Reynato Puno. Sinaad dito ang pagkonsidera sa fine at hindi na lamang imprisonment sa usapin ng libelo. Ipinaalala nito na suriin ng hustisya kung sapat na ang pagbabayad ng fine o pagkakulong. Marami ang pumuri sa ganitong inisyatibo ng Chief Justice, isa na dito ang NUJP (National Union of Journalists of the Philippines). Ang inilabas na circular ay nakita bilang isang hakbang sa pagdekriminalisa sa libelo. Ayon sa NUJP ang dekriminalisasyon ng libelo ay magpapalakas sa mga safeguards sa kalayaan sa pamamahayag at ekspresyon. Bukod dito ay tatangkilikin ang malayang pagpapadaloy sa impormasyon na siyang kinakailangan sa isang demokrasya.2
Ngunit, mayroon ding mga tumuligsa sa naturang circular kagaya ni Presidential Legal Counsel na si Ginoong Eugenio Apostol. Dahilan sa illegal diumano ang naturang inilabas ni Puno. Pinangungunahan umano nito ang tungkulin ng konggreso na mag-amyenda ng batas. Ngunit, para kay Puno ito ay hindi nag-aamyenda dahil kinonsidera lamang nito ang isa pang opsyon sa pagpataw ng parusa sa libelo. Kasabay nito ay wala pa rin naman binago sa batas sapagkat ang pagbabayad ng butaw ay ayon din sa batas na ito.
Kung susuriin sa kasaysayan maski ang Estados Unidos na pinaghahalawan natin ng batas ay
dekriminalisado na ang libelo noon pang 1963. Ginagamit ang isang outdated na batas para manupil. Kung kaya naman ngayon ay panahon na upang ikonsidera muli ang pakahulugan sa libelo at kung paano nito nasasagka ang mismong responsibilidad ng mga mamamahayag.